“Huwag Palampasin ang Isang Senior Mission,” Liahona, Hulyo 2024.
Pagtanda nang May Katapatan
Huwag Palampasin ang Isang Senior Mission
Ang ating mga tipan ay nag-aanyaya sa atin na paglingkuran ang isa’t isa, tumayo bilang saksi ng Diyos, at aliwin ang mga nangangailangan ng aliw. Ang paglilingkod bilang senior missionary ay isang paraan para maisakatuparan ang mga paanyayang ito, na magpapala sa sariling buhay natin at ng mga pinaglilingkuran natin.
May 34,000 senior missionary na naglilingkod nang full-time o sa mga service mission ngayon mismo na nakasusumpong ng malaking kagalakan, tulad ng kanilang nakababatang mga counterpart, sa paglalakbay. Ang mga walang asawa at mag-asawa ay maaaring maglingkod bilang mga senior missionary sa iba’t ibang tungkulin.
At malaki ang bilang ng mga kailangang missionary. Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2023, hinikayat ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga nakatatandang miyembro na isiping maglingkod sa isang senior mission. Tanong niya: “‘Ano ang ginagawa ninyo sa [yugtong] ito ng inyong buhay?’ Napakaraming bagay ang nagagawa ng mga senior missionary na hindi kayang gawin ng iba. Kayo ay pambihirang puwersa para sa kabutihan, dalubhasa sa Simbahan, at handang manghikayat at sumagip ng mga anak ng Diyos.”
Sa pagpapaliwanag kung paano tinatawag ang mga senior missionary, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Iba-iba at malawak ang mga oportunidad para sa [mga senior missionary]. Ang mga tawag sa kanilang maglingkod ay opisyal na ginagawa matapos ang mapanalanging pagsasaalang-alang sa kanilang trabaho, [karanasan] sa wika, at pansariling kakayahan. Sa lahat ng kwalipikasyon sa paglilingkod, ang hangarin na makapaglingkod ang pinakamahalaga.” Inilarawan din niya ang mga kontribusyon ng mga senior missionary na “hindi matatawaran.”
“Ang ilang senior missionary ay nagtatrabaho sa mission office o sa BYU–Pathway o humanitarian initiatives na may magandang istruktura,” sabi ng isang senior missionary. “Nakapaglingkod na kami mismo sa ilan sa gayong uri ng mga misyon. Kaya medyo hindi kami makatiyak nang tawagin kami sa MLS (member and leader support) mission. Nang magsimula kami, talagang nagustuhan namin ang flexibility at pagkamalikhaing ibinigay sa amin ng gayong uri ng mission na bisitahin ang mga miyembro at patatagin ang mga lokal na branch.”
Sabi ng senior sister na naglilingkod sa isang visitors’ center, “Nang pumanaw ang asawa ko, hindi ako sigurado kung ano ang gagawin ko sa oras ko. Ngayo’y may mga bagay na akong gagawin, mga lugar na pupuntahan, mga taong bibisitahin. May mga taong umaasa sa akin.”
“Hindi na kailangang mag-alala kahit hindi ka nakapaglingkod noong bata ka pa,” sabi ng isang sister matapos umuwi mula sa kanyang senior mission. “Bagong papel na gagampanan ito para sa lahat. Natuto kaming lahat na sama-samang umasa sa Panginoon gayundin sa isa’t isa at nalaman namin na ‘sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay’ [Alma 37:6].”
Mga Pagpapala para sa Missionary
Iba-iba ang mga senior mission na tulad ng pagkakaiba-iba ng mga senior missionary. Nariyan ang lahat ng uri—bawat isa ay may sariling mga hamon, kagalakan, at personal na kapakinabangan. Pero may ilang pagkakatulad sa anumang uri ng senior mission: makabuluhang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, madalas at tapat na mga panalangin, paglilingkod, patuloy na patnubay mula sa Espiritu Santo, at isang natatanging pagkakataon para makagawa ng kaibhan.
“Hindi ko nadama kailanman na mas malapit ako sa Panginoon kaysa noong maglingkod kami bilang mga senior missionary,” sabi ng isang senior missionary. “Alam ko na may mga bagay na hindi ko kayang kontrolin, lalo na sa mga anak at apo ko sa bahay namin. Kaya ipinaubaya ko sa mga kamay ng Panginoon ang mga bagay-bagay. At pinagpala Niya ang aming pamilya. Mas malapit na kami sa aming mga apo dahil kinakausap namin sila bawat linggo sa Zoom. Pinag-usapan namin ang mga bagay na dati ay wala silang interes. Bagama’t hindi ito nangyayari sa lahat, sa sitwasyon namin, bumalik sa simbahan ang isa naming anak habang naglilingkod kami, at muling nag-asawa ang isa pa naming anak na lalaki at kalaunan ay nabuklod sila sa templo.”
Sabi ng isa pang senior missionary, “Naging mas makabuluhan ang araw-araw naming personal at magkasamang pag-aaral ng mga banal na kasulatan dahil naghanap kami ng mga paraan para maipamuhay ang mga banal na kasulatan, hindi lang basta basahin ang mga ito. Hindi lang ako nagbasa para ‘makarami,’ na tulad ng ginawa ko dati. Sa aming paglilingkod, tila palagi akong tumutukoy sa isang talata sa banal na kasulatan na nabasa namin sa araw na iyon o sa linggong iyon, kaya nagsimula akong umasa na magamit ang mga huling talatang nabasa ko sa bawat araw. Hindi ako basta nagbabasa lang sa pag-aaral ko ng aking mga banal na kasulatan, at umaasam na tutukoy ako sa isang bagay na nabasa ko sa araw na iyon.”
“Ang pagmimisyon ay nagbigay sa akin ng bagong buhay,” sabi ng isang senior sister. “Binigyan ako nito ng makabuluhang layunin, bagong sigla para mabuhay, at isang bagay na gagawin na higit pa sa paglalaro ng golf o pag-aalaga ng mga apo.”
“Ang paglilingkod ay bigayan,” sabi ng isa pang senior missionary. “Nang maisip namin—nang medyo mapangahas—kung gaano kalaki ang ginagawa namin para sa iba, hindi kami gaanong nagtagumpay. Pero nang matanto namin kung gaano kami mismo natututo at lumalago, hindi lang kami nagbago kundi tila naging mas interesado rin ang iba sa sinasabi at ginagawa namin. Itinapon namin ang aming tinapay sa ibabaw ng tubig, at pakiramdam namin ay bumalik ito na may mantikilya.”
Mas Matitibay na Relasyon
Kapag naglilingkod ang mga tao bilang mga senior missionary, nagkakaroon sila ng malalalim na relasyon na tumatagal habambuhay. Marami ang napapalapit sa mga taong pinaglilingkuran nila. Nagiging matibay rin ang kanilang relasyon sa iba pang mga missionary at lokal na lider. “Naging kaibigan namin ang mga nakababatang missionary, iba pang mga mag-asawa, at mga taong hindi sana namin nakilala kung namalagi kami sa bahay,” sabi ng isang senior missionary. “May ugnayan pa rin kami sa isa’t isa. Noong panahon na akala ko ay magiging pareho ang bawat araw, ang pagpunta sa misyon ay nagbigay sa amin ng bagong simula at mga bagong kaibigan na nakasama namin sa paglalakbay.”
Makakatulong din ang mga senior mission na mapatatag ng mga mag-asawa ang kanilang pagsasama. Kapag nagretiro o nagbawas ng oras ng trabaho ang mga tao, maaaring matuklasan ng mga mag-asawa na kailangan nilang pag-isipang muli nang magkasama ang iisang layunin yamang wala na silang pinalalaking mga anak sa bahay nila. Maaaring sanay rin silang mamalagi sa sarili nilang tirahan na may sariling mga iskedyul. Maaari itong baguhin ng pagtanda o pagreretiro. Ang pagsisimula ng panibagong karanasan nang magkasama, sa paglilingkod man mula sa tahanan o nang full-time sa isang senior mission, ay maaaring makatulong sa paglikha ng panibagong layunin para sa mag-asawa at magpatibay ng kanilang pag-asa sa isa’t isa.
“May lumang kasabihan na sa pagreretiro ‘iyo ang kalahati ng kita mo at dobleng oras sa piling ng asawa mo kaysa rati,’” natatawang sabi ng isang sister. “Ang pagmimisyon sa isang lugar na malayo sa tahanan ay nagtulot sa amin na pag-usapan ang mga pagbabagong ito sa mga paraan na hindi namin nagagawa bago kami nagmisyon. Nang magretiro ang asawa ko, nagpapalamig lang kami ng ulo kapag may pinagtalunan kami. Ngayon, sa halip na magkanya-kanya kami at balewalain namin ang isa’t isa, ayaw naming magkaroon ng negatibong epekto sa gawain ng Panginoon, kaya pinag-uusapan namin kung ano ang nakakaligalig sa amin.”
“Nagsimula kaming mag-usap na mag-asawa gabi-gabi tungkol sa magigiliw na awa sa amin bawat araw habang nasa misyon kami,” sabi ng isang senior missionary. “Hindi lang kami natulungan nito na mas magtuon sa nangyari at di-gaanong isipin ang aming sarili, kundi binigyan din kami nito ng pagkakataong makita ang kabutihan sa buong paligid namin kahit hindi naging maganda ang ilang bahagi ng maghapon.”
“At dahil iyon ang huling ginagawa namin gabi-gabi,” dagdag pa ng asawa niya, “natutulog kami na di-gaanong problemado at mas kuntento kaysa noon. Tinulungan pa ako nitong makatulog nang mas mahimbing!”
Mga Pagpapala para sa mga Pinaglilingkuran Nila
Ang buhay ay may saya at lungkot—mabubuti at masasamang araw. Ganoon din sa misyon. Pero ang paglilingkod sa Panginoon ay maraming magandang gantimpala, hindi lang pagkatapos ng misyon kundi maging habang nasa misyon. Tulad ng sabi ng pinsan niyang si Mordecai kay Esther, “Sinong nakakaalam na kung kaya ka nakarating sa kaharian ay dahil sa pagkakataong ganito?” (Esther 4:14; idinagdag ang diin). Sa paggunita sa kanilang paglilingkod, nadama ng maraming senior missionary na itinalaga sila sa isang gawain o isang lugar kung saan sila talaga nararapat para tugunan ang isang partikular na pangangailangan.
Naranasan ko ang malaking kabutihang magagawa mismo ng senior missionary couple noong nakatira ako sa Louisiana, USA. Hindi nagtagal matapos matawag na maglingkod sa New Orleans Louisiana Stake high council, inatasan akong suportahan ang Port Sulphur Branch. Iilan lang ang mga aktibong priesthood brother sa branch. Karamihan sa mga katungkulan sa pagtuturo at pamumuno ay pinunan ng mga babaeng hindi miyembro ang asawa. Paminsan-minsan, ang mga senior missionary o stake leader ay ina-assign sa branch, pero limitado ang nagiging tagumpay nila sa pagtulong sa mga part-member family na ito.
Pagkatapos ay inatasan ang isang senior couple mula sa Wyoming, USA, na suportahan ang branch. Maraming taon silang naging mga magsasaka at nagtrabaho sa isang lokal na pabrika ng keso malapit sa kanilang tahanan. Dahil sa kanilang pinagmulan at karanasan sa buhay, madali silang nakaugnay sa maraming tao sa Port Sulphur na nagtrabaho sa industriya ng langis. Gumugol ng maraming panahon ang senior couple sa pagbuo ng mga relasyon at pagmi-minister sa mga part-member family sa branch. Dahil sa kanilang paglilingkod at pagmamahal, sa panahon nila sa Port Sulphur, lumakas at pinagpala nang husto ang branch sa pamamagitan ng kanilang tapat na paglilingkod. Ilang kalalakihan mula sa mga part-member family na ito ang sumapi sa Simbahan, na nagpalakas sa elders quorum at branch.
Pinagpapala ng mga senior missionary ang mga buhay—ang sarili nilang buhay gayundin ang sa iba. Huwag palampasin ang magagandang oportunidad na maglingkod at lumago!