Nagpatawad ang Prinsesang Palaka
Gusto ni Katya na magdula-dulaan, pero gusto ni Sonya na siya ang masunod!
“Magmaawain kayo, gaya naman ng inyong Ama na maawain” (Lucas 6:36).
Dala-dala ni Katya ang isang malaking kahon nang lumabas siya sa apartment. Tag-init na, at ilang buwan nang mainit ang klima sa kanilang lungsod sa Russia. Ipinatong niya ang kahon sa upuan kung saan naghihintay ang kanyang mga kaibigan na sina Dima at Sonya.
“Narito ang lahat ng bagay na kailangan natin sa ating dula-dulaan!” sabi ni Katya. Binuksan niya ang kahon at inilabas ang isang plastik na korona at mga piraso ng tela na kulay lila, asul, at pula. Kung magiging malikhain, ang mga ito ay magagawang magagandang costume.
“Ano ang dula-dulaan natin?” tanong ni Dima.
Ngumiti si Katya. “Siguro isadula natin ang ‘Ang Prinsesang Palaka’!” Ito ang paborito niyang kuwentong pambata. Napangiti si Katya nang maisip niya ang kanyang sarili na gumaganap bilang ang magandang si Vasilisa.
Kinuha ni Sonya ang telang asul mula sa kahon at ibinalot sa kanyang sarili. “Gusto kong maging si Vasilisa!” sabi niya.
“Sandali lang,” sabi ni Katya. “Ideya ko ito. Kaya dapat ako ang gumanap na Vasilisa.”
“Maaari kang maging siya,” sabi ni Sonya. Pero humagikgik siya. “Habang palaka siya!”
Sumimangot si Katya at hinablot ang asul na tela kay Sonya. “Pero laro ko ito!”
Namaywang si Sonya. “Walang makikipaglaro sa iyo kung ikaw lagi ang nasusunod. Mas bagay sa iyo ang palaka kaysa prinsesa.”
Mangiyak-ngiyak na si Katya. Kinuha niya ang kanyang kahon at tumakbo papasok at paakyat sa apartment ng kanyang pamilya. Pasara niyang ibinagsak ang pinto.
“Ano’ng problema?” tanong ni Inay. Napaiyak na si Katya.
“Sinira ni Sonya ang lahat!” Ikinuwento ni Katya kay Inay ang buong nangyari. “Sinabi niya na palaka ako!”
“Oh, Katyusha,” sabi ni Inay. Katyusha ang palayaw ni Inay kay Katya. “Nalulungkot ako. Hindi maganda ang ginawa niya.”
Maya-maya ay may kumatok sa pinto. Pumunta si Inay sa pinto para buksan ito, pero tumakbo si Katya papasok sa kanyang silid. Nakarinig siya ng mga tinig, at pagkatapos ay tinawag siya ni Inay. “Gusto mo bang kausapin si Sonya? May sasabihin siya sa iyo.”
“Hindi po!” sigaw ni Katya.
Narinig niyang muli ang mga tinig, at pagakatapos ay narinig niya ang pagsara ng pinto.
“Siguro magso-sorry si Sonya,” sabi ni Inay.
“Wala po akong pakialam,” sabi ni Katya. Isinubsob pa niya lalo ang kanyang mukha sa unan.
Isang minutong nakatayo si Inay sa may pinto. “Alam mo, kung minsan kapag talagang galit ako, ayaw kong patawarin ang ibang tao. Kung minsan kinakailangan kong humingi ng tulong sa Ama sa Langit na tulungan akong magpatawad.” Pagkatapos ay umalis na siya.
Galit na galit si Katya para magpatawad. Nasaktan ni Sonya ang kanyang damdamin! Pero … ang magalit ay hindi maganda sa pakiramdam.
Napabuntong-hininga siya at lumuhod sa gilid ng kanyang kama. Alam ni Katya na nais ng Ama sa Langit na patawarin niya si Sonya. Ito ang tamang gawin. At siguro nais ng Ama sa Langit na magpatawad si Katya dahil makatutulong ito kay Katya para gumaan ang kanyang pakiramdam.
“Ama sa Langit, tulungan po Ninyo ako na patawarin si Sonya,” sabi niya. “Ayaw ko po talagang patawarin siya, pero ayaw ko rin pong laging magalit.”
Tinapos niya ang kanyang panalangin at bumuntong-hininga. Nadama ni Katya na nagsimulang mapawi ang kanyang galit, nang kaunti. Magagawa niya ito. Makapagpapatawad siya. Pumunta siya sa apartment ni Sonya at kumatok sa pinto.
Binuksan ito ni Sonya at agad na nagsalita. “Katya, sorry sa mga nasabi ko.”
“Pinatatawad na kita,” sabi ni Katya. “At sorry kinuha ko ang lahat ng mga costume ko. Bagay din sa inyo na gumanap na Vasilisa. Maaari tayong magsalitan.”
Ngumiti si Sonya. “OK. Pwede na ba tayong magpraktis ngayon? Susunduin ko si Dima!”
Ngumiti rin si Katya. “Kukunin ko ang mga costume!”