Mula sa Krisis hanggang sa Pagkakaibigan
Isang araw ng Linggo sa oras ng sacrament meeting, nakaramdam ako ng pagkabalisa. Hindi ko alam kung ano iyon, pero ayaw nitong mawala. Kinabahan akong tumingin sa orasan at inisip na matapos na sana ang miting. Noon ko lang ito naramdaman.
Pagkatapos ng pangwakas na panalangin, ganoon pa rin ang pakiramdam ko. Inilibot ko ang tingin sa chapel at napansin ko ang isang lalaki na saklot-saklot ang dibdib niya. Pinuntahan ko siya, at nakiusap siya na ihatid ko siya sa istasyon ng tren. Sinabi ko sa kanya na dapat ay sa emergency room ko siya dalhin. Sinagot niya na may gamot siya sa bahay na makakatulong sa kanya. Sinabi ko sa kanya na ipagmamaneho ko siya pauwi dahil napakadelikadong sumakay ng tren sa kundisyon niya.
Isinakay ko siya sa kotse ko at itinanong muli kung dapat ko ba siyang dalhin sa doktor. Sinabi niya na hindi na kailangan at ihatid ko na lang siya sa kanyang bahay. Tahimik akong nagdasal, hinihiling sa aking Ama sa Langit na panatagin ang loob nng taong ito at tulungan akong maihatid siya sa bahay nang ligtas! Maingat akong nagmaneho, binuksan ang mga bintana ng kotse, at sinikap na pakalmahin siya. Maya-maya pa, sumandal siya sa upuan at unti-unting kumalma.
Pagdating namin sa bahay niya, inanyayahan niya akong pumasok. Natuwa ako dahil gusto kong makasiguro na nakuha niya ang gamot at tumalab ito. Ininom niya ang gamot at unti-unti nang umayos ang pakiramdam niya. Sabi niya masakit pa nang kaunti ang dibdib niya pero panatag ang loob niya na nasa bahay na siya.
Sinabi niya sa akin na huwag munang umalis para makapaghapunan, at simula nang hapong iyon, naging mabuti na kaming magkaibigan. Madalas kaming namasyal at nagtulungan. Bago mangyari ang karanasang ito, may mga kaibigan ako na masama ang impluwensya sa akin. Kaya malaking pagpapala sa akin na naging kaibigan ko ang lalaking ito.
Kung minsan dahil sa krisis, may magandang pagkakaibigan na nabubuo. Kung basta ko na lang siya isinakay sa tren, baka hindi na siya nakauwi. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may nangyaring masama sa kanya. Nagpapasalamat ako sa aking Ama sa Langit na inilagay ako ng Espiritu Santo sa sitwayong ito at dahil dito, nagkaroon ako ng tunay at mabait na kaibigan!