2019
Debbie Cole—Leinster, Ireland
Setyembre 2019


Mga Larawan ng Pananampalataya

Debbie Cole

Leinster, Ireland

Debbie Cole

Si Debbie ay seksuwal na inabuso noong 1989 sa edad na 19. Dahil determinado na hindi masisira ng pangyayaring ito ang buhay niya, umasa si Debbie (makikita na kasama ang kanyang anak) sa kanyang pananampalataya habang boluntaryo siyang tumutulong sa mga biktima ng seksuwal na pang-aabuso at ikinakampanya ang batas na makatutulong na maprotektahan ang iba pa mula sa mga mapang-abuso.

Leslie Nilsson, retratista

Isang araw matapos ang pang-aabuso, tinanong ng ilan sa mga kaibigan ko kung gusto kong uminom ng alak para makayanan ang sitwasyon ko. Mahigit isang taon na akong miyembro ng Simbahan noong panahong iyan, pero hindi gaanong nagsisimba noon. Pero alam ko sa sarili ko na kung iinom ako ng kahit kaunting alak, hahanap-hanapin ko na ito.

Nang magliwanag na ang isip ko pagkalipas ng ilang araw, ipinasiya ko na ang pang-aabusong ito ay bahagi na ng buhay ko, pero hindi nito masisira ang buhay ko. Nagsampa ako ng kaso sa korte. Naaalala ko na bago ang sentensya, sinabi sa akin ng mga tao na ang lalaking umabuso sa akin ay mabuting tao na mula sa respetadong pamilya at wala sa pagkatao niya ang makagawa ng gayong pang-aabuso. Sabi nila na nagkamali lang siya dahil sa pag-inom ng alak at dahil sising-sisi sa nagawa ay nawalan na siya ng respeto sa sarili. Kinumbinsi nila ako na hilingin sa hukom na maawa rito.

Sa araw ng pagsesentensya, nagbigay ako ng pahayag bilang biktima at sinabi sa hukom na nagkamali lang ang lalaki dahil sa kalasingan at na sa palagay ko ay kailangan niya ng tulong ng psychiatrist sa halip na makulong. Pinasalamatan ako ng hukom at, dahil sa aking pahayag, sinentensiyahan niya ang lalaki ng anim na taon lang na pagkakakulong. Pagkatapos nito sinubukan kong magpatuloy sa buhay. Nag-asawa ako at nagkaroon ng mga anak.

Noong mga 1997 o 1998, may tumawag sa akin sa telepono at sinabing nasa balita na naman ang lalaki. Nakalaya na siya sa kulungan at umabuso pa ng tatlong babae. Naaalala ko na naman ang lahat ng nangyari dahil sa balitang ito. Pakiramdam ko ay may pananagutan ako dahil ipinagtanggol ko siya.

Nabagabag ang kunsenya ko na humantong sa depresyon. Matatag na miyembro ako noon ng Simbahan, pero mahirap pa rin ito sa akin. Litung-lito ang isip ko kaya hindi ko palaging naririnig ang marahan at banayad na tinig. Nakatulong sa akin ang mga basbas ng priesthood dahil mas naunawaan ko kung ano ang gustong malaman ng aking Ama sa Langit. Alam kong nakayanan ko ito dahil nasa akin ang ebanghelyo.

Lumipas ang ilang taon, nang isa sa mga kaibigan ko ang nagpakamatay, nagpasiya akong mangalap ng pondo para sa grupo ng mga taong nagdadalamhati dahil sa pagpapakamatay ng mahal sa buhay. Isang araw nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula sa isa sa mga coordinator. Sinabi niya na may isa pang oportunidad na makapagboluntaryo at ang pangalan ko ang palagi niyang naiisip.

Tinanong niya kung interesado ba akong magboluntaryo bilang support worker para sa rape crisis center. Bilang support worker, pupulungin ko ang mga biktima, ipapaalam sa kanila ang mga mangyayari, at sasabihin sa kanila ang kahalagahan ng counseling. Magiging suporta lang din ako sa kanila at sa kanilang pamilya. Sinabi ko sa babae na kaya siguro pangalan ko ang laging naiisip niya ay dahil sa naranasan ko. Tumanggap ako ng training at nagtrabaho bilang volunteer support worker sa loob ng dalawang taon.

Naging lubos na makabuluhan sa akin ang karanasang ito. Sa tuwing papupuntahin ako sa crisis center, palagi akong nagdarasal. Sasabihin ko, “Ama sa Langit, kilala Ninyo ang taong ito, alam Ninyo ang pinagdaraanan niya, at alam Ninyo ang kailangan niyang marinig. Nawa po ay maging kasangkapan ako sa Inyong mga kamay para matulungan sila na marinig ang kailangan nilang marinig.”

Sa pagtulong ko sa mga biktima na makabangong muli, lagi kong sinasabi sa kanila na maaari silang pumili. Sinasabi ko, “Mananatili ka na lang bang biktima o magiging survivor? May mga araw na parang kukuhain sa iyo ang lakas na iyon, pero maaari mong bawiin ang lakas at kontrol na iyon kapag hindi mo tinulutang sirain ng alaala ng nangyari ang pagkatao mo. Iyan ang paraan para maging survivor ka.”

May mga biktima na hindi pa handa sa counseling, pero lagi ko silang hinihikayat at sinasabihan na napakahalaga na gawin nila ito kapag handa na sila. Lagi kong sinisikap na matiyak na ang taong pumasok sa center bilang isang biktima ay lalabas na isa nang survivor. Sa tuwing uuwi ako, lagi akong nagpapasalamat sa Ama sa Langit dahil itinulot Niya na makatulong ako sa iba. Nagbigay ito sa akin ng lakas na magpatuloy sa buhay.

Lumipas ang panahon, nabalitan ko na ang taong umabuso sa akin ay nakalaya mula sa bilangguan at umabuso na naman ng isa pang babae. Naisip ko , “Kailangang matigil na ito.” Ipinasiya ko na baguhin ang batas at habaan ang sentensya sa mga nang-aabuso nang paulit-ulit. Gumawa ako ng rekomendasyon sa ministro ng hustisya ng Ireland na ipatupad ito. Tinanggihan ng mga opisyal ng tanggapan ng ministro ang rekomendasyon ko. Sabi nila sapat na ang mga batas nang panahong iyon.

Nagpasiya ako na simulang mangampanya sa media para makaani ng suporta ang rekomendasyon ko. Nagpapasalamat ako sa nakaraaang 30 taon ng pagiging miyembro ko ng Simbahan dahil nabigyan ako ng mga pagkakataong magbigay ng mensahe at makapagturo ng mga lesson, na nagbigay sa akin ng kasanayan sa pagsasalita sa publiko at ng kumpiyansa na magsulat ng mga email, makipag-usap sa telepono, at magbahay-bahay para sa kampanya. Nakipagtulungan ako sa mga mamamahayag sa telebisyon, radyo, at sa pahayagan. Matulungin at magagaling sila. Inilathala nila ang istorya ng buhay ko at patas na inilahad ito. Naipahatid nila nang tapat at tumpak ang istorya at kinakampanya ko, at dahil dito nagkaroon ng kamalayan ang publiko sa isyu.

Nakipagtulungan din ako sa isang lokal na opisyal, na tumulong sa akin sa pagbuo ng isa pang plano na nakakuha ng sapat na suporta. Pagkatapos ng maraming pagsisikap, pumasa ang bill noong Enero 16, 2019.

Noong kinakampanya ko ang bagong batas na ito, maraming beses akong pinanghinaan ng loob. Kinailangan kong ibahagi ang karanasan ko nang maraming beses at sinikap na manatiling kalmado at hindi nagpapaapekto habang iniinterbyu sa TV, radyo, at pahayagan. Ikinapagod ko ito nang labis, at may mga pagkakataong damang-dama ko ang tensyon at responsibildad. Nawawalan na ako ng pag-asa at maraming negatibong bagay ang naiisip ko. Pakiramdam ko ay wala akong magagawang kaibhan at tinatanong kung minsan sa aking sarili kung bakit ko pa ito ginagawa. Sa mga sandaling iyon, nakatulong sa akin nang lubos ang panalangin, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at pag-minister sa iba. Napakalakas ng aking patotoo sa bisa ng panalangin. Kung hindi dahil sa panalangin, baka matagal nang bumigay ang isip ko. Humingi rin ako ng basbas ng priesthood sa aking branch president. Nagpapasalamat ako sa Ama sa Langit dahil inilagay Niya ang mga tamang tao sa aking landas para tulungan ako.

Nakadama ako ng malaking kapanatagan sa pagpunta sa templo at pagiging ordinance worker. Nakatulong ito sa akin na madama ang pagmamahal ng ating Tagapagligtas para sa Kanyang mga Banal sa magkabilang panig ng tabing. Sa nakalipas na walong taon, natutuhan ko rin na kapag nakatanggap ka ng pahiwatig, hindi ka dapat mag-atubiling sundin ito. Ang isang banal na kasulatan na nakatulong sa akin nang husto ay ang 1 Nephi 3:7: “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon …” Pinagpala nang lubos ang buhay ko sa pagsunod sa alituntuning ito.

Ang kaaway ay magtatangkang kumbinsihin tayo na hindi sapat ang kakayahan o kaalaman natin, ngunit sa tulong ng ating mapagmahal na Ama sa Langit at ating Tagapagligtas, tayo ay may sapat na kakayahan, tayo ay may sapat na kaalaman. Alam ko na anuman ang maranasan ko, hindi Nila ako kailanman iiwan na mag-isang harapin ito.

Napakahirap ipaliwanag ang nararamdaman ng isang inabuso sa isang tao na hindi dumanas ng pagsubok na iyon. Ang karanasang tulad nito ay laging makakaapekto sa iyo—kailanman ay hindi ito mawawala. May mga araw na may isang bagay na magpapaaalala nito sa iyo at madarama mo na nawawalan ka ng lakas, kumpiyansa, at seguridad.

Sa mga pagkakataong iyon, ang bagay na tanging magagawa ko ay manalangin sa aking Ama sa Langit. Alam ko nang walang alinlangan na pinapakinggan at sinasagot Niya ang aking mga panalangin. Ako ay may banal na pamana, at ito ang nagbibigay sa akin ng lakas na magpatuloy kapag mahirap ang buhay.

Ang malaman na ako ay minamahal ng Tagapagligtas ay nagbibigay din sa akin ng pag-asa at layunin. Gustung-gusto ko ang sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Hindi posibleng lumubog kayo nang mas malalim kaysa kayang abutin ng walang-hanggang liwanag ng Pagbabayad-sala ni Cristo” (“Ang mga Manggagawa sa Ubasan,” Liahona, Mayo 2012, 33). Matutulungan tayo ng Tagapagligtas saanman tayo naroroon o anuman ang ating pinagdaraanan. Siya ang aking halimbawa sa mga dapat kong gawin sa mga panahon ng pagsubok.

Maraming kailangang gawin para makasulong matapos ang isang kagimbal-gimbal na pangyayari, gayunmpaman posible ito dahil kay Jesucristo. Nagpapasalamat ako sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo. Ang buhay ko ay pinagpala sa napakaraming paraan.

Debbie with her daughter

Si Debbie kasama ang kanyang anak na si Azaria. Si Debbie ay nakahanap ng lakas sa pamamagitan ng panalangin. Nadama niya ang mapagmahal na pagtulong ng Ama sa Langit sa lahat ng kanyang mga pagsubok at pagsisikap para mapagbuti ang mga batas sa Ireland.

Debbie with daughter in their kitchen

Pinagpala ng ebanghelyo ang buhay ni Debbie sa maraming paraan. Nagpapasalamat siya sa mga oportunidad na makapagbahagi siya ng kanyang patotoo sa kanyang pamilya. “Matutulungan tayo ng Tagapagligtas saanman tayo naroroon o anuman ang ating pinagdaraanan,” ang sabi ni Debbie.

Debbie with daughter on the couch

Sa Kanyang kaugnayan sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas na si Jesucristo, nakadama ng lakas si Debbie na makatulong nang malaki sa kanyang pamilya, sa mga miyembro ng Mullingar Branch, at sa maraming tao sa kanyang komunidad.