“Pakitulungan Naman Siya,” Liahona, Hulyo 2024.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
“Pakitulungan Naman Siya”
Ang family history at gawain sa templo para sa mga patay ay nakatulong sa akin na madaig ang damdamin ng kabiguan at kalungkutan.
Isang araw sa trabaho, nakadama ako ng lungkot at pag-iisa. Naniwala ako na nabigo ko ang aking mga ninuno dahil sa maraming pagkakamaling nagawa ko. Nagsumamo ako sa Ama sa Langit na bigyan ako ng lakas.
Isa o dalawang linggo kalaunan, lumapit sa akin ang isang sister pagkatapos ng simba at nagtanong kung ako si Jenny Casama. Nagpakilala siya sa akin na siya si Michelle (Mich) Bautista, isa sa aming mga temple and family history consultant sa ward. Ipinaliwanag niya na napanaginipan niya na nilapitan siya ng tatlong babaeng nakaputi na ang apelyido ay Casama para humingi ng tulong. Nagsumamo sila kay Sister Bautista na, “Pakitulungan naman siya.”
Naunawaan ni Sister Mich na hinihiling ng mga babaeng ito na tulungan niya ang kamag-anak nila—ako—na malaman ang iba pa tungkol sa gawain sa templo at family history.
Sabi sa akin ni Sister Mich, “Tingnan natin kung mahahanap natin ang mga babaeng iyon sa family tree mo.”
Sa FamilySearch website, natuklasan namin ang mga talaan ng lola kong si Damasa Casama; ng kanyang kapatid na si Emiliana Casama; at ng aking lola-sa-tuhod na si Eugenia Casama. Walang anumang pagdududa, alam namin na sila ang mga babae sa panaginip. Nakadama ako ng matinding kapayapaan, at nadama ko ang nag-uumapaw na pagmamahal ng aking mga ninuno sa sandaling iyon mismo. Umiyak kami dahil sa kaligayahang nadama namin sa aming puso. Nadama ko na labis ang malasakit nila sa akin, at bilang kapalit, nakadama ako ng matinding pagmamahal sa kanila.
Pagkatapos ay natanto ko na responsibilidad kong tulungan sila at ang iba ko pang mga ninuno na matanggap ang mga ordenansa sa templo. Matagal nang naghihintay ang ating mga ninuno—ang ilan sa mahabang panahon—na isagawa nating nasa lupa ang mga sagradong ordenansang ito para sa kanila.
Kalaunan noong taong iyon, nabinyagan ako sa templo para sa tatlong ninunong ito. Pinatototohanan ko ang kagandahan ng gawain sa family history at ang kapangyarihang hatid nito sa buhay ko.
Tulad ng sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Bagama’t may kapangyarihan ang gawain sa templo at family history na pagpalain ang mga pumanaw na, may kapangyarihan din itong pagpalain ang mga nabubuhay pa. May nakadadalisay na impluwensya ito sa mga nakikibahagi rito. Ang mga ito ay literal na tumutulong upang [mapadakila] ang kanilang mga pamilya.”
Alam ko na ang Simbahan ay totoo at na hindi tayo magagawang perpekto kung wala ang ating mga ninuno.