2019
Kabanata 3: Salita at Kalooban ng Panginoon
Setyembre 2019


Kabanata 3

Salita at Kalooban ng Panginoon

nagkukumpulan ang mga lumilipad na insekto sa paligid ng mga tolda sa tabing-ilog

Sa gitna ng pagdurusa sa Winter Quarters, nakatanggap si Brigham ng balita na sinalakay ng humigit-kumulang isang libong mandurumog ang maliit na pamayanan ng mga Banal sa Nauvoo. Halos dalawang daang Banal ang lumaban, ngunit natalo sila sa digmaan pagkatapos ng ilang araw. Nakipag-ayos ang mga lider ng lunsod para sa mapayapang paglisan ng mga Banal, na karamihan ay maralita at maysakit. Ngunit habang nililisan ng mga Banal ang lunsod, ginulo sila ng mga mandurumog at nilusob ang kanilang mga tahanan at mga bagon. Sinugod ng mga mandurumog ang templo, nilapastangan ang loob nito, at kinutya ang mga Banal habang sila ay nagsisitakas patungo sa mga kampo sa kabilang panig ng ilog.28

Nang malaman ni Brigham ang kawalan ng pag-asa ng mga lumilikas, nagpadala siya ng isang liham sa mga lider ng Simbahan, ipinapaalala sa kanila ang mga tipan na ginawa nila sa Nauvoo upang tulungan ang mga maralita at tulungan ang bawat Banal na gustong lumipat sa kanluran.

“Ang mga kawawang kapatid, mga balo at ulila, maysakit at naghihirap, ay nakahimpil ngayon sa kanlurang pampang ng Mississippi,” ipinahayag niya. “Ngayon ang panahon para kumilos. Hayaan ang pananalig sa tipan, na ginawa ninyo sa bahay ng Panginoon, na magliyab sa inyong mga puso, tulad ng apoy na hindi namamatay.”29

Bagama’t nagpadala na sila ng dalawampung bagon ng panustos sa Nauvoo dalawang linggo na ang nakalilipas at mayroon na lamang silang kaunting pagkain at ilang gamit na natira, ang mga Banal sa Winter Quarters at mga kalapit na pamayanan ay nagpadala ng mga karagdagang bagon, mga grupo ng baka, pagkain, at iba pang mga panustos sa Nauvoo. Si Newel Whitney, ang presiding bishop ng Simbahan, ay bumili rin ng harina para sa mga Banal na naghihikahos sa buhay.30

Nang makita ng mga sasagip na grupo ang mga tumakas, marami sa mga Banal ay nilalagnat, walang sapat na gamit para sa malamig na panahon, at gutom na gutom. Noong ika-9 ng Oktubre, habang naghahanda silang maglakbay patungong Ilog Missouri, namangha ang mga Banal nang mapuno ang kalangitan ng isang kawan ng mga pugo at lumapag ang mga ito sa paligid ng kanilang mga bagon. Hinabol ng mga kalalakihan at ng mga batang lalaki ang mga ibon, hinuhuli ang mga ito gamit ang kanilang mga kamay. Marami ang nakaalala kung paano rin pinadalhan ng Diyos ng pugo si Moises at ang mga anak ni Israel noong oras ng kanilang pangangailangan.

“Ngayong umaga ay nakaranas kami ng tuwirang pagpapakita ng awa at kabutihan ng Diyos,” pagsulat ni Thomas Bullock, klerk ng Simbahan, sa kanyang journal. “Ang mga kapatid ay nagbigay-puri sa Diyos at sa Kanyang pangalan dahil ang mga biyayang ibinigay sa mga anak ni Israel sa ilang ay ipinamalas sa amin habang kami ay inuusig.”

“Ang bawat lalaki, babae, at bata ay mayroong pugo na makakain para sa kanilang hapunan,” pagsulat ni Thomas.31

Samantala, libu-libong kilometro ang layo sa may Anaa atoll sa Karagatang Pasipiko, isang mayhawak ng Aaronic Priesthood na nagngangalang Tamanehune ang nagsalita sa isang kumperensya ng mahigit walong daang Banal sa mga Huling Araw. “Isang liham ang dapat ipadala sa Simbahan sa Amerika,” panukala niya, “hinihiling sa kanila na magpadala kaagad dito ng lima hanggang isang daang elder.” Si Ariipaea, isang miyembro ng Simbahan at lokal na lider ng nayon, ay sumang-ayon sa panukala, at ang mga Banal ng Timog Pasipiko ay nagtaas ng kanilang mga kamay sa pagsang-ayon.32

Namumuno sa kumperensya, buong-pusong sumang-ayon si Addison Pratt kay Tamanehune. Noong nakalipas na tatlong taon, sina Addison at Benjamin Grouard ay nakapagbinyag ng mahigit isang libong katao. Ngunit sa loob ng panahong iyon ay isang liham lamang ang natanggap nila mula sa alinman sa Labindalawa, at hindi ito nagbigay ng anumang tagubilin tungkol sa pag-uwi.33

Sa anim na buwan mula nang dumating ang liham na iyon, hindi na nakatanggap ng balita ang dalawang missionary mula sa mga kapamilya, mga kaibigan, o mga lider ng Simbahan. Kapag may dumarating na pahayagan sa isla, sinusuyod nila ang mga pahina nito para makahanap ng balita tungkol sa mga Banal. Sinabi sa isa sa mga pahayagan na nabasa nila na kalahati ng mga Banal sa Nauvoo ay napatay habang ang iba pa ay napilitang tumakas patungo sa California.34

Nababalisang malaman ang sinapit ni Louisa at ng kanyang mga anak na babae, nagpasya si Addison na bumalik sa Estados Unidos. “Ang pagtuklas sa katotohanan, kahit na ito ay hindi maganda,” sinabi niya sa kanyang sarili, “ay mas mainam kaysa sa pananatiling nag-aalinlangan at balisa.”35

Ang mga kaibigan ni Addison na sina Nabota at Telii, ang mag-asawa na naglingkod kasama niya sa Anaa, ay nagpasiyang bumalik sa Tubuai, kung saan si Telii ay minamahal bilang isang espirituwal na guro ng kanyang mga kapwa kababaihan sa Simbahan. Binalak ni Benjamin na manatili sa mga isla upang pamunuan ang misyon.36

Nang malaman ng mga Banal sa Pasipiko ang tungkol sa nalalapit na paglisan ni Addison, hinikayat nila siya na bumalik kaagad at magsama ng mas marami pang missionary. Yamang balak na ni Addison na bumalik sa mga isla kasama si Louisa at ang kanyang mga anak na babae, kung sila ay buhay pa, mabilis siyang pumayag.37

Nang manahan ang mas malamig na panahon sa Winter Quarters, nanalangin nang madalas si Brigham upang malaman kung paano maihahanda ang Simbahan para sa paglalakbay lampas pa sa Rocky Mountains. Pagkaraan ng halos isang taon sa daan, natutuhan niya na ang pag-oorganisa at pagbibigay ng kagamitan sa mga Banal para sa darating na paglalakbay ay mahalaga para sa kanilang tagumpay. Subalit ipinakita rin sa kanya ng sunud-sunod na pagkabigo kung gaano kahalaga na umasa sa Panginoon at sumunod sa Kanyang patnubay. Tulad noong panahon ni Joseph, tanging ang Panginoon lamang ang maaaring mamahala sa Kanyang Simbahan.

Di-nagtagal pagkatapos ng simula ng bagong taon, nadama ni Brigham na binuksan ng Panginoon ang kanyang isipan sa bagong liwanag at kaalaman. Sa isang pagtitipon kasama ang mataas na kapulungan at ang Labindalawa noong Enero 14, 1847, nagsimula siyang magtala ng isang paghahayag mula sa Panginoon para sa mga Banal. Bago makatulog si Brigham, binigyan siya ng Panginoon ng mga karagdagang tagubilin para sa darating na paglalakbay. Kinuha ni Brigham ang hindi pa natatapos na paghahayag at ipinagpatuloy niya ang pagtatala ng mga tagubilin ng Panginoon para sa mga Banal.39

Kinabukasan, inilahad ni Brigham sa Labindalawa ang paghahayag. Tinawag na “Salita at Kalooban ng Panginoon,” binigyang-diin nito ang pangangailangang ayusin ang mga Banal sa mga grupo sa ilalim ng pamumuno ng mga apostol. Sa paghahayag, inutusan ng Panginoon ang mga Banal na maglaan para sa kanilang mga sariling pangangailangan at magtulungan sa kanilang paglalakbay at sa pag-aalaga sa mga balo, mga ulila, at mga pamilya ng mga miyembro ng Batalyong Mormon.

“Hayaan ang bawat tao na gamitin ang lahat ng kanyang impluwensiya at ari-arian upang mailikas ang mga taong ito patungo sa lugar na pagtatayuan ng Panginoon ng isang stake ng Sion,” utos ng paghahayag. “At kung gagawin ninyo ito nang may dalisay na puso, nang buong katapatan, kayo ay pagpapalain.”40

Inutusan din ng Panginoon ang Kanyang mga tao na magsisi at magpakumbaba ng kanilang mga sarili, maging mabait sa isa’t isa, at tumigil sa kalasingan at pagsasalita ng masama. Ang Kanyang mga salita ay ibinahagi bilang isang tipan, na nag-aatas sa mga Banal na “[lumakad] sa lahat ng ordenansa,” at tumupad sa mga pangakong ginawa sa Nauvoo Temple.41

“Ako ang Panginoon ninyong Diyos, maging ang Diyos ng inyong mga ama, ang Diyos ni Abraham at ni Isaac at ni Jacob,” sabi Niya. “Ako ang siyang nag-akay sa mga anak ni Israel palabas ng lupain ng Egipto; at ang aking bisig ay nakaunat sa mga huling araw.”

Tulad ng mga sinaunang Israelita, ang mga Banal ay magbibigay-puri sa Panginoon at mananawagan sa Kanyang pangalan sa oras ng kapighatian. Sila ay aawit at sasayaw nang may panalangin ng pasasalamat sa kanilang mga puso. Sila ay hindi matatakot sa hinaharap ngunit sa halip ay magtitiwala sa Kanya at titiisin ang kanilang mga paghihirap.

“Ang aking mga tao ay kinakailangang masubukan sa lahat ng bagay,” pahayag ng Panginoon, “nang sila ay maging handa sa pagtanggap ng kaluwalhatiang mayroon Ako para sa kanila, maging ang kaluwalhatian ng Sion.”42

Sa mga natitirang araw ng taglamig, nagpatuloy ang mga apostol sa paghahanap ng paghahayag habang naghahanda silang magpadala ng mga grupo ng bagon sa Rocky Mountains. Sa ilalim ng kanilang pamumuno, aalis ang isang maliit na paunang grupo mula sa Winter Quarters sa tagsibol, tatawid sila sa mga bundok, at magtatatag sila ng bagong lugar ng pagtitipon para sa mga Banal. Upang masunod ang utos ng Panginoon at matupad ang propesiya, magtataas sila ng isang sagisag sa mga bansa at sisimulan nila ang pagtatayo ng isang templo. Susunod kaagad sa kanila ang mas malalaking grupo, na karamihan ay binubuo ng mga pamilya, sinusunod ang Salita at Kalooban ng Panginoon sa kanilang paglalakbay.48

Bago lumisan sa Nauvoo, pinagnilayan ng Korum ng Labindalawa at ng Kapulungan ng Limampu ang paninirahan sa Lambak ng Salt Lake o sa Lambak ng Bear River sa hilaga. Ang mga lambak ay kapwa nasa malayong panig ng Rocky Mountains, at maaasahan ang mga paglalarawan sa mga ito.49 Nakita ni Brigham sa isang pangitain ang lugar kung saan maninirahan ang mga Banal, ngunit wala siyang malinaw na ideya kung saan ito matatagpuan. Gayunman, ipinagdasal niya na ang Diyos ay magbigay ng patnubay sa kaniya at sa paunang grupo tungo sa tamang lugar ng pagtitipon para sa Simbahan.50

Noong hapon ng Abril 16, 1847, ang paunang grupo ay nagsimulang maglakbay sa ilalim ng malamig at madilim na kalangitan. “Layon naming ihanda ang daan para sa kaligtasan ng matatapat ang puso mula sa lahat ng bansa, o isakripisyo ang lahat ng aming pinangangasiwaan,” ipinahayag ng mga apostol sa isang liham ng pamamaalam sa mga Banal sa Winter Quarters. “Sa ngalan ng Diyos ng Israel, layon naming magtagumpay o mamatay sa pagsisikap.”53