2019
Ang Pagkakamali na Mag-ahit
Setyembre 2019


Ang Pagkakamali na Mag-ahit

“Naniniwala kami sa pagiging matapat” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13).

The Shaving Mistake

Noong mga siyam na taong gulang ako, gusto kong magkaroon ng bigote. Naisip ko na magagawa ko ito sa pag-aahit ng aking pisngi araw-araw. Ilang araw ko nang ginagamit ang pang-ahit ng tatay ko. Isang araw nakita ako ng tatay ko na nag-aahit. Sinabihan niya ako na huwag ko itong gawin dahil baka masugatan ako.

Ikinalulungkot kong sabihin na hindi ko sinunod ang tatay ko. Kinabukasan ay nag-ahit akong muli. Nang nag-aahit na ako, dumulas ang pang-ahit sa aking masabong mga daliri. Nahiwa nang malalim ang ibabaw ng aking labi. Medyo natakot ako nang gamutin ko ang aking labi. Pero mas natakot ako sa sasabihin sa akin ng tatay ko.

Nang dumating siya sa bahay nang gabing iyon at nakita ang sugat ko, nagulat siya at nag-alala. Itinanong niya kung paano nangyari iyon.

“Kasi po,” sabi ko, “tumatakbo ako sa bangketa, at nadapa ako at nasubsob ang mukha ko.”

Nagsinungaling ako! Una hindi ako sumunod, at ngayon nagsinungaling ako! Hindi ako makatulog nang gabing iyon. Malalim na ang gabi, pero kailangan kong sabihin kay Itay ang katotohanan. Nakita ko siya sa sala.

“Itay, nagsinungaling po ako sa inyo,” sabi ko. “Hindi po ako nadapa. Nasugatan ko po ang aking sarili dahil nag-ahit ako. Sorry po.”

Ilang sandaling walang kibo ang tatay ko. Pagkatapos ay magiliw niyang sinabi, “Sumuway ka, Anak. At hindi iyan isang mabuting bagay. Pero natutuwa ako na nagpasiya kang sabihin ang katotohanan.”

Ang aral na iyon—at ang aktuwal na pilat—ay nanatili sa akin araw-araw mula noon. Maging sa Ama sa Langit man o sa inyong mga kaibigan at pamilya, palaging maging halimbawa ng katapatan.