2019
Hindi Mo Kailangang Maghintay ng Sagot Palagi
Setyembre 2019


Digital Lamang

Hindi Mo Kailangang Maghintay ng Sagot Palagi

Madalas tayong nahihirapang magpasiya nang walang nakukuhang kumpirmasyon mula sa Diyos, ngunit sa ating pagsulong nang may pananampalataya, tutulungan Niya tayong malaman na nasa tamang landas tayo.

Ang awtor ay naninirahan sa New Mexico, USA.

Sa pagbalik ko sa kolehiyo pagkatapos ng misyon ko, iniisip ko kung kanino ako makikihati ng kuwarto. Ipinayo ng tatay ko na tumulong ako sa isang sister missionary na naglingkod kamakailan lamang sa home ward ko at kakatapos lang ng kanyang misyon. Ipinaliwanag niya na lilipat si Holly sa paaralan ko at maaaring kakaunti lang ang mga kilala niya doon.

Kahit na nakilala ko nang kaunti si Holly sa panahon na nasa ward namin siya, nagdadalawang-isip akong yayain siyang makasama ko sa tirahan. Natatakot akong isipin niyang kakaiba ito dahil hindi pa kami gaanong magkakilala—at dahil na rin sa hindi ko alam kung magkakasundo kami.

Sa kabila ng mga pangamba ko, naramdaman ko na tamang sundin ko ang payo ng tatay ko. Ipinagdarasal ko na magkaroon ng mga bagong kaibigan sa pagbalik ko sa paaralan, kaya’t pakiramdam ko ay tinutulungan ako ng Ama sa Langit sa payo ng tatay ko. Nagpasiya akong gawin ito. Tinanggap ni Holly ang paanyaya ko, at noong taon na magkasama kami, naging isa siya sa mga pinakamatalik kong kaibigan. Binigyan ako ni Holly ng payo at pagmamahal sa mahirap na sandali sa buhay ko, at nandoon din ako para sa kanya.

Ang buhay natin ay puno ng mga desisyon. Maaaring magkakaiba ang kabuluhan ng mga ito, ngunit kung minsan ang maliliit na bagay ay may pinakamalaking epekto sa dulo. Bagaman hindi kaagad-agad ipinapakita ng Ama sa Langit sa atin kung ano ang pinakamagandang piliin sa bawat sitwasyon, binigyan Niya tayo ng kalayaang pumili na naaayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo at sumulong nang may pananampalataya. Hindi ko kailanman naisip na ang pagpili ng roomate sa kolehiyo ay magkakaroon ng matagalang epekto sa buhay ko, ngunit mayroon nga. Noon ko lamang napagtanto matapos akong makipag-usap kay Holly na hinayaan ako ng Panginoon na gumawa ng sarili kong mabuting desisyon, at pinagpala ako dahil dito. Dahil nagtungo ako sa landas kung saan ko naramdaman na tama, ipinakilala sa akin ng Ama sa Langit ang kahanga-hangang taong ito.

Iniisip ko kung ano kaya ang nangyari kung hinarap ko ang maliliit na desisyon nang may katangiang mas tulad ng kay Cristo—kung itinabi ko ang laptop ko noong tinabihan ako ng isang babae upang kumain ng tanghalian sa campus, o kung mas ibinahagi ko pa ang tungkol sa mga paniniwala ko noong sinabi sa akin ng kaibigan ko na nalilito siya sa relihiyon. Maaaring hindi ko naramdaman nang malakas ang espiritu noong mga sandaling iyon, ngunit alam kong tamang gawin ang mga iyon, at sigurado akong gagawin itong pagpapala ng Diyos para sa mga taong nangangailangan. Dahil wala akong ginawa, hindi ko nalaman kung ano ang posibleng nangyari.

Madalas tayong nahihirapang gumawa ng desisyon kapag hindi tayo binibigyan ng tiyak na pahiwatig o sagot. Sa mga sandaling iyon, sa halip na maghintay ng senyas mula sa Diyos, maaari nating gamitin ang kaloob na kalayaang pumili upang piliin ang nakakabuti para sa ating sarili. Itinuro ni Mormon, “Bawat bagay na nag-aanyayang gumawa ng mabuti, at humihikayat na maniwala kay Cristo, ay isinugo sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo; kaya nga, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa Diyos” (Moroni 7:16).

Kaya sa susunod na harapin mo ang isang desisyon, itanong mo sa sarili mo, “Mabuti ba ito?” dahil bawat mabuting bagay ay galing sa Diyos. Tulad ng Tagapagligtas na hindi nagdadalawang-isip na gumawa ng mabuti, mapagkakatiwalaan natin ang ating sarili na gumawa ng tama bawat araw, sa malalaki at maliliit na paraan. At ang mabubuting pagpili na iyon ay gagawing dakila ng Diyos.