“Kuwento ng Tagumpay ng Isang Missionary: 60 Taong Ginawa,” Liahona, Hulyo 2024.
Kuwento ng Tagumpay ng Isang Missionary: 60 Taong Ginawa
Napakasayang karanasan para sa akin na marinig na nagbunga ang isang binhi ng ebanghelyo na itinanim ilang taon na ang nakalilipas.
Noon pa man ay gustung-gusto ko na ang Doktrina at mga Tipan 18:10: “Ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos.” At kung minsa’y kinakailangang magtulungan ang marami sa atin sa pagbabahagi ng patotoo para makapagdala ng mga kaluluwa sa Tagapagligtas (tingnan sa 2 Corinto 13:1).
Naalala ko ang magandang konseptong ito ng pinagsama-samang gawaing misyonero nang makatanggap ako ng email isang araw. Inisip ng isang lalaking nagsabi na anak siya ng mission president sa Wichita, Kansas, kung ako ang asawa ni Robert Monson. Sinabi pa ng lalaki na hinahanap niya ang Elder Monson na naglingkod sa Central States Mission noong 1959. Ang asawa ko iyon.
Nagkuwento siya sa akin tungkol sa dalawang binatang elder na nabigyang-inspirasyon kamakailan na pumasok sa isang gusali ng apartment. Kumatok sila sa unang pinto at nakita ang isang matandang babae na nag-imbita sa kanila na bumalik kinabukasan. Nagtakda sila ng oras.
Nang bumalik sila para sa appointment, nalaman nila na ang matandang sister na ito ay may lumang triple combination (Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas) na naibigay sa kanya ng mga missionary noong 1959. Maraming beses na niyang nabasa iyon at nalaman niya na totoo ang mga turo doon. Hindi pa siya nakasapi sa Simbahan dahil ayaw ng asawa niya na magsimba siya o mabinyagan. Pumanaw na ang kanyang asawa kamakailan, at ipinagdasal niya na makita niyang muli ang mga missionary. Nakasulat sa kanyang triple combination ang mga pangalan ng dalawang missionary noong 1959: sina Robert Monson at Granade Curran, ang asawa ko at ang kanyang kompanyon.
Nang sumunod na ilang linggo, natutuhan ng babaeng ito ang plano ng kaligtasan at ang mga pagpapala ng templo. Pumanaw na ang kanyang anak na lalaki sa edad na 22, at natuwa siya sa posibilidad na makasama niya itong muli. Nang anyayahan siya ng mga missionary na magpabinyag, masaya niyang tinanggap ang kanilang paanyaya.
Pumanaw na pareho ang asawa ko at ang kompanyon niyang si Elder Curran, pero nakikinita ko silang dumadalo sa magandang binyag na ito mula sa kabilang panig ng tabing.
Nang ikuwento ito sa akin ng anak ng mission president, naalala ko na hindi nalilimutan ng Tagapagligtas ang sinuman sa atin. Lagi natin Siyang kasama kung tutulutan natin Siyang pumasok sa ating buhay. Ikinuwento sa Bagong Tipan si Zaqueo, na umakyat sa isang puno ng sikomoro para makita ang Tagapagligtas (tingnan sa Lucas 19:1–10). Maging sa itaas ng puno, si Zaqueo ay natagpuan ng Tagapagligtas, na humiling na makakain sa tahanan nito. Gayundin, ipinagdasal at hinintay ng isang matandang sister na kumatok ang mga missionary sa kanyang pintuan, at kumatok nga sila. Kilala tayong lahat ng Tagapagligtas. “Sapagkat ang Anak ng Tao ay dumating upang hanapin at iligtas ang nawala” (Lucas 19:10).
Dalawang pares ng mga missionary—ang isa ay mahigit 60 taon na ang nakalipas at ang isa pa ay kamakailan lang—ang nagdala sa sister na ito kay Jesucristo at dahil dito ay napalakas nila ang sarili nilang patotoo at nakasumpong sila ng kagalakan sa Panginoon. Napakumbaba ako nang mamasdan ko ang mga resulta ng kuwentong ito, na nadarama ang kagalakan ng lahat ng kalahok sa pagdadala sa sister na ito sa Tagapagligtas (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:15).
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.