2019
Mga Samaritano sa Elevator
Setyembre 2019


Mga Samaritano sa Elevator

woman in elevator

Paglalarawan ni Anna Godeassi

Nang magpost ng mga larawan sa Facebook ang isang pamilya sa ward namin ng naranasan nila nang makulong sa elevator nang dalawang oras, parang wala itong gaanong epekto sa akin. Iyan ay noong hindi ko pa naranasan mismo na makulong sa elevator.

Naiwan ko ang cell phone ko sa bahay kaya pinagbabayo ko ang pinto ng elavator at humingi ng tulong. Nagdasal din ako. Di nagtagal, may mga binatilyo na nakarinig sa akin at—tulad ng mabubuting Samaritano—tumawag sila sa emergency services. Sinabi nila na nakatira sila sa apartment number 38 at nagbiro na kapag nakalabas ako, puwede ko silang dalhan ng pagkain sa apartment nila para magpasalamat.

Umalis sila, at hindi ko makayang kumalma. Paano kung hindi dumating ang emergency crew? Nagdasal pa ako nang nagdasal. Alam ko na malapit nang dumating ang asawa ko galing sa trabaho at hindi malalaman kung nasaan na ako.

Pinagbabayo ko na naman ang pinto. Sa mga siwang ng pintuan ng elevator, nakakita ako ng mga taong naglalakad. Tinawag ko sila at pinakiusapan na tawagan ang asawa ko para malaman ang aking sitwasyon. Ginawa nila ito kaya nagawa ko nang kumalma. Alam na ng asawa ko, at sisiguraduhin niya na hindi ako matagal na makukulong doon.

Umupo ako sa elevator nang halos isang oras. Sa wakas dumating ang taga-maintenance at nailabas ako. Sinabi niya na may bumara sa elevator kaya kinailangan niyang akyatin ang baras ng elevator para mapaandar muli ang elevator. Pinasalamatan ko ang pagtulong niya.

Nang araw ding iyon, pinuntahan at pinasalamatan ko ang aking mga kapitbahay sa apartment 38. Dinalhan ko sila ng niluto kong pagkain. Nagbibiro lang daw sila tungkol sa pagkain, pero masaya akong pasalamatan sila. Habang ginugunita ko ang karanasang ito, alam ko na ngayon ang pinagdaanan ng pamilya sa ward namin, at nagpapasalamat ako sa mga taong huminto at tumulong at hindi ako nilampasan.

Maaaring hindi nila alam, ngunit tinularan nila ang halimbawa ng Tagapagligtas. Hindi Niya tayo nilalampasan o iniiwan. Inialay Niya ang Kanyang buhay upang mailigtas tayo mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan. Dahil dito, sisikapin kong tularan ang Kanyang halimbawa at huwag lampasan ang isang taong nasa panganib. Nagpapasalamat ako para sa karanasang ito na hindi ko inaasahang magbibigay sa akin ng ibayong pagpapahalaga sa Kanya at sa Kanyang mga pagpapala.