2019
Katatagan: Espirituwal na Baluti para sa mga Kabataan Ngayon
Setyembre 2019


Katatagan: Espirituwal na Baluti para sa mga Kabataan Ngayon

Ang ating mga anak ay may kakayahang umunlad sa kabila ng mga hamong nararanasan sa panahong ito. Ang ating responsibilidad bilang mga magulang ay tulungan silang maghanda sa pagharap nang walang takot sa mga hamong iyon.

young man running hurdles

Larawang kuha ng Getty Images

May nagkuwento na noong pamamahala ng mga Briton sa India, malaking bilang ng mga makamandag na kobra ang nakatira sa loob at paligid ng Delhi. Upang malutas ang problema, sinimulan ng lokal na awtoridad na magbigay ng pabuya para sa mga napatay na kobra. Ang di-matalinong pagbibigay ng pabuya ay nagkaroon ng di-inaasahang pangyayari nang ang matatalinong tagaroon ay nag-alaga ng mga kobra para kumita. Nang matapos ang pagbibigay ng pabuya, pinalaya ng mga nag-alaga ang mga kobra, na lalo pang nagpalala sa problema.

Ang mga epekto na di-sinadyang mangyari na mas nakapipinsala kung minsan kaysa sa nilayong kapakinabangan ay tinatawag na “cobra effect.”1

Ang Cobra Effect sa Bagong Henerasyon

Nang bumisita ako sa Brigham Young University–Idaho noong taglagas ng 2017, sinabi sa akin ng bagong presidente ng paaralan, na si Henry J. Eyring, na ang pinakamalaki niyang problema ay ang mataas na bilang ng mga dropout na college freshmen. Hindi ipinagpapatuloy ng mga estudyante ang pag-aaral sa kolehiyo dahil sa iba’t ibang dahilan, ngunit ang kawalan ng katatagan ang isa sa mga pangunahing dahilan kaya’t nakararanas ng ganitong problema ang maraming unibersidad sa iba’t ibang panig ng Estados Unidos.2

Ang katatagan ay “ang kakayahang mabilis na makabangon o makapag-adjust sa kabiguan o pagbabago.”3 Dahil natuklasan ang kawalan ng katatagan sa mga bagong kasapi nito, ang U.S. Army ay nagsimulang mag-alok ng Master Resilience Training program para patatagin ang mga sundalo laban sa stress, mga hinihingi, at mga paghihirap sa serbisyo sa military.4

Mayroon din tayong ganitong problema sa Simbahan dahil mas tumaas ang porsiyento ng mga full-time missionary na umuuwi nang maaga mula sa kanilang misyon kaysa sa naunang mga henerasyon. Ilang missionary ang nakakaranas ng malubhang problema sa kalusugan o iba pang mga pagsubok na naging dahilan para i-release sila nang maaga, ngunit ang iba naman ay wala lang sapat na katatagan.

Naobserbahan ni Lyle J. Burrup, na naglingkod bilang mental health counselor sa Missionary Department ng Simbahan, na ang pinakakaraniwang dahilan ng mga problemang emosyonal ng mga missionary ay ang kawalan ng katatagan. “Sa maraming pagkakataon,” sabi niya, “hindi natutuhan ng missionary kung paano haraping mabuti ang mga hamon.”5

Hindi ang mga unibersidad, military, at mission field ang sanhi ng problema; inilalantad lang nila ito. Ang hindi gaanong pagiging matatag ng mga kabataan ngayon ay maaaring di-sinasadyang pangyayari—isang cobra effect sa makabagong panahon—na bunga ng mga bagay na tulad ng:

  • Palaging nakaupo at nag-uukol ng napakaraming oras sa mga digital device, at hindi gaanong nag-eehersisyo at walang gaanong pisikal na aktibidad hindi tulad ng mga naunang henerasyon.6

  • Sobrang pagkalantad sa isang di-makatotohanang virtual world o kunwa-kunwariang mundo, na nagdudulot ng pagkalito sa sarili o magulong personalidad, pagkabalisa, depresyon, at mas mababang pagpapahalaga sa sarili.7

  • Kawalan ng pagtitiis dahil sa mundong kaagad nagbibigay ng kasiyahan at mga sagot na kasing-bilis ng Google. (Sa kabilang banda, ang katatagan ay nahuhubog kadalasan sa pamamagitan ng pagtitiis.)

  • Proteksyon laban sa maalong karagatan. “Ang payapang karagatan ay hindi nakakatulong sa paghusay ng mga mandaragat.”8

  • Isang mundong puno ng walang katapusang opsiyon na nakagugulo, nagpapaligsahang mga tinig na nakalilito, at maginhawang buhay na maaaring dahilan para maging manhid ang mga kabataan at matatanda sa mga pahiwatig ng Espiritu.

  • Paggugol ng napakaraming oras sa paggamit ng digital device at walang oras para makisalamuha nang personal sa mga tao, kaya hindi nagkaroon ng mga kakayahang makisalamuha o makipag-usap nang personal sa mga tao.

Maraming aklat ang naisulat para talakayin ang kumplikado at mahirap na problemang ito, kasama rito ang aklat na may kapansin-pansing pamagat na iGen: Why Today’s Super-Connected Kids Are Growing Up Less Rebellious, More Tolerant, Less Happy—and Completely Unprepared for Adulthood.

Ang mundo ay nagbabago. Inilaan ng Panginoon para sa panahong ito ang mga espiritu na may kakayahang umunlad sa kabila ng mga problema o hamong kinakaharap sa panahong ito. Ang ating responsibilidad bilang mapag-arugang mga magulang ay tulungan silang maghandang harapin ang mga hamon o problemang iyon nang walang takot sa pamamagitan ng paglinang at pagpapaibayo ng kanilang katatagan, pananampalataya, at tibay ng loob.

Sa pamamagitan ng mabisang mga alituntunin ng ebanghelyo na tutulong sa atin, matutulungan natin ang mga kabataan na lalo pang maging matatag, na magbibigay sa kanila ng kakayahan na maging higit na katulad ng Tagapagligtas sa “[pag]laki sa karunungan [intelektuwal] at sa pangangatawan [pisikal at mental], at sa pagbibigay lugod sa Dios [espirituwal] at sa mga tao [pakikisalamuha at emosyonal]” (Lucas 2:52). Gusto kong talakayin ang apat na alituntuning ito ng ebanghelyo: (1) pag-asa sa sarili o self-reliance, (2) pagsalungat sa lahat ng bagay, at (3) ang kaloob na Espiritu Santo, at (4) moral na kalayaan.

1. Pagpapalaki ng mga Anak na Self-Reliant: Santa Claus vs. Scrooge

Sa hangaring tulungan ang mga nangangailangan, sinisikap nating mabalanse nang tama ang dalawang magkaugnay na alituntunin: pagiging mapagkawanggawa at paghikayat na maging self-reliant. Ang pagiging mapagkawanggawa nang hindi naghihikayat na maging self-reliant ay parang si Santa Claus. Ang paghihikayat na maging self-reliant nang walang kabaitan ay parang si Scrooge.9 Ang anumang labis ay hindi tama.

father and son fishing

Ang pagkakawanggawa (pagbibigay sa isang tao ng isda) at pag-asa sa sarili (pagtuturo sa isang tao ng pangingisda) ay angkop din sa pagiging magulang. Maaaring gawin natin ang lahat ng desisyon para sa ating mga anak, ngunit mas makabubuti na turuan sila na magdesisyon at matutulungan sila nito na maging self-reliant sa aspetong intektuwal, espirituwal, pakikisalamuha, at emosyonal.

Isang halimbawang nagbibigay-inspirasyon ang makikita sa nakaaantig na pelikulang The Miracle Worker, na mula sa talambuhay ni Helen Keller, na nagkasakit noong siya ay sanggol pa na naging sanhi ng kanyang pagkabingi at pagkabulag.10 Sa paraang gaya ng ginagawa ni Santa Claus, ang laging nakabantay na mga magulang ni Helen ay sobrang magprotekta at mapagpalayaw, na nakahadlang sa intelektuwal, espirituwal, pakikisalamuha, at emosyonal na pag-unlad ni Helen.

Gayunman, nakita ni Anne Sullivan, na pribadong guro ni Helen, na lahat ng gustuhin ni Helen ay nasusunod kaya sinimulan niyang tulungan si Helen na harapin ang kanyang mga problema at mas matutong umasa sa sarili. Sa huli, si Anne Sullivan, at hindi ang mga magulang ni Helen, ang nakatulong kay Helen na maabot ang kanyang tunay na potensyal.

Dahil mahal natin ang ating mga anak, nais natin na makita silang magtagumpay. Maaari tayong matuksong tanggalin lahat ang mga hadlang sa kanilang daraanan. O bawasan ang kanilang kalungkutan at pagkabigo, maaaring matukso tayong gawin ang mahirap na gawain para sa kanila, tulad ng ginawa ng mga magulang ni Helen Keller. Gayunman, kapag ginawa natin ito, maaaring mahadlangan natin nang di-sinasadya ang ating mga anak sa pagkakaroon ng katatagan na kinakailangan nila para maging malakas, at maaasahang mga disipulo ni Cristo.

Sa halip na maging masyadong mapagprotekta at kaagad na ayusin ang kanilang problema, dapat nating isaalang-alang ang paraan ng Tagapagligtas. Pinalalakas Niya tayo upang “mabata ang [ating] mga pasanin” (Mosias 24:15) at kadalasan ay hindi agad dumarating ang tulong tulad ng nais nating mangyari (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:1–3).

2. Pagsalungat: Ang Pagpapala na Dulot ng Mahihirap na Bagay

Isa sa mga paraan ng pagpapalaki sa atin ng ating Ama sa Langit, ang ating perpektong magulang, upang maging matatag at maihanda tayo para sa kaligayahan natin sa hinaharap ay sa pamamagitan ng pagpapadala sa atin sa mundong ito kung saan susubukan ang ating katatagan at dadalisayin tayo, tulad ng makikita sa mga sumusunod na banal na kasulatan:

  • Tayo ay “[su]subukan, maging gaya ni Abraham” (Doktrina at mga Tipan 101:4).

  • Ang paghihirap “ay magbibigay sa [atin] ng karanasan at para sa [ating] ikabubuti” (Doktrina at mga Tipan 122:7).

  • “May pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11), kaya nga tinutulutan tayo ng Ama sa Langit na “[ma]tikman ang pait, upang [ating] matutuhang pahalagahan ang mabuti” (Moises 6:55).

  • “Wala [tayong] matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa [ating] pananampalataya” (Eter 12:6).

Ang matutuhang magkaroon ng mga katangian ni Cristo na pananampalataya, pagtitiis, pagsusumigasig, at pagiging matatag, at marami pang iba, ay hindi mangyayari nang walang pagsalungat o “hurno ng kadalamhatian” (Isaias 48:10). Ang ating Ama sa Langit, samakatwid, ay tinutulutan tayo na makayanan ang mahihirap na problema at gawin ang mahihirap na bagay. Paano tayo magiging katulad ng ating dakilang Huwaran kung hindi natin daranasin ang mga pagsubok na kahalintulad ng mga naging dahilan para Siya’y maging kung sino Siya ngayon?

Madalas kong sabihin sa mga missionary, “Sa mission field mag-eenroll ka sa napakahirap na mga kurso: Kasigasigan 501 at Pagtitiis 505, at marami pang iba. Sa pamamagitan lamang ng advanced curriculum na ito ninyo matututuhan na maging mahuhusay na missionary at kalaunan ay mabubuting asawa, ama at ina. Kung may araw na nahihirapan kayo, ikatuwa ang inyong pagdurusa tulad ng ginawa nina Apostol Pedro at Apostol Juan, na pagkatapos mabilanggo at bugbugin ay ‘nangatutuwang sila’y nangabilang na karapatdapat na mangagbata ng kaalimurahan dahil sa [kanyang] Pangalan’” (tingnan sa Mga Gawa 5:18, 40–41; tingnan din sa I Ni Pedro 4:13; Mga Taga Colosas 2:8).

Ang mga problema, paghihirap, at pagsisikap ang tumutulong sa atin na magkaroon ng katatagan—ang kakayahang bumangon, pagpagan ang sarili, at magpatuloy sa paglakad sa makipot at makitid na landas. Ang landas na iyan ay kadalasang matarik at mabato, at lahat tayo ay natitisod at nabibigo. Ang kaloob ng Panginoon na walang katapusang pangalawang pagkakataon ang nakatutulong sa atin na sumulong nang may katatagan.11

people hiking

3. Ang Espiritu Santo at Inspiradong Paggawa ng Desisyon

Sa halip na tumanggap ng madaling sagot, kinakailangang humusay ang mga anak sa paggawa ng desisyon. Maaari tayong magbigay ng payo ngunit hayaan natin silang mag-isip para sa kanilang sarili at magsimulang gumawa ng kahit maliliit na desisyon.

Dahil ang kaloob na Espiritu Santo ang pinakadakilang kaloob na matatanggap ng mortal na tao,12 ang pinakamaganda at pinakamakatutulong na bagay na maituturo ng isang magulang sa anak ay ang kakayahang mahiwatigan ang mga bulong ng Espiritu Santo. Ang pagtuturo sa mga anak na maging karapat-dapat sa dakilang kaloob na ito at kung paano tumanggap ng personal na paghahayag ay ang pinakamahalagang bagay na magagawa natin para makapagpalaki ng mga anak na nakakatayong mag-isa o self-reliant sa espirituwal na aspeto.

Isang aral ang natutuhan natin mula kay Oliver Cowdery, na humingi sa panalangin at hindi nakatanggap. Sinabi ng Panginoon sa kanya:

“Masdan, hindi mo naunawaan; inakala mo na aking ibibigay ito sa iyo, gayong wala kang inisip maliban sa ito ay itanong sa akin.

“Subalit, masdan, sinasabi ko sa iyo, na kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama, at kung ito ay tama aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab; samakatwid, madarama mo na ito ay tama” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 9:7–8).

mother helping with schoolwork

Kapag lumapit sa atin ang ating mga anak at nagpapatulong sa takdang aralin, halimbawa, hindi tayo ang gagawa ng takdang aralin para sa kanila. Gagabayan natin sila, at pagkatapos, tulad ng sinabi ng Panginoon kay Oliver, ay sabihin nating, “Ngayon, gawin mo ito, at kapag tapos ka na, bumalik ka sa akin at titingnan ko kung tama ang sagot mo.”

Ang pagtuturo sa mga anak kung paano gawin at tapusin ang isang bagay at kayanin ang kanilang mga pagsubok ay tumutulong sa kanila na mag-isip para sa kanilang sarili, pag-aralan at lutasin ang mga problema, at mahiwatigan ang mga bulong ng Espiritu Santo. Sa pamamagitan lamang ng sarili nilang karanasan sa paglutas ng mga problema sila nagkakaroon ng sentido-kumon o common sense at karunungan at napapahusay ang kanilang kakayahan na “pag-aralan ito” at tumanggap ng paghahayag.

Ang hindi pagtuturo sa ating mga anak kung paano maging self-reliant at matatag sa espirituwal ay may kaakibat na matinding babala mula kay Pangulong Russell M. Nelson: “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag, [at patuloy] na impluwensya ng Espiritu Santo.”13

4. Paggalang sa Kalayaang Pumili sa mga Sangang-daan ng Buhay

Narinig kong ikinuwento ni Pangulong Nelson ang tungkol sa kanyang walong taong gulang na anak na babae na lumapit sa kanya isang araw ng Linggo at nagtanong kung maaari ba siyang sumama sa isang pamilya sa ward upang sumakay ng paragos o sleigh. Sinabi niya, “Alam ko na hindi katalinuhan kung sasagot lang ako ng oo o hindi. Binuklat namin ang Biblia sa Exodo 31:13: ‘Katotohanang ipangingilin ninyo ang aking mga sabbath; sapagka’t isang tanda [ito] sa akin at sa inyo sa buong panahon ng inyong mga lahi.’ Pagkatapos ay tinanong ko siya kung ano ang pakiramdam niya tungkol sa pagsakay ng paragos o sleigh sa araw ng Sabbath. Sinabi niya, ‘Itay, gusto ko pong ipakita sa Ama sa Langit na mahal ko Siya, kaya hindi po ako sasama.’”

Nagpatuloy si Pangulong Nelson: “Makalipas ang isang henerasyon at ang aking anak ay ina na ngayon, naroon ako sa kanyang tahanan nang humingi sa kanya ng pahintulot ang kanyang anak na lalaki na kapareho rin ng sitwasyon noon. Natuwa at nasiyahan ako nang makita kong binuklat niya ang Biblia kasama ang aking apo at binasa ang talata ding iyon.”

Maraming taon na ang nakaraan, may nabasa ako tungkol sa isang ama na ginising ang kanyang anak na lalaki isang araw ng Linggo para maghandang magsimba. Sumagot ang anak, “Hindi po ako magsisimba ngayon.” Maraming magulang sa sandaling gaya niyon ang matutuksong sabihin, “Ah, hindi ka magsisimba” at may kasunod na pagbabanta. Ang amang ito ay mas matalino at sinabi lang na, “Anak, hindi mo kailangang ipaliwanag ang dahilan sa akin, dahil hindi ko naman Simbahan ito. Pero kinakailangan mong lumuhod at manalangin at ibigay ang iyong dahilan sa iyong Ama sa Langit.”

Pagkatapos ay hinayaan ng ama ang kanyang anak na magpasiya kasama ang Espiritu Santo. Mahihikayat ng Espiritu Santo ang ating mga anak nang higit pa sa magagawa natin kung magtitiwala lang tayo sa dakilang kaloob na iyon. “Walang nakakatakot na saksi o walang makapangyarihang tagapagsumbong kaysa sa konsensya.”14 Sa loob ng ilang minuto, nakabangon na sa higaan ang tinedyer at nakahanda nang magsimba. Kung pinilit ng ama ang kanyang anak na magsimba, maaari siyang maghinanakit at magrebelde, at matulad sa cobra effect.

Mayroong panganib sa paggalang sa kalayaang pumili ng ating mga anak at iwan sila sa sangang-daan ng buhay o paggawa ng sariling desisyon. Ngunit hindi ba’t ginawa rin iyan ng Ama sa Langit sa premortal na buhay at dahil diyan ay nawala ang ikatlong bahagi ng Kanyang mga espiritung anak? Dahil ang doktrina ng kalayaang pumili ay kailangang-kailangan sa plano ng kaligtasan, tiyak na may panganib, kahit sinabi ni Lucifer na walang panganib.

Kung mababago ko lang nang bahagya ang pahayag ni Propetang Joseph Smith, ganito ang sasabihin ko tungkol sa mga anak: “Tinuturuan natin sila ng mga wastong alituntunin dahil gustuhin man natin o hindi, pamamahalaan nila ang kanilang sarili.”15 Darating ang araw na lilisanin ng ating mga anak ang ating tahanan. Ang tanging pag-asa natin bilang mga magulang ay ituro sa kanila ang mga wastong alituntunin tungkol sa plano ng kaligtasan at tulungan silang mahiwatigan ang mga bulong ng Espiritu na gagabay sa kanila sa matalinong paggamit ng kanilang kalayaang pumili. Kung hindi, maaaring hindi sila maging self-reliant at matatag sa espirituwal para harapin ang mga pagsubok na darating, at maaaring mawala sila sa Simbahan.

Lahat tayo ay lubos at walang hanggang nagpapasalamat para sa pinakadakilang pagpapakita ng katatagan sa kasaysayan ng daigdig—ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang Tagapagligtas ay hindi tumalikod sa pagdurusang naranasan Niya, maging sa naranasang paghihirap at pagdadalamhati na di-maaarok ng sinuman.

young woman praying

Ang kaloob na Espiritu Santo at pagiging self-reliant sa espirituwal ay nagpapalakas sa espirituwal na katatagan, na kasing-kahulugan ng pagtitiis. At yaong matatapat na “magtitiis hanggang wakas … ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20).

Nawa’y pagpalain tayo ng Panginoon bilang mga magulang sa ating mahalagang responsibilidad na pagpapalaki ng mga anak na matatag sa aspetong intelektuwal, pisikal, espirituwal, pakikisalamuha, at emosyonal.

Mga Tala

  1. Si Horst Siebert, isang German economist, ay nakilala sa pagbuo ng pariralang “cobra effect,” na nangyayari kapag ang solusyon sa problema ay lalo pang nagpalala sa problema.

  2. Tingnan sa Connie Matthiessen, “Why Are So Many College Students Returning Home?” Ene. 9, 2019, greatschools.org.

  3. Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, 11th ed. (2003), “resilience,” merriamwebster.com.

  4. Tingnan sa “Master Resilience Training (MRT) in the U.S. Army: PowerPoint & Interview,” Positive Psychology Program, positivepsychologyprogram.com.

  5. Lyle J. Burrup, “Pagpapalaki ng Matatatag na Anak,” Liahona, Mar. 2013, 10.

  6. Tingnan sa Meena Azzollini, “Declining Physical Activity Levels in Children and Teens,” WellBeing, Hulyo 10, 2017, wellbeing.com.au.

  7. Tingnan sa Rachel Ehmke, “How Using Social Media Affects Teenagers,” Child Mind Institute, Hunyo 6, 2016, childmind.org.

  8. Kasabihan ng mga taga Africa.

  9. Si Scrooge ay isang sakim na tauhan sa akda ni Charles Dickens na A Christmas Carol.

  10. Tingnan sa Helen Keller, The Story of My Life (1902).

  11. Tingnan sa Lynn G. Robbins, “Hanggang sa Makapitongpung Pito,” Liahona, Mayo 2018, 21–23.

  12. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff (2005), 52.

  13. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96.

  14. Kung minsan ipinapalagay na nagmula kay Polybius o Sophocles.

  15. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 331.