Mga Young Adult
Paisa-isang Hakbang
Ang pagiging perpekto ay tila nakakatakot—lalo na kapag ginawa natin itong pamantayan para sa ating hindi perpektong sarili. Ibig kong sabihin, lahat ay nagkakamali paminsan-minsan at pinagsisisihan ang mga ito. Kadalasan, ang mga pagsisising ito ay makatutulong sa atin na gumawa ng mahahalagang pagbabago, ngunit kapag masyado na nating iniisip na kinakailangan nating magpakahusay pa at maging napakahusay, ang mga iniisip nating ito ay maaaring magpahina sa atin. Sa kanyang artikulo sa pahina 44, tinulungan tayo ni Nathan na maunawaan kung ano ba talaga ang pagiging perpekto at kung paano natin ito matatamo sa pamamagitan ng matwid na pamumuhay, nang paunti-unti.
Madalas ay nadarama rin natin na nag-iisa tayo sa hangarin nating mas magpakahusay pa, ngunit hindi tayo nag-iisa! Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay nariyan para sa bawat isa sa atin. Kung sa palagay mo ay may kulang pa sa iyo, basahin ang artikulo ni Joëlle sa pahina 42 tungkol sa kung paano nakatulong sa kanya ang pagkaunawa niya sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas para madaig ang pagiging perpeksiyonista niya.
Kadalasan, ang perpeksiyonismo ay labis na pag-aalala sa mga bagay-bagay tulad ng kalinisan, gaya ng mga inaalala ni Amber, o sa mga aspeto ng ebanghelyo, tulad ng pagsisikap ni Aaron na maging isang tao ng Diyos (mga artikulong digital lamang). At tulad ng natuklasan ng tatlong young adult na ito, madarama mo pa rin ang Espiritu at magiging isang tao ng Diyos kahit hindi ka perpekto.
Gusto mo pa ba ng mabuting balita? Ang utos na “kayo nga’y mangagpakasakdal” (Mateo 5:48) o magpakaperpekto ay maaaring hindi talaga nangangahulugan ng kung anuman ang iniisip mong kahulugan nito. Basahin ang artikulo ni David sa digital lamang para malaman ang ilang hakbang para madaig ang perpeksiyonismo.
Habang nagsisikap tayo na magpakahusay pa, kailangang isaisip natin na nais ng Panginoon na maging inspirado at masigla tayo—hindi nalulungkot. Huwag tayong maging malupit sa ating sarili (tingnan ang aking artikulong digital lamang) at dapat tandaan na maging mabait sa sarili sa ating paglalakbay patungo sa pagiging sakdal o perpekto.
Tumuon sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Nalalaman Nila ang iyong banal na kahalagahan at, paunti-unti, ay matutulungan ka na maging higit pa sa iniisip mo na kahihinatnan mo. Paisa-isang hakbang lang.
Tapat na sumasaiyo,
Heather Claridge