Ang Matamis na Himig ng Family History
Minsang bumisita ako sa aking anak sa Kentucky, USA, natuklasan ko ang isang instrumento sa pagtugtog ng Appalachia na tinatawag na mountain dulcimer. Tinuturuan ko noon ang ilan sa mga apo ko ng pagtugtog ng musika at nalaman ko na madaling tumugtog ng simpleng himig sa dulcimer. Ang instrumentong ito na madaling bitbitin at itabi ay masayang tugtugin habang nakapalibot kami ng pamilya ko sa campfire o kaya ay nasa bahay.
Isang hapon naghanap kami ng anak kong babae ng taong gumagawa ng dulcimer. Nakita namin ang isang matandang lalaki na nakatira sa maliit na kubo sa isang nayon. Gumagawa siya ng mga dulcimer at iginawa ako ng tamang-tama para sa akin.
Ilang taon mula noon, natutuhan ko nang tumugtog at naturuan ding tumugtog ang marami sa mga apo ko. Gusto kong bigyan ng tig-i-tig-isang dulcimer ang bawat apo, pero napakamahal kung 17 ang bibilhin. Kaya nagpasiya ako na pag-aralang gumawa nito.
Sinimulan ko ito sa pagsasaliksik ng pinagmulan ng instrumentong ito ng mga Amerikano. Nalaman ko na ang instrumentong katulad ng dulcimer, na tinatawag na scheitholt, ay maaaring dinala mula sa Estados Unidos noong mga taong 1700 ng mga dayuhan mula sa Germany o Scandinavia. Noong mga panahon ding iyon, tinugtog din ng mga dayuhan mula sa Scotland at Ireland ang scheitholt. Sa pagdaan ng panahon, nagsimulang gumawa ang mga tao ng bagong bersyon ng scheitholt, na kalaunan ay naging mountain dulcimer. Nalaman ko rin na ang pangalang dulcimer ay mula sa salitang Latin na dolce melos, o “matamis na himig.”
Laking gulat ko nang kalaunan, habang inihahanda ko ang aking family history, natuklasan ko na ilan sa mga ninunong German ng aking ina at ang mga ninunong Scotch-Irish ng aking ama ay tumugtog ng mountain dulcimer! Namangha ako na, ilang henerasyon kalaunan, natuklasan ko ang instrumento at naturuan ko ang aking mga apo kung paano ito tugtugin! Napakagandang instrumento ito na nag-ugnay sa akin at sa aking mga ninuno at inapo! Nagpapasalamat ako sa gawain sa family history, na nakatulong sa akin na pahalagahan ang aking mga ninuno at makipag-ugnayan sa kanila sa pamamagitan ng matamis na himig ng mountain dulcimer.