2019
Isang Laundry Bag ng Pagmamahal
Setyembre 2019


Isang Laundry Bag ng Pagmamahal

laundry bag

Paglalarawan ni John Kachik

Nahirapan ang pamilya ko na tanggapin ang desisyon ko na maging Banal sa mga Huling Araw. Nang ibalita ko na magmimisyon ako nang walang bayad, hindi nila maunawaan kung paano o bakit ko gustong gawin iyon. Ginusto rin ng mga magulang ko na maging masaya para sa akin pero nahirapan sila na makitang “iniwan” ko na ang relihiyong iminulat nila sa akin.

Nang matanggap ko ang mission call ko sa Honduras Tegucigalpa Mission, kasama sa envelope ang tseklist ng mga bagay na dapat kong dalhin. Napansin ng nanay ko na isa sa mga aytem sa listahan ko ay isang laundry bag. Iyan ang bagay na kaya niyang maunawaan! Kaagad siyang bumili ng makapal na maong at nanahi ng simple at magandang laundry bag na yari sa pagmamahal. Ito ang regalo na marami ang nakinabang.

Kasama ko ang laundry bag na iyan sa missionary training center at pagkatapos sa Honduras. Dala-dala ko ito kahit saang nayon ako magpunta. Unti-unti nang kumupas ang asul na kulay nito, tulad ng isang maong na pantalon na lalong nagiging maganda ang itsura at sukat habang kumukupas. Nang matapos ang misyon ko, ipinamigay ko ang halos lahat ng aking damit sa espesyal na pamilya na minahal ko, pero itinira ko ang laundry bag. Ginawa ito ng aking nanay para lang sa akin kahit hindi niya naunawaan ang kahalagahan ng pagmimisyon.

Paglipas nang halos 30 taon, natanggap ng aming panganay na anak ang kanyang mission call sa California Carlsbad Mission, kalakip ang tseklist ng mga aytem na kailangan niya. Binasa namin ito, at nang mabasa namin ang “laundry bag,” kinuha naming muli ang laundry bag na ginawa ng aking nanay para sa akin. Kahit na mas kupas na ito, nakarating ito sa California.

Ilang taon pa ang lumipas mula noon, tinawag na magmisyon ang aking anak na babae sa Ohio-Cleveland Mission, at dinala niya roon ang laundry bag. Nang bumalik siya, iniuwi niya ito na mas kupas na pero wala pa ring malaking sira.

Ipinapaalala sa akin ng bag na ang ilang bagay, tulad ng mga aral na natutuhan sa misyon at pagpapakita ng pagmamahal sa iba—gaya ng ginawa ng aking ina para sa akin—ay mapagpapala tayo muli’t muli. Naging bahagi na ito ng tradisyon ng paglilingkod sa misyon ng pamilya na umaasa akong hindi kukupas kailanman.