Kapayapaan sa Templo
Ang awtor ay nakatira sa National District, Dominican Republic.
Nasasabik na si José na makapasok sa templo. Pero bakit sobra ang kaba niya?
“Templo’y ibig makita. Doon ay pupunta” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99).
“Binabati kita, José,” sabi ni Bishop García. Iniabot niya sa akin ang aking bagong temple recommend.
“Salamat po!” sabi ko. Kinamayan ko siya at lumabas sa kanyang opisina, na nakatingin sa puting papel. Makakapasok na ako sa templo para makapagpabinyag!
Ang aking abuelos (lolo’t lola) ay naghihintay sa pasilyo. Hindi madalas magsimba ang aking mga magulang, kaya nagsisimba ako kasama ang aking Abuela at Abuelo. Niyakap nila ako.
“Nasasabik ka na ba sa iyong unang pagpunta sa templo sa susunod na linggo?” tanong ni Abuelo habang papalabas kami sa gusali.
“Opo!” sabi ko. At naramdaman ko ang tuwa at saya ng kalooban ko.
“Napakasaya na pumunta roon nang magkakasama bilang pamilya,” sabi ni Abuela nang nakangiti.
Ngumiti rin ako, pero hindi pa rin napawi ang kakaibang pakiramdam na nadarama ko.
Habang papalapit na ang temple trip, lalo akong kinabahan. Kalaunan kinausap ko si Abuela tungkol dito.
Naghihiwa siya ng mga gulay sa kusina, pero tumigil siya nang pumasok ako,” Anong problema?” tanong niya, habang pinupunasan ng tuwalya ang kanyang mga kamay. “Parang may problema ka.”
Napabuntung-hininga ako at umupo sa tabi ng mesa. “Talagang gustung-gusto ko na pong makapunta sa templo. Pero kinakabahan din po ako.”
Tumango-tango si Abuela, na naunawaan ang nararamdaman ko. “Hindi mo kailangang mag-alala. May mga taong tutulong sa iyo roon sa lahat ng oras.”
Habang nagsasalita siya, nakadama ako ng mainit, at nakapapanatag na damdamin mula sa aking ulo hanggang sa mga daliri ng aking paa. Alam ko na magiging espesyal na araw iyon.
At dumating na nga ang araw ng aming pagpunta sa templo. Nagsuot ako ng damit pangsimba at sinuklay ang aking buhok. Pumasok si Abuela sa aking silid.
“Kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong niya.
“Masaya po! Nasasabik na po akong makapasok sa templo.”
Umupo si lola sa gilid ng aking kama at kinuha ang isang kapirasong papel mula sa kanyang bulsa.
Ito ay isang temple ordinance card,” sabi niya. “Ito ay para sa aking kapatid na lalaki. Napakaespesyal niya sa akin. Pero namatay siya bago siya mabinyagan. Maaari bang magpabinyag ka para sa kanya sa templo ngayon?”
Iniabot ni Abuela ang papel sa akin. Nabasa ko ang pangalang: Ramon Rodriguez. Masasabi ko na mahal ni Abuela ang kanyang kapatid, at natutuwa ako na pinagkatiwalaan niya ako na magpabinyag para sa kanya.
“Opo, sige po, Abuela. Salamat!” Maingat kong inilagay ang card sa aking bulsa.
Habang nakasakay sa bus papunta sa Santo Domingo Temple, ikinuwento ni Abuela ang tungkol sa unang pagpunta niya sa templo kasama si Abuelo. Noon, kailangan nilang magpunta pa sa Peru dahil wala pang templo sa Dominican Republic.
Makalipas ang isang oras, nakarating na kami sa templo. Naroon din si Bishop García. Nanlaki ang mga mata ko nang pumasok kami sa gusali. Napakaganda nito! Huminto ako para basahin ang mga salita sa itaas ng pinto: Kabanalan sa Panginoon: Ang Bahay ng Panginoon.
Nang pumasok ako sa pinto, alam ko na pumapasok ako sa espesyal na lugar. Parang napawi lahat ang mga alalahanin ko. Lahat ay tahimik at payapa.
Pagkatapos magpalit ng puting damit, tumayo ako sa bautismuhan kasama si Bishop Garcia. Nakinig akong mabuti habang sinasambit niya ang panalangin sa pagbibinyag. Nang sabihin niya ang pangalan ni Ramon, isang payapang damdamin ang pumuspos sa aking katawan.
Inilubog ako ni Bishop Garcia sa tubig. Nang umahon ako, nakangiti ako. Nasasabik na akong gawin ito muli!