Liahona
Ang Inyong Katawan: Pag-aalaga sa Banal na Kaloob na Iyan
Hulyo 2024


“Ang Inyong Katawan: Pag-aalaga sa Banal na Kaloob na Iyan,” Liahona, Hulyo 2024.

Ang Inyong Katawan: Pag-aalaga sa Banal na Kaloob na Iyan

Ang ating katawan ay mga kaloob mula sa Diyos at mga templo para sa ating espiritu, pero kailangan ng pagpipigil sa sarili at disiplina para mapangalagaan nang wasto ang mga ito.

isang lalaki at isang babaeng nagdi-jogging

Madaling balewalain ang ating magandang kalusugan—ibig sabihin, hanggang sa singilin na tayo ng 10 sodang iyon sa isang araw, ng pamumuhay na laging nakaupo, at ng kakulangan sa tulog. O sa kabila siguro ng tamang pagpili natin ukol sa kalusugan, may nangyayaring di-inaasahan dahil sa minana nating mga katangian at nagkakaroon tayo ng mga hamon sa kalusugan.

Nabigyan tayong lahat ng iba’t ibang antas ng pisikal na kalusugan na hindi natin palaging makokontrol. Pero isang bagay ang tiyak: Kinakailangan sa plano ng Diyos na pagyamanin natin ang naibigay sa atin. Ang paggawa nito ay nangangailangan ng parehong disiplina sa sarili at dedikasyon na kailangan natin para mapangalagaan ang ating espirituwal na kalusugan. Ang ibig sabihin niyan ay pigilan ang ating likas na hilig na umupo sa halip na tumakbo, kumain ng matatamis sa halip na mga gulay, at magpuyat sa halip na matulog.

Kapag naghahangad tayo ng inspirasyon para mapaganda ang ating pisikal na kalusugan at nagkaroon tayo ng disiplina sa sarili para mapanatili ito, matutuklasan natin ang mas malaking kakayahang maglingkod sa Diyos at makasumpong ng kagalakan.

Ang Iyong Katawan ay Isang Templo

Ang mga kaluluwa ay umuunlad kapag naaalagaang mabuti ang espiritu at katawan. “Ang espiritu at ang katawan ang kaluluwa ng tao” (Doktrina at mga Tipan 88:15). Sa pagkomento sa talatang ito, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang katawan at espiritu “ay napakahalaga. Ang inyong pisikal na katawan ay isang kagila-gilalas na likha ng Diyos. Ito ang Kanyang templo at templo rin ninyo at dapat pagpitaganan.”

Sa edad na 99, patuloy na ginagampanan ni Pangulong Nelson ang kanyang mga tungkulin bilang Pangulo ng Simbahan, habang kinikilala na kung minsa’y gumagamit siya ng walker para makabalanse at ngayo’y mas gusto niyang ihatid ang kanyang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya habang nakaupo. “Paminsan-minsan, medyo nahihirapan akong magbalanse,” pagsulat niya sa kanyang social media page noong Mayo 2023. “Palagay ko hindi ako dapat magulat kapag may lumilitaw na maliliit na isyu dahil malapit na akong mag-isandaang taon. Mabuti na lang, maayos ang puso ko, matatag ang aking espiritu tulad ng aking mga binti, at gumagana pa rin ang utak ko.”

Kilala si Pangulong Nelson sa kanyang masisiglang gawing pangkalusugan at aktibong pamumuhay. Laging payat, nagsikap siyang manatiling gayon. Regular siyang nag-eehersisyo at mas gustong lumalabas ng bahay. Nasa kanyang 90s, nagpapala siya ng niyebe sa sarili niyang bangketa at sa bangketa ng mga kapitbahay, nagtutulak ng mga basurahan pabalik sa mga garahe, at nagtatrabaho sa kanyang bakuran. Hanggang sa naging Pangulo siya ng Simbahan, madalas siyang mag-ski basta’t may panahon siya.

Pagkakaroon ng Disiplina sa Sarili

Alam natin ang mga pangunahing bagay para magkaroon ng magandang pisikal na kalusugan:

  • Regular na mag-ehersisyo.

  • Matulog nang sapat.

  • Kumain ng balanseng pagkain.

  • Panatilihin ang tamang timbang.

  • Matutong harapin ang ma-stress.

Ang sikreto ay ipagawa sa ating katawan ang alam ng ating espiritu na dapat nitong gawin. Ayon kay Pangulong Nelson, isa sa mga pagsubok sa mortalidad ang pagpigil sa mga ninanasa ng ating katawan sa pamamagitan ng espiritung nananahan dito:

“Alam ni Satanas ang kapangyarihan ng mga [pagnanasa] nating ito. Kaya, tinutukso niya tayo na kumain ng mga hindi [natin] dapat kainin, inumin ang mga hindi [natin] dapat inumin. …

“Kapag tunay na nauunawaan natin ang ating [likas na kabanalan], gugustuhin nating supilin o kontrolin ang mga [pagnanasang] iyon. … Sa araw-araw nating panalangin, pasasalamatan natin [ang Diyos] bilang ating Manlilikha at pasasalamatan Siya para sa karilagan ng ating sariling pisikal na [templo]. Pangangalagaan at pahahalagahan natin ito bilang kaloob sa atin ng Diyos.”

Patuloy na Pasasalamat at Pagkasumpong ng Kagalakan sa Katawang Bigay sa Atin ng Diyos

Sa edad na 27 at bilang ina ng tatlong bata, nasuri na mayroon akong rheumatoid arthritis, isang autoimmune disease na sumisira sa mga kasu-kasuan sa paglipas ng panahon. Nawalan ako ng kontrol sa aking buhay kapwa sa katawan at sa isipan. Humingi ako ng tulong sa Diyos na magkaroon akong muli ng katatagan ng isipan at magandang kalusugan na nabalewala ko noon.

Humingi ako ng tulong sa isang psychologist para sa aking anxiety o pagkabalisa. Nagpatulong ako sa isang rheumatologist para malaman ko ang mga gamot na iinumin at gumamit din ako ng mga natural na solusyon. Hindi ako sumuko kailanman. Pagkaraan ng maraming taon at labis na paghihinagpis, bumuti ang kalusugan ng aking katawan at isipan.

Naaalala ko na naparaan ako isang hapon sa napakaraming ligaw na bulaklak papunta sa isang lawa sa bundok. Habang umiiyak, pinasalamatan ko ang Diyos sa pagpapala sa akin ng pisikal na katawan at sa kakayahan kong makibahagi sa isang aktibidad na inakala kong hindi ko na kayang gawing muli. Walang lunas ang aking kalagayan, at halata ang dulot ng sakit sa aking katawan. Pero nakahiligan kong mag-hiking at mag-ehersisyo, at hindi ko binabalewala kailanman ang aking kalusugan.

Sa kabila ng aking mga pisikal na limitasyon, kamakailan ay naglingkod kami ng asawa ko sa isang senior mission sa Washington, USA (na puntahan ng mga mahilig mag-hiking!). Nagpapasalamat ako na buong buhay akong nakapaglingkod sa halos lahat ng tungkuling mayroon sa Simbahan.

Tulad ng sabi ni Pangulong Nelson: “Nawa’y palagi tayong magpasalamat para sa pambihirang pagpapala ng pagkakaroon ng kagila-gilalas na katawan, ang pinakamahalagang likha ng ating mapagmahal na Ama sa Langit. Kagila-gilalas man ang ating katawan, hindi lamang layunin nito ang maranasan ang mortalidad. Ito ay mahalagang bahagi ng dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos para sa ating walang hanggang pag-unlad.”