Mga Pagpapala ng Self-Reliance
Ang Kurso na Nagpabago ng Buhay Namin
Sina Chris at Alfreda Rubio ay kumikita nang sapat lang para makaraos araw-araw hanggang sa maipakita sa kanila ng klase sa self-reliance ang mas magandang paraan.
Nang nasira ang van nina Chris at Alfreda Rubio, hindi sila nag-alala kung paano nila mababayaran ang pagpapakumpuni. At iyon ay hindi dahil mayaman sila.
“Mayroon kaming perang kailangan namin dahil inipon namin ito,” sabi ni Chris. “Nakahanda kami. Ipinagawa namin ang van nang araw na iyon nang hindi nag-aalala. Masaya sa pakiramdam.”
Hindi ganyan palagi dati. Noon, maaaring kinailangan na ng mga Rubio na mangutang, gumamit ng credit card, o maghintay ng sweldo para maipaayos ang kanilang van. Iyan ay noong hindi pa sila nag-aral ng personal finances sa pamamagitan ng proyekto na self-reliance ng Simbahan.
“Ang Laki ng Problema Namin sa Pera”
Nagkakilala sina Chris at Alfreda habang naglilingkod sa U.S. Air Force sa Germany at ikinasal sa Denmark. Natapos ni Chris ang kanyang enlistment noong 2008, at napilitan namang magretiro si Alfreda ilang taon kalaunan dahil sa problema sa kalusugan. Natagpuan agad nila ang Simbahan nang tumira sila sa Alabama, USA, pero hindi makahanap ng trabaho si Chris. “Kung hindi kulang, sobra naman ako sa kwalipikasyon,” paggunita niya.
Nakahanap ng trabaho si Alfreda sa tindahan ng office supply, pero iyon lang ang kinikita nila. “Ang laki ng problema namin sa pera,” sabi niya.
“Ang dami naming utang at mga bayarin, at panay na ang singil ng mga kolektor,” dagdag pa ni Chris. “Dumating kami sa puntong nagbebenta na kami ng gamit para makabayad sa utang. Nakuha ang sasakyan namin, at nawalan kami ng bahay. Nakakalungkot.”
Matapos mawalan ng bahay, lumipat ang mga Rubio sa apartment sa bagong ward. Wala silang kilala, at sabay sa paglala ng problema nila sa pera ang pagdalang ng pagsisimba nila. Naalala ni Chris na kapag mas nagtutuon sila sa pera, mas nababawasan ang tuon nila sa pananampalataya.
“Napakadaling sabihin na, ‘Hindi tayo makakapagsimba ngayon kasi kailangan nating humanap ng trabaho o may kailangan tayong bayaran o wala tayong pambili ng gasolina,’” sabi niya.
Nang nagkausap sila ng kanilang bishop tungkol sa kanilang pinansyal na kalagayan, sinabi niya sa kanila ang tungkol sa Personal Finances for Self-Reliance course na magsisimula na sa kanilang ward meetinghouse, na nasa labas lamang ng Montgomery, Alabama.
“Pareho kaming lumaki sa mahirap na pamilya,” sabi ni Chris. “Hindi kami nakaranas magkaroon ng maraming pera, kaya hindi talaga kami natutong magbadyet at mag-ipon. Kumikita kami nang sapat lang para makaraos araw-araw. Kadalasan, ubos na ang kinita namin ilang araw pa lang at matagal pa bago kami ulit magkapera. Kaya naisip namin, ‘Sige, umattend tayo ng klase. Kung makatutulong ito sa amin sa anupamang paraan, gusto naming gawin ito.”
“Binago Nito ang Pag-iisip Namin”
Sa kanilang klase sa personal finances, natutuhan ng mga Rubio at ng tatlong iba pang pamilya kung paano gumawa ng badyet at sundin ito. Natutuhan nila ang tungkol sa pangungutang at paano ito mapaglalabanan. Natutuhan nila kung paano protektahan ang kanilang pamilya mula sa problema sa pera. At natutuhan nila ang mahalagang papel ng ikapu para maging self-reliant sa pinansyal.
“Binago nito ang paraan ng pag-iisip namin,” sabi ni Chris. “Natutuhan namin kung paano i-monitor hindi lang ang kita at gastusin namin kundi pati ang ipon, na wala kami noong panahong iyon. Kahit kailan hindi ko inakala na makakaipon kami, sa totoo lang.”
Ang pinakagusto ng mga Rubio sa klase ay kapag nagbabahagi sa isa’t isa ang mga kalahok ng mga ideya, tagumpay, at mga kabiguan nila. Napalakas ng kanilang pagkakaibigan ang kanilang pananampalataya at ang kanilang pagsisikap na maging self-reliant sa pinansiyal, at nabigyan pa ng facilitator ng klase si Chris ng trabaho.
“Nakakatulong kapag nakakakilala ka ng ibang tao na nasa gayunding sitwasyon,” sabi ni Chris. “Malalaman mo na hindi ka nag-iisa at na sinisikap nating lahat na maitaguyod ang sarili at magkaroon ng mga kasanayan para maging mas self-reliant ang kalagayan ng mga anak natin.”
“Napakagandang Paglalakbay”
Nang gawin nila ang mga alituntuning pangpinansyal na pinag-aaralan nila, nabago ang lagay ng kanilang pananalapi.
“Wala pa kami sa punto na mayaman kami o wala na kaming problema sa pera, pero mas madali na ngayon na gampanan ang mga tungkulin namin at pumunta sa simbahan nang walang gaanong pinoproblema sa pera,” sabi ni Chris. “Espirituwal kaming binago ng kurso.”
Idinagdag ni Alfreda: “May kaugnayan ang kurso sa paglakas ng pananampalataya namin. Nagsimula kaming maging mapagdasal at mapagbasa ng mga banal na kasulatan. Ang mga alituntuning pangpinansyal at mga alituntuning pang-espirituwal ay magkakaugnay.”
Itinulad ni Chris ang mga alituntuning iyon sa salamin sa mata na nakatulong sa kanila ni Alfreda na malaman at manatili sa landas ng pagiging self-reliant sa espirituwal at pinansiyal.
“Kung walang klase at kung hindi namin natutuhan ang lahat ng bagay na ginawa namin, hindi namin mararating ang katayuan namin ngayon—sa pinansyal o espirituwal man,” sabi niya. “Napakasayang karanasan nito. Nalaman namin na hindi namin kailangan ang maraming pera para yumaman. Mayaman kami sa espirituwal.”