Digital Lamang
3 Ideya sa Pagkakaroon ng Katatagan ng Damdamin
Matutulungan kayo ng tatlong madadaling ideyang ito na magsimula—o magpatuloy—na magkaroon ng katatagan ng damdamin.
Hindi pa huli ang lahat para magsimula—o magpatuloy—na pagsikapang magkaroon ng katatagan ng damdamin. Tulad ng itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, “ginawa [ng Diyos na] malakas at matibay ang inyong espiritu laban sa mga pagsubok sa buhay.” Ngunit kung napapansin ninyo na madali kayong nababalisa sa mga hamon sa inyong buhay, na maaaring mangyari sa ating lahat paminsan-minsan, narito ang ilang kasanayan na maaari ninyong kagawian para makaranas ng higit na katatagan sa inyong buhay:
-
Patibayin ang inyong personal na relasyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Makibahagi sa mga espirituwal na kagawian gaya ng pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan na nagpapadama na mas malapit kayo sa Ama sa Langit, at nagpapaalala ng inyong walang-hanggang pagkatao bilang Kanyang anak. Manalig kay Jesucristo, tumanggap ng lakas sa pamamagitan Niya sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, at damhin ang pagmamahal Niya sa inyo. Makasumpong ng lakas sa pamamagitan ng inyong mga tipan at ng kapangyarihan ng priesthood na hatid ng mga ito sa inyong buhay kapag namuhay kayo nang marapat.
-
Bumuo ng matitibay na relasyon. Magkaroon ng makabuluhang mga relasyon kung saan maaari ninyong madama na konektado kayo sa ibang mga tao na nagpapalakas sa inyo sa pagtahak sa landas ng tipan. At tandaan na ang inyong halaga ay likas at batay sa inyong pagkatao bilang anak ng Diyos, hindi batay sa iniisip ng iba tungkol sa inyo. Kapag naghahanda kayong makipag-ugnayan sa iba, subukan ang maikling pagbubulay na ito mula kay Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Aba, tingnan mo nga naman! Ako ay [kahanga-hanga]! Ako ay anak ng Diyos! Kilala Niya ako! Mahal Niya ako! Ako ay may kaloob—kaloob na Espiritu Santo na makakasama ko sa tuwina!” Pagkatapos, alalahanin ang mga kahanga-hangang katangiang ipinagkaloob sa inyo ng Diyos, at magpahinga at magpakatotoo sa inyong sarili.
-
Sanayin na mag-isip nang selestiyal. Kapag humirap ang mga bagay-bagay, madalas ay nagiging limitado ang ating pananaw, at nagsisimula tayong magtuon sa kasalukuyang sandali ng pagkabalisa. Sa pamamagitan ng “pag-iisip nang selestiyal,” nagagawa nating alalahanin na ang kasalukuyang pakikibaka ay maikling panahon lamang.
Ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang mismong mga bagay na magpapabuti sa inyong mortalidad sa pinakamainam na matatamo nito ay siya ring magpapabago sa inyong buhay sa buong kawalang-hanggan sa pinakamainam na matatamo nito! Ngayon, upang tulungan kayong maging karapat-dapat sa saganang mga pagpapala ng Ama sa Langit para sa inyo, inaanyayahan ko kayong [kagawian] ang ‘pag-iisip nang selestiyal’! …
“Kapag gumagawa kayo ng [mga] pagpapasiya, hinihikayat ko kayong tanawin ang hinaharap—isang walang-hanggang pananaw.”