“Ano ang Maaari Nating Ipagdasal?,” Liahona, Hulyo 2024.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ano ang Maaari Nating Ipagdasal?
Sa Alma 33 at 34, itinuro sa atin na maaari tayong manalangin kahit saan, kahit kailan, tungkol sa kahit ano. Narito ang ilang halimbawa ng mga taong nagdarasal sa iba’t ibang sitwasyon.
Habang binabasa mo ang mga karanasang ito, isipin ang ilan sa mga paraan na nagdasal ka para “sa mga kawan ng inyong mga pastulan” at “sa inyong mga munting silid, at sa inyong mga lihim na lugar, at sa inyong mga ilang” (Alma 34:25, 26).
Pagdarasal sa Olympics
Isang high jumper, si Alma Richards ay bahagi ng 1912 track and field Olympic team na lumaban sa Stockholm, Sweden. Sa kumpetisyon, isa-isang naalis ang iba hanggang sa matira na lamang si Alma at ang isa pa.
“Habang naghahandang tumalon si Alma, magulo ang kanyang isipan. Naroon siya, kumakatawan sa kanyang bansa sa pinakamalaking atletikong paligsahan sa mundo. Subalit nadama niyang nanghihina siya, na para bang [pasan niya] ang buong mundo. Naisip niya ang Utah, ang kanyang pamilya, at ang kanyang bayang sinilangan. Naisip niya ang BYU at ang mga Banal. Yumuko siya, tahimik [niyang] hiniling sa Diyos na bigyan siya ng lakas. ‘Kung nararapat na manalo ako,’ dasal niya, ‘gagawin ko ang lahat upang magpakita ng mabuting halimbawa sa lahat ng araw ng aking buhay.’”
Sa paghugot ng lakas mula sa Panginoon, tumalon si Alma at nalampasan ang high bar. Nang hindi ito magawa ng natitira niyang kalaban, napanalunan ni Alma ang gintong medalya.
Kalaunan, “tinukso [siya ng isang kaibigan] tungkol sa pagdarasal bago siya tumalon [na ikinapanalo niya]. ‘Sana ay hindi ka tumawa,’ tahimik na sagot ni Alma. ‘Ipinagdasal ko sa Panginoon na bigyan ako ng lakas na talunin ang baras na iyon, at [natalon ko iyon].’”
Pagdarasal sa Isang Kanto
Noong 1898, sina Inez Knight at Jennie Brimhall ang unang dalawang dalagang tinawag bilang mga sister missionary para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Hindi nagtagal pagdating nila sa kanilang mga mission sa England, nagpunta at nangaral ang dalawang babae sa Oldham, isang manufacturing town malapit sa Liverpool.
Nagtipon ang dalawang sister, kanilang mission president, at iba pang mga missionary isang gabi. “Bumuo sila ng isang bilog sa isang kanto kung saan maraming taong nagdaraan, nag-alay ng panalangin, at kumanta ng mga himno hanggang sa paligiran sila ng napakaraming tao.” Napakatagumpay ng kanilang mga pagsisikap kaya “ibinalita [ng mission president] na isang espesyal na pulong ang gaganapin kinabukasan, at inanyayahan niya ang lahat na dumalo at makinig sa pangangaral mula sa ‘tunay na buhay na mga babaeng Mormon.’”
Pagdarasal para sa Transportasyon
Nagbiyahe si Sahr mula sa Bo, Sierra Leone, sakay ng motorcycle taxi papunta sa isang bayan para magdala ng kailangang-kailangang gamot sa kanyang mga magulang na matatanda na. Nagtagal siya roon kaysa sa iplinano niya para tulungan ang kanyang mga magulang na kumpunihin ang kanilang bubong, na nasira sa isang bagyong may napakalakas na hangin. Gabi na natapos ang pagkukumpuni roon.
Dahil gabi na, malamang na wala nang magdaraang taxi. Nag-alala si Sahr. Kung walang taxi, kakailanganin niyang maglakad na hindi lang isang mahabang lakaran kundi posible ring mapanganib. Hindi opsyon ang magpalipas ng gabi sa bahay ng kanyang mga magulang dahil madaling araw ang simula ng trabaho niya kinabukasan. Bukod pa rito, ayaw niyang iwang mag-isa ang kanyang asawa at maliliit na anak sa gabi.
Tila medyo kakatwa ang ipagdasal na may dumating sanang motorcycle taxi, pero hiniling ni Sahr sa Diyos na tulungan siyang makauwi. Makalipas ang ilang minuto, may dumating na taxi, dahil may inihatid ito sa karaniwang tahimik na lugar na iyon. Nagpapasalamat na sumakay si Sahr, na nadarama na mapalad siya na marami pa siyang oras para makauwi at makapasok sa trabaho kinabukasan at mapanatiling ligtas ang kanyang pamilya.
Pagdarasal na Magbago ang Iskedyul
Inasam ni Brother Miguel Troncoso mula sa Santa Cruz, Argentina, na marinig si Elder Carlos H. Amado ng Pitumpu na magsalita sa kanyang stake. Pero nakaiskedyul na magsalita si Elder Amado sa Martes ng gabi, at kailangang magturo si Brother Troncoso, isang high school teacher, sa isang klase sa paaralan nang gabing iyon. Determinadong dumalo sa pulong, nagdasal sila ng kanyang pamilya para humingi ng tulong.
Ganito ang sabi ni Brother Troncoso tungkol sa kanyang karanasan:
“Isang araw bago magkumperensya, nahikayat akong kausapin ang prinsipal na payagan akong makauwi nang mas maaga nang 20 minuto. … Bago pa ako nakapagsalita, tinanong niya kung ayos lang na simulan ko nang mas maaga nang dalawang oras ang klase ko sa Martes. …
“Kaylaking pagpapala nito sa amin. Dumating kami sa pulong nang napakaaga at nadama namin ang Espiritu sa piling ng isa sa mga disipulo ng Panginoon. … Bukod pa riyan, nagtamo kami ng patotoo bilang pamilya na alam ng Ama sa Langit ang aming mga hangarin at dinidinig Niya ang aming mga panalangin.”