Digital Lamang: Mga Young Adult
Sa Kabila ng Iyong mga Kapintasan, Maaari Kang Maging Tunay na Lalaki o Tunay na Babae ng Diyos
Sa lahat ng aking mga pagkakamali, hindi ko alam kung paano magiging ganap na lalaki ng Diyos.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Sa huling yugto ng senior year ko sa hayskul, ilang buwan na lang ang nalalabi bago ako mag-18 taong gulang, opisyal na maging adult, matanggap ang Melchizedek Priesthood, at maordenan na elder. Ginugol ko ang karamihan sa oras ng pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan sa paghahanap ng halimbawa kung ano ang “tao ng Diyos” at paano maging ganito.
Isa sa mga pinakamagandang halimbawang nakita ko ay ang lalaking tinawag upang pamunuan ang hukbo ng mga Nephita sa panahon ng ilan sa mga pinakamadugong labanan sa kasaysayan ng kanyang bansa na may pahayag na lumaban ang kanyang mga tao “sa alaala ng ating Diyos, ating relihiyon, at kalayaan, at ating kapayapaan, ating mga asawa, at ating mga anak” (Alma 46:12). Siya si punong Kapitan Moroni. Ang pinuno na isinulat ni Mormon bilang “kung ang lahat ng tao ay naging, at matutulad, at maaaring maging katulad ni Moroni, masdan, ang yaon ding kapangyarihan ng impiyerno ay mayayanig magpakailanman” (Alma 48:17).
Ang halimbawang ipinakita ni Kapitan Moroni ay “isang ganap na pang-unawa.” Hindi siya nagagalak sa [pagpapasakit ng iba] …” sa halip “siya ay nagagalak sa pagliligtas ng kanyang mga tao mula sa pagkalipol.” At ang kanyang “[puso ay tumataba] sa pagpapasalamat sa kanyang Diyos.” Siya ay “nagpagal nang labis para sa kapakanan at kaligtasan ng kanyang mga tao” at “matibay ang pananampalataya kay Cristo” (Alma 48:11–13; idinagdag ang pagbibigay-diin). Lahat ng katangian ni Kapitan Moroni na inilarawan dito ay talagang mga katangian ng tunay na pagkadisipulo na maaari nating isabuhay, kapwa sa kalalakihan at kababaihan.
Sinusubukan kong gayahin ang halimbawa ni Moroni sa paglilingkod sa iba sa tuwing may pagkakataon, kahit na sa mga panahong hindi ito madali. Hindi ko lamang sinisikap na tulungan ang iba, kundi iniiwasan ko ring makagawa ng mali sa iba sa abot-kaya ko. Mas pinag-aaralan ko rin ang mga salita ng mga propeta sa panahon natin. At sinisikap kong magtrabaho nang mabuti kapag dumarating ang mga pagkakataon.
Nagtakda si Kapitan Moroni ng mataas na pamantayan ng kung ano ang tao ng Diyos. At bilang isang bata pang Melchizedek Priesthood holder, madalas kong pinag-iisipan kung paano maging isang tao ng Diyos na malakas at matapat na tulad ni Kapitan Moroni. Ang gawin kung ano na ang ginagawa ko ay isang mahirap na pagpupunyagi.
Sa Sermon sa Bundok at sa mga Nephita matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, itinuro sa atin ng Tagapagligtas na si Jesucristo kung paano ito gagawin. Matapos ituro ang Beatitudes o Lubos na mga Pagpapala at iba pang aspeto ng pagkadisipulo, sinabi Niya, “Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal” (Mateo 5:48).
Bawat lalaki at babae ng Diyos ay inaasahang mangagpakasakdal—sa wakas. Ngunit lahat tayo’y tao at madaling magkasala. Kaya upang magbigay sa atin ng pag-asa, itinuro ni Propetang Moroni na kung tayo ay “[lalapit] kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang [ating] sarili ng lahat ng kasamaan; at iibigin ang Diyos nang buo [nating] kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa [atin], upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya [tayo] ay maging ganap kay Cristo” (Moroni 10:32). Ang ating Ama sa Langit ay nagplano para sa ating mga tao, ngunit hindi ibig sabihin nito na hindi tayo maaaring maging kalalakihan at kababaihan ng Diyos kahit mayroon tayong mga pagkukulang. At ako ay nagpapasalamat dito.
Maaari tayong maging kalalakihan at kababaihan ng Diyos kahit nalilito at nagkakamali tayo minsan. Ang kailangan lamang ay gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang mamuhay nang naaayon sa ebanghelyo, at ang ating Tagapagligtas na ang tutulong sa atin sa daan patungo sa kasakdalan.