Liahona
Ang Dakilang Gawain ng Panginoon at ang Ating Dakilang Oportunidad
Hulyo 2024


“Ang Dakilang Gawain ng Panginoon at ang Ating Dakilang Oportunidad,” Liahona, Hulyo 2024.

Ang Dakilang Gawain ng Panginoon at ang Ating Dakilang Oportunidad

Kapag tayo ay nagmamahal, nagbabahagi, at nag-aanyaya, gumagawa tayo kasama ng Panginoon upang matulungan ang bawat mahalagang kaluluwa na lumapit sa Kanya.

dalawang babaeng nag-uusap habang naglalakad sila sa isang kalye

Bawat propeta sa huli at dakilang dispensasyong ito ay nagturo sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na ibahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sa buhay ko, may ilang halimbawa akong naaalala:

Ipinahayag ni Pangulong David O. McKay (1873–1970), ang propeta noong kabataan ko, “Bawat miyembro ay [missionary].”

Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), “Ang panahon ng pagdadala ng ebanghelyo sa mas maraming lugar at tao ay narito at ngayon na” at dapat “tayong magsikap nang husto” sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba.

Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Dakila ang ating gawain, napakalaki ng ating responsibilidad na tumulong sa paghahanap ng mga tuturuan. Ang Panginoon ay nagbigay sa atin ng responsibilidad na ituro ang ebanghelyo sa bawat nilalang. Mangangailangan ito ng lahat ng [ating] makakaya.

At itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang gawaing misyonero ay mahalagang bahagi ng dakilang pagtitipon ng Israel. Ang pagtitipon na iyon ang pinakamahalagang gawain na nangyayari sa mundo ngayon. Walang maikukumpara sa laki. Walang maikukumpara sa halaga. Ang mga missionary ng Panginoon—ang Kanyang mga disipulo—ay nakikibahagi sa pinakamalaking hamon, pinakadakilang layunin, pinakamahalagang gawain sa mundo ngayon.”

Nalaman ko ito sa aking sarili bilang bata pang missionary sa British Mission. Higit na mas sigurado ako ngayon tungkol dito. Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, pinatototohanan ko na ang mga pagkakataon ay nasa lahat ng dako upang matulungan ang iba na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating pagmamahal, pagbabahagi ng ating mga paniniwala, at pag-anyaya sa kanila na sumama sa atin na maranasan ang kagalakan ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Sumusulong ang Gawain

Nagkaroon ako ng pribilehiyong maatasan sa Missionary Department ng Simbahan nang ipakilala ang unang edisyon ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo noong 2004, at muli nang mailabas ang pangalawang edisyon noong 2023. Naniniwala ako na napagpala ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo ang gawaing misyonero sa napakaraming paraan.

Kabilang sa bagong Mangaral ng Aking Ebanghelyo ang lahat ng natutuhan natin simula noong 2004, ang inspiradong tagubilin mula sa bawat miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, at mga pagbabagong ginawa sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa digital na panahon. Ang ilan sa mga pagbabagong ito ay nagbunga ng mahalagang tagumpay.

Nalaman namin na ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa simple, normal, at natural na mga paraan sa pamamagitan ng mga alituntunin ng “pagmamahal, pagbabahagi, pag-anyaya” ay nagpapala nang malaki sa kaharian. Ibinahagi ni Jesucristo ang ebanghelyo sa ganitong paraan noong nabubuhay Siya sa lupa. Ibinahagi Niya ang Kanyang buhay at ang Kanyang pagmamahal at inanyayahan ang lahat na lumapit sa Kanya (tingnan sa Mateo 11:28). Ang magmahal, magbahagi, at mag-anyaya tulad ng ginawa Niya ay isang espesyal na pagpapala at responsibilidad para sa bawat miyembro ng Simbahan.

Simulan sa Pagmamahal

Sa Halamanan ng Getsemani at sa krus, inako ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang mga kasalanan ng sanlibutan at nagdanas Siya ng lahat ng kalungkutan at “lahat ng uri ng pasakit at hirap at tukso” (Alma 7:11). Ito ang “dahilan upang [Siya], … ang pinakamakapangyarihan sa lahat, [ay] manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat” (Doktrina at mga Tipan 19:18). Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, ginawang posible ni Jesucristo ang kaligtasan at kadakilaan para sa lahat.

Ang pagbaling sa Tagapagligtas at pagninilay sa lahat ng ginawa Niya para sa atin ay lilikha sa atin ng isang pusong puno ng pagmamahal sa Kanya. Pagkatapos ay ibinabaling Niya ang ating puso sa iba at iniuutos sa atin na mahalin sila (tingnan sa Juan 13:34–35) at ibahagi ang Kanyang ebanghelyo sa kanila (tingnan sa Mateo 28:19; Marcos 16:15). Kung madarama ng mga nakapaligid sa atin na tunay natin silang minamahal at pinagmamalasakitan, malamang na bubuksan nila ang kanilang puso sa ating mga mensahe, tulad ng pagbubukas ni Haring Lamoni ng kanyang puso para tanggapin ang ebanghelyo dahil sa pagmamahal at paglilingkod ni Ammon (tingnan sa Alma 17–19).

Sa pagbabahagi natin ng ebanghelyo, simulan ito nang may pagmamahal. Kapag tinutulungan natin ang iba nang may pagmamahal—na inaalala na sila ay ating mga kapatid at mahal na mga anak ng ating Ama sa Langit—magbubukas sa atin ang mga oportunidad na ibahagi ang alam nating totoo.

Maging Sabik sa Paggawa at Magbahagi

Wala nang mas dedikado sa pagbabahagi ng ebanghelyo kaysa kay Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023). Sa kanyang huling mensahe sa pangkalahatang kumperensya, pagpapatotoo niya, “Ang isa sa mga pinakamaluwalhati at kahanga-hangang bagay na maaaring malaman ng sinuman sa mundong ito [ay] na inihayag mismo ng ating Ama sa Langit at ng Panginoong Jesucristo ang Kanilang sarili sa mga huling araw na ito at na lumaking marapat si Joseph [Smith] na ipanumbalik ang kaganapan ng walang-hanggang ebanghelyo ni Jesucristo.”

Sa buong buhay niya, at halos sa buong mundo, sabik na nakibahagi si Pangulong Ballard sa pagbibigay ng mahalagang mensaheng ito sa lahat. Inanyayahan Niya tayong gawin din iyon. Itinuro niya na ibinabahagi natin ang ebanghelyo “sa pagiging mabuting kapitbahay at pagmamalasakit at pagmamahal.” Sa paggawa nito, “makikita nila ang ningning ng ebanghelyo sa ating buhay, at makikita ng [iba] ang mga pagpapalang handog ng ebanghelyo.” Tayo rin ay “nagpapatotoo tungkol sa [ating] nalalaman at pinaniniwalaan at nadarama.” Itinuro ni Pangulong Ballard na, “Ang dalisay na patotoo ay … maipauunawa ng kapangyarihan ng Espiritu Santo sa puso ng iba na handang tanggapin ito.”

Ang ibahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang pinakamalaking hangarin ng puso ni Pangulong Ballard. Maaari tayong maging sabik sa paggawa—tulad niya—sa pagbabahagi ng ebanghelyo kapwa sa salita at sa gawa. Hindi mo alam kung sino sa atin ang maaaring naghahanap ng liwanag ng ebanghelyo pero hindi lang alam kung saan ito matatagpuan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 123:12).

dalawang lalaking naglalakad sa hagdan

Mag-imbita nang Taos-puso

Sa pagtulong sa iba na lumapit kay Cristo, maaari ninyo silang anyayahang maranasan ang kagalakang hatid ng Tagapagligtas at ng Kanyang ebanghelyo. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na pumunta sa isang aktibidad, magbasa ng Aklat ni Mormon, o makipagkita sa mga missionary. Maaari rin natin silang taos-pusong anyayahan na dumalo sa sacrament meeting na kasama natin.

Dumadalo tayo sa sacrament meeting linggu-linggo para “[sambahin] ang Diyos at [tanggapin] natin ang sakramento para alalahanin si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala.” Ito ay napakagandang panahon para madama ng mga tao ang Espiritu, mas mapalapit sa Tagapagligtas, at mapalakas ang kanilang pananampalataya sa Kanya.

Habang naghahanap tayo ng mga paraan para magmahal, magbahagi, at mag-anyaya, dapat kabilang sa ating pagpaplano at pagsisikap ang pagtulong sa mga tao na dumalo sa sacrament meeting. Kung tatanggapin nila ang ating paanyaya at dadalo sa sacrament meeting, mas malamang na magpatuloy sila sa landas ng binyag at pagbabalik-loob. Naniniwala ako nang buong puso na darating ang malaking tagumpay kapag inaanyayahan natin ang iba na dumalo sa sacrament meeting at tinutulungan silang makilala ang mga pagpapalang maaari nilang matanggap sa paggawa nito.

Gagabayan Tayo ng Panginoon

Hindi natin alam kung ano ang magiging mga tagumpay at hamon sa atin kapag tayo ay nagmahal, nagbahagi, at nag-anyaya. Ang mga anak ni Mosias ay “naglakbay nang lungsod sa lungsod, at mula sa isang bahay ng pagsamba sa isa pa, … sa mga Lamanita, upang ipangaral at ituro ang salita ng Diyos sa kanila; at sa gayon sila nagsimulang magtamo ng malaking tagumpay.” Sa kanilang mga pagsisikap, “libu-libo ang nadala sa kaalaman ng Panginoon” at marami “ang nagbalik-loob … [at] kailanman ay hindi nagsitalikod” (Alma 23:4–6).

Bagama’t hindi naman laging ganito ang nararanasan natin, nangako ang Panginoon na sasamahan Niya tayo sa paggawa dahil bawat kaluluwa ay mahalaga sa Kanya. Kapag nagtitiwala kayo sa Panginoon at naglilingkod sa Kanya, gagabayan Niya kayo kung paano ibahagi ang Kanyang ebanghelyo sa iba sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanila, pagbabahagi ng ating buhay at patotoo sa kanila, at pag-anyaya sa kanila na sumama sa atin sa pagsunod sa Kanya.

“Anong laki [ang magiging] kagalakan [natin]” (Doktrina at mga Tipan 18:15) kapag tinatanggap natin ang mga oportunidad sa buong paligid natin na tulungan ang Panginoong Jesucristo sa Kanyang dakilang gawain ng pagdadala ng mga kaluluwa sa Kanya.