Digital Lamang: Mga Young Adult
Mararamdaman Ko Ba ang Espiritu sa Magulo Kong Bahay?
Hindi ko naisip na mananahan ang Espiritu sa makalat kong bahay. Pero nagkamali ako.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Dala-dala ko ang isang trey ng pagkain, na inihanda ng aking biyenan, sa isang makalat at maalikabok na bahay. Nakaupo ang tanging naninirahan doon kung saan siya laging nakaupo, sa isang malaking silya na nakaposisyon kung saan niya makikita ang labas ng bintana. Ang kanyang namamagang mga binti ay nakaunat sa unahan niya at ang kanyang tungkod, na ginagamit niya lamang nang may matinding pagsisikap, ay nakasandal sa kanyang braso. Ngumiti siya nang makita niya ako, nagpasalamat sa pagkain, at humingi ng paumanhin nang magtanong kung sino ako. Nang tinabihan ko siya at pinakinggan ang kanyang mga kuwento, napuno ako ng init at kapayapaan.
Makalipas ang tatlong taon, nakaupo ako sa sahig kasama ang dalawa kong maliliit na anak, iniaangat sila gamit ang mga binti ko at kinakanta ang tono ng isang karerang pangkabayo. Ilang talampakan lamang ang layo, magulo ang kusina ko at nakakalat sa sahig ang mga laruan. Bigla kong naramdaman ang katiyakang mula sa Espiritu na naroon ako sa lugar kung saan ako kinakailangan. Nadama ko ang init at kapayapaan sa aking kaluluwa, pinapalakas ang mga parteng pagod at nagbibigay-sigla sa mga parteng wala nito.
Lumipas muli ang dalawang taon, nakahiga ako sa kama. Kitang-kita ang isang tumpok ng labada sa sahig, at isang tambak ng mga papel na nakakalat sa mesa sa aking kaliwa habang pang-apat na beses ko nang pinasuso ang aking bagong silang na anak noong gabing iyon. Dinama ko sa dulo ng aking mga daliri ang kanyang mahahabang pilik-mata, dinama ang kanyang malambot na ulo, at natuwa nang kumapit ang kanyang mga daliri sa puntas ng aking damit. Napuno ako ng init at kapayapaan kaya’t bale-wala sa akin kung paminsan-minsan ay nagigising ako ng alas-tres ng madaling-araw.
Sa bawat pagkakataong ito, kasama ko ang Espiritu Santo, sinasabi sa akin na nasa tamang lugar ako at ginagawa ang tama, at sa bawat pagkakataon, ako ay nasa maruming bahay.
Naaalala ko pa ang pagkagulat sa unang pagkakataon na mapagtanto ko ito— nagsimula akong magduda sa aking mga karanasan. Buong akala ko habang lumalaki ako na hindi nananahan ang Banal na Espiritu sa maruruming lugar—kaya’t isinama ko doon ang maruruming bahay. At ang mga kaisipang ito ay halos madalas may kasamang reperensya sa mga banal na kasulatan. Natutuhan natin sa 1 Nephi 10:21 na “walang maruming bagay ang makapananahanang kasama ng Diyos.” At sinasabi sa atin ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 88:124 na “tumigil sa pagiging tamad; [at] tumigil sa pagiging marumi.”
Ang kabalintunaan sa lahat ng ito, ay hindi ko nakita ang mas malalim na kahulugan ng mga talatang ito—ang kahalagahan ng pagpapanatiling dalisay ng ating mga personal na templo, isipan at katawan—at sa halip ay nagtuon sa pisikal na kahulugan. Sa anumang paraan, natutuhan ko mula sa mga aral na ito na hindi nasusukat ang halaga ko bilang bata pang asawa at ina sa kung gaano kaayos at kalinis ang bahay ko—at nakakapanlumo ang epekto ng paniniwalang iyon.
Palagi akong pinahihina ng pangamba sa tuwing hindi perpekto ang estado ng aking tahanan. Madalas kong hindi pinakikinggan ang bulong ng Espiritu dahil tinitingnan ko ang apartment ko at naiisip na, “Hindi, hindi makapananahan dito ang Espiritu.”
Hindi ko maalala ang tiyak na sandali kung kailan ko naramdaman ang Espiritu sa tahanang napakalayo sa pamantayan ng kalinisan ng templo. Ngunit naalala ko noong mapagtanto ko na nakita ng Panginoon, sa Kanyang walang hanggang pagmamahal at awa, ang mga hindi perpektong pagsisikap na iniaalay ko, tinanggap ang mga ito at patuloy na ipinadala sa akin ang espirituwal na patnubay na kailangang-kailangan ko. Hindi Niya ako kinakailangang maging perpekto ngayon—gusto Niya lamang na gawin ko ang lahat ng aking magagawa.
Hindi ito nangyari nang magdamag, ngunit unti-unti kong binitawan ang tinatawag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na “toxic perfectionism” (tingnan sa “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 42). Nagsimula akong maniwala na maaaring mapasaakin ang Banal na Espiritu kahit na wala akong enerhiya na magpuyat katabi ang isang sanggol na nagsisimulang tubuan ng ngipin at matapos kaagad ang mga labahin. Sa halip, sinisigurado kong ibinibigay ko ang lahat ng aking makakaya at tinatanggap ang pagmamahal na ibinibigay ng Ama sa Langit bilang kapalit. Hindi ako sumusuko sa pagiging mas mabuting tagapangalaga ng tahanan, tinatanggap ko lamang ang biyaya at inspirasyon na matagal nang ibinibigay sa akin ng Panginoon. Dahil kapag pinananatili kong dalisay ang aking sarili at ginagawa ang nais Niya, dumarating ang Espiritu Santo, magulo man ang bahay o hindi.