2019
Ang Sakit na Dyabetis
Setyembre 2019


Ang Sakit na Dyabetis

“Ako ay Kanyang naririnig at sinasagot” (Children’s Songbook, 14).

The Diabetes Dilemma

Ang kapatid ni Joe na si Sariah ay may sakit. Hindi tulad ng sakit na umuubo ka o masakit ang tiyan. Sinabi nina Itay at Inay na maaaring may dyabetis siya.

Hindi alam ni Joe kung ano ang dyabetis, pero parang nakakatakot iyon. Pagkatapos ay ipinaliwanag nina Inay at Itay na iyon ay sakit kapag hindi nagagamit ng katawan ng tao ang asukal mula sa pagkaing kinakain nila. Kailangang maospital si Sariah nang ilang araw para malaman kung may dyabetis nga siya.

Kung minsan nakakainis si Sariah kay Joe. Gusto niyang makipaglaro sa mga kaibigan ni Joe. Naiwala pa niya minsan ang video game controller ni Joe. Pero mahal na mahal pa rin siya ni Joe. Ayaw ko na magkasakit siya, naisip niya habang pumapatak ang mga luha sa kanyang mga mata.

Tinulungan ng mga ate ni Joe si Sariah na maghanda para sa pagpunta sa ospital. Inilabas ni Mary ang backpack ni Sariah. Tumulong si Hannah na iimpake ang kanyang mga pajama. Idinagdag ni Lily ang isang makapal na kumot. Gusto ring tumulong ni Jose, pero hindi niya alam kung paano.

Di-nagtagal nakaimpake na ang lahat.

“Magdasal muna tayo bago umalis,” sabi ni Itay. “Joe, pwede bang ikaw ang magdasal?”

Tumango si Joe. “Mahal naming Ama sa Langit,” simula niya. “Nawa’y basbasan po Ninyo si Sariah na huwag magkaroon ng dyabetis. Nawa’y basbasan po Ninyo Siya na gumaling na.” Habang nagdarasal siya, medyo bumuti ang pakiramdam ni Joe.

Nang magyakap-yakap ang pamilya, nakaisip ng ideya si Joe.

“Sandali lang!” sabi niya. Pumunta siya sa kanyang silid at kinuha ang kanyang portable music player na iniregalo noong kaarawan niya. Tiniyak niya na naroon ang mga pabotirong kanta ni Sariah.

“Heto,” sabi niya, at iniabot ito kay Sariah. “Pwede mo itong dalhin sa ospital.” Ngumiti si Sariah at hinawakan ito nang mahigpit habang naglalakad papunta sa sasakyan.

Kinabukasan, isinama ni Inay si Joe at ang kanyang mga kapatid sa ospital para dalawin si Sariah. Kinakabahan si Joe habang naglalakad sila sa loob ng ospital. “Nawa’y basbasan po Ninyo siya na wala siyang dyabetis,” ang tila pang-isandaang beses na dasal niya

Nang makarating sila sa silid ni Sariah, nakaupo siya sa kama na mayroong mga tubo na nakakabit sa kanyang mga braso. Ngumiti siya nang bahagya nang makita niya silang lahat.

“Nakuha na namin ang resulta,” sabi ni Itay. “Sabi ng mga doktor ay may type 1 dyabetis si Sariah. Papalitan natin ang ilan sa mga kinakain natin at tutulong sa pagpapainom ng gamot sa kanya. Pero gagaling siya.”

Nalungkot si Joe. Nagpunta siya sa pasilyo at naupo sa tabi ng pinto. Isinubsob niya ang kanyang mukha sa kanyang mga braso.

“Ano’ng problema, Joe?” tanong ni Inay nang maupo ito sa tabi niya.

“Nagdasal po ako na hindi magkaroon ng dyabetis si Sariah,” sabi ni Joe. “Bakit hindi po sinagot ng Ama sa Langit ang dasal ko?”

Niyakap siya ni Inay. “Palaging sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga dasal. Pero hindi palaging sa paraan na gusto natin. Kung minsan, sa halip na kunin ang mahihirap na problema, sumasagot Siya sa pagbibigay sa atin ng kapayapaan at pagtulong sa atin na maging malakas. Alam ko na tutulungan ng Ama sa Langit si Sariah.”

Marahang tumango si Joe. Hindi siya kaagad nakadama ng kapayapaan o lakas. Ngunit naalala niya ang mabuting pakiramdam na nadama niya sa pagdarasal nila ng kanyang pamilya.

Magkasama silang bumalik sa silid. Naglalaro ng card game ang mga kapatid ni Joe, tulad ng ginagawa nila sa kanilang tahanan. At masaya silang lahat, pati si Sariah.

Pagkatapos ay may napansin si Joe. Naka-headphone si Sariah at nasa kandungan niya ang kanyang music player.

“Palagi niyang pinakikinggan ang mga kantang pinili mo para sa kanya,” sabi ni Inay. “Talagang nakatulong iyon para mapanatag siya.”

Gumanda ang pakiramdam ni Joe. Alam niya na tinutulungan na sila ng Ama sa Langit.