Digital Lamang
6 na Ideya sa Pagtalakay sa mga Bata tungkol sa Katatagan ng Damdamin
Gawing normal na aktibidad sa inyong tahanan ang pagsasanay sa katatagan ng damdamin.
Ang katatagan ng damdamin ay “ang kakayahang [umangkop sa mga hamon sa damdamin] nang may tapang at pananampalataya na nakasentro kay Jesucristo.”
Ang katatagan ng damdamin ay nagmumula sa tibay ng kalooban na ibinigay ng Diyos, na lumalago sa karanasan at sa pakikipag-ugnayan sa Panginoon. Nang magsalita tungkol sa katatagan ng damdamin, inanyayahan tayo ng Unang Panguluhan na “masigasig na pag-aralan at ipamuhay ang mga alituntuning ito at ituro ang mga ito sa mga miyembro ng inyong pamilya” at nangako na “ang pagtanggap at pagsasabuhay ng [mga alituntunin ng katatagan ng damdamin] ay higit kayong bibigyang-kakayahan na matanggap ang lakas na ipinangako ng Panginoon.”
Paano Magsimula ng mga Pag-uusap
Habang sinisikap nating kumilos ayon sa paanyayang iyon na magturo ng katatagan ng damdamin sa ating mga kapamilya, maaaring mahirap malaman kung saan magsisimula. Narito ang ilang paraan na maaari ninyong gawin para maging mas natural ang mga pag-uusap na ito:
1. Mamuno sa pagiging haimbawa.
Tinuruan tayong “magsumamo sa Diyos para sa lahat ng [ating] pangangailangan” (Alma 37:36). Maaari tayong maging huwaran sa ating mga anak kung paano idulog ang ating mga problema o alalahanin sa ating Ama sa Langit at paano makasumpong ng katatagan at lakas sa pamamagitan ng Kanyang pagmamahal at patnubay. Maaari tayong humingi ng lakas at kapayapaan sa panalangin na dumarating sa pamamagitan ng nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ni Jesucristo dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala. Habang naririnig tayo ng mga bata na nakikipag-usap sa Ama sa Langit sa isang positibo at matatag na paraan, maaari din nilang maramdaman na maaari silang magtiwala at ligtas na bumaling sa Kanya.
Tulad ng pagbaling natin sa Ama sa Langit para ibahagi ang ating mga iniisip at nadarama at hingin ang Kanyang tulong at patnubay, maaari din nating sikaping maging karugtong ng Kanyang pagmamahal at ligtas na malapitan at mapagkatiwalaan ng ating mga anak para tulungan silang mapamahalaan ang kanilang damdamin. Ipakita sa kanila na mauunawaan nila ang mga damdaming ito sa isang mapagmahal na relasyon sa inyo, at kung naaangkop, hilingin ninyo ng inyong mga anak sa panalangin ang patnubay at lakas mula sa Ama sa Langit nang may emosyonal na mga pangangailangan.
2. Makinig nang mabuti habang nagsasalita ang inyong mga anak.
“Ang oras para makinig ay kapag kailangan ng isang tao na pakinggan siya,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson. Sabi pa niya:
“Natural na [sabik ang mga bata na ikuwento ang] kanilang mga karanasan, mula sa [masasayang tagumpay] hanggang sa mga pagsubok ng dalamhati. Sabik ba tayong makinig? Kung sinisikap nilang ikuwento ang kanilang pagdadalamhati, maaari ba nating pakinggan nang lubos ang nakabibiglang pangyayari nang hindi tayo mismo ang nabibigla? Maaari ba tayong makinig nang hindi sila sinasansala at hinuhusgahan na humahantong sa agad na pagtatapos ng pag-uusap? Nananatiling bukas ang pag-uusap kapag tiniyak natin na tayo ay naniniwala sa kanila at nauunawaan ang kanilang damdamin. Hindi dapat isipin ng matatanda na hindi nangyari ang pangyayaring ito dahil hindi ito ang gusto nilang mangyari. …
“Maaaring matuklasan ng mga magulang na may anak na tinedyer na ang oras para makinig ay kadalasang di-gaanong maginhawa ngunit mas mahalaga kapag ang mga kabataan ay nalulungkot o namomroblema. At kapag tila hindi sila gaanong nararapat na pagbigyan, maaaring iyon ang oras na kailangang-kailangan nila iyon.”
Pinayuhan din tayo ni Sister Joy D. Jones, dating Primary General President, na pigilang makahadlang ang mga electronic device sa pagitan natin at ng ating mga anak: “Huwag nating hayaang makahadlang ang mga electronic device sa pagtuturo at pakikinig natin sa ating mga anak at sa pagtingin sa kanilang mga mata.”
3. Magpahayag ng tiwala sa inyong mga anak.
“Ang ating mga anak ay may kakayahang umunlad sa kabila ng mga hamong nararanasan sa panahong ito,” pagtuturo ni Elder Lynn G. Robbins noong isa siyang miyembro ng Pitumpu.
Maipapakita natin sa ating mga anak na naniniwala tayo sa kanila sa pagsasabi ng, “Mahirap ito. Mainam ang ginagawa mo. Sa pagsasanay, mas huhusay ka pa.”
4. Magdaos ng mga family council at makinig sa mga pananaw ng inyong mga anak.
Nang magturo tungkol sa mga family council, sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023): “Kailangang-kailangan ng mga anak ang mga magulang na handang makinig sa kanila.” Itinuro din niya: “Kapag handa ang mga magulang at nakikinig at nakikibahagi ang mga anak sa talakayan, talagang gumagana ang family council!”
Subukang humingi ng payo sa mga anak kung paano haharapin ang mahihirap na sitwasyon. Maaaring matuwa silang malaman na pinahahalagahan ang kanilang mga opinyon.
5. Magpatotoo tungkol sa pagmamahal at lakas na natatanggap ninyo mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na “dapat ding marinig ng ating mga anak na madalas tayong magpatotoo,” na “magpapalakas sa ating mga anak sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na tukuyin ang kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang lumalagong patotoo.”
6.Hikayatin ang mga bata na maging kalmado at komportable sa pag-unawa sa kanilang mga damdamin.
Maipapakita natin sa ating mga anak na normal lang ang makaranas ng emosyon. Kung minsa’y maaari mong sabihing, “Nadarama ko ang X dahil sa Y.” Kapag naging emosyonal o nahihirapan ang inyong mga anak sa matindi at nakababahalang damdamin, maaaring madama ninyo na tumitindi ang sarili ninyong damdamin, at maaari pa nga ninyong madama na parang nadaraig kayo ng sarili ninyong damdamin. Sa halip na tumugon sa mga damdaming nararanasan ninyo, manatiling kalmado at ipakita na normal ang mga damdamin at maaaring ipahayag sa mas maiinam na paraan.
Paminsan-minsan, kilalanin ang sarili ninyong kahinaan. Bilang magulang maaari ninyong sabihing, “Naging 10 taong gulang din akong minsan. Nagkaproblema ako sa paaralan dahil sa galit, gaya mo. Ganito ang ginawa ko para mapigilan ang galit ko.” Matutulungan natin ang ating mga anak na malaman na nauunawaan natin ang kanilang mga nararanasan. Sa pagtugon nang may pagmamahal at kahinahunan, madarama nila na hindi sila nag-iisa.
Maaaring mahalaga na tulungan ang ating mga anak na makilala ang kahalagahan ng pagpapakalma sa matitinding damdamin at pag-unawa kung paano nakakaapekto ang ilang emosyon sa ating espirituwal na kalusugan. Ganito ang paglalarawan dito ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Mahalaga ang papel na ginagampanan ng Espiritu sa pagpaparating ng pagmamahal ng Diyos sa atin [tingnan sa Galacia 5:22]. Subalit ang impluwensya ng Espiritu Santo ay maaaring maitago “ng matitinding damdamin tulad ng galit, poot, … [o] takot, … para itong pagtikim sa hindi gaanong malasang lasa ng ubas habang kumakain ng siling jalapeño. … Mas matapang ang lasa ng isa [kaysa sa isa].”
Habang pinipigilan natin ang ating sariling damdamin at ang damdamin ng ating mga anak, maaaring makatulong na tandaan na ang mga damdamin ay madalas na mga pagtantya kung gaano kalaki ang pakinabang o panganib ng isang bagay. Maaari nating suriin nang mahinahon kung gaano katumpak ang mga damdamin at sanayin na tumugon sa mga damdamin mula sa mas tumpak na antas ng kasidhian nito.
Sa isang halimbawa nito, hinatak ng isang adult sa tabi ang isang galit na bata at sinabing, “OK ka lang. Hindi ako galit. Nag-aalala ako na baka may masaktan o layuan ka ng mga tao dahil sa pagkaagresibo mo. Ano ba ang nararamdaman mo? May dahilan ang damdamin mo. Paano natin mareresolba iyan?” Kapag galit ang isang bata, maaari kayong magtanong ng, “OK ka lang ba? Ano’ng nangyayari?”
Pinayuhan tayo ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) na “[makinig] nang may pagmamahal at [huwag sumabad].” Ipadama sa mga bata na ligtas silang magsalita tungkol sa kanilang damdamin, at huwag ding kalimutan na matuwa sa kanilang magagandang karanasan at damdamin. Halimbawa, kapag nakatanggap ng mataas na marka ang isang anak sa paaralan, maaaring sabihin ng magulang, “Ang galing mo naman! Natutuwa ako na maganda ang pakiramdam mo kapag mahusay ka sa paaralan. Sa palagay mo, bakit maganda sa pakiramdam ang maging mahusay sa paaralan? Ano ang nakatulong sa iyo na maging napakahusay?”
Kailan Sisimulan ang mga Pag-uusap
Bagama’t kritikal na magturo ng mga kasanayan sa pamamahala ng damdamin kapag nahihirapan ang inyong mga anak, hindi lamang ito ang oras para maganap ang mga pag-uusap na ito. Maaari ninyong ituro sa inyong mga anak ang mga kasanayan sa katatagan ng damdamin sa mga normal na sandali sa buhay—ang mga salita at kasanayang tinatalakay ay magpapalakas sa kanila sa mas mahihirap na sandali sa buhay.
Kabilang sa ilang iminungkahing oras para magkaroon ng mga pag-uusap tungkol sa katatagan ng damdamin ang:
-
Lingguhang family home evening.
-
Buwanang indibiduwal na mga interbyu sa bawat anak.
-
Mga hapunan ng pamilya. Magkuwento tungkol sa mga kamag-anak na nakalampas sa paghihirap. Talakayin kung anong mga kalakasan ang nakatulong sa kanila na makalampas sa mga pagsubok. O ipakuwento sa bawat miyembro ng pamilya ang isang tagumpay at isang hamon sa araw na iyon at kung ano ang kanyang ginawa. Para maghikayat ng teamwork at malikhaing paglutas ng problema, magpalitan ng mga ideya bilang pamilya tungkol sa iba pang makakatulong na mga paraan para makayanan ang mahihirap na sitwasyon.
-
Mga talakayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya o sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Humanap ng mga paraan na itinuturo ng mga banal na kasulatan at ng mga kuwento ang mga konsepto ng katatagan ng damdamin.
-
Oras ng pagbabasa. Maaaring maging isang magandang paraan ang mga aklat para talakayin ang mga damdamin. Para sa mga batang musmos, maaari ninyong piliing magbasa ng mga aklat na may kinalaman sa mga damdamin at pag-usapan ang mga paraan kung paano nagpakita ng katatagan ang mga tauhan. Para sa nakatatandang mga bata, maaari ninyong piliing magtatag ng isang family book club kung saan babasahin ng lahat ang iisang aklat at pagkatapos ay magdaraos kayo ng lingguhang miting para talakayin ang mga konsepto ng katatagan na natututuhan ninyo mula sa aklat.
-
Mga family meeting. Magdaos ng mga miting sa loob ng ilang linggo at sama-samang basahin ang Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin. Iakma ang mga materyal para maging angkop sa edad ng mga bata. Isiping kayo muna mismo ang kumuha ng kurso.
Magsimula sa Maliit
Gawing normal na aktibidad sa inyong tahanan ang pagsasabuhay ng katatagan ng damdamin. Magsimula sa maiikling talakayan at maghanap ng mga paraan na mahihikayat ang inyong mga anak na matutuhan kung anong mga kasanayan ang tumutulong sa kanila na maging mas kalmado at kontrolado ang kanilang mga pag uugali. Ito ay isang kagawian na dapat nating gawin nang palagian habambuhay.
Tulad ng sabi ni Sister Jones tungkol sa pagtuturo ng espirituwal na katatagan sa mga bata, na maaari ding umangkop sa katatagan ng damdamin: “Hindi kailangang maging kumplikado ito o gumugol ng maraming oras. … Ang magiliw na mga pag-uusap, na likas at palaging nangyayari, ay maaaring humantong sa higit na pagkaunawa at mga sagot.”
Pagpapalain ng Panginoon ang ating mga pagsisikap kapag nagpunyagi tayong magkaroon ng katatagan ng damdamin sa ating pamilya.