“Mula sa Kadiliman Tungo sa Kaligayahan,” Liahona, Hulyo 2024.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Mula sa Kadiliman Tungo sa Kaligayahan
Nang ulitin ko ang mga salita ng mga ordenansa sa templo sa aking isipan, may nangyaring nakamamangha.
Noong 1988, sumama ako sa iba pang mga gurong British para magturo sa isang paaralan sa Sudan. Nakakatuwa ang mga bata, at agad kaming naka-adjust sa mga hirap ng pamumuhay sa isang umuunlad na bansa. Gayunman, lumabas na isa palang mapang-aping lider ang employer namin na inusig ang sinuman na inakala niyang kumakalaban sa kanya sa anumang paraan. Kinasuklaman niya ako mula nang ipagtanggol ko ang isang taong naabuso niya.
Isang araw ipinatawag niya ako sa opisina niya. Sa loob ng mahigit kalahating oras, ipinalasap niya sa akin ang lahat ng uri ng mapang-abusong pananalita at banta. Nilisan ko ang silid na nakatulala. Hindi ko maalala kung paano ko natagalan ang natitirang oras sa eskuwela. Magdamag na hindi maalis sa isipan ko ang kasuklam-suklam na mga salita.
Sa oras ng pagtulog, naupo ako sa kama ko at nagbasa ng mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay lumuhod ako at taimtim na humiling ng kapanatagan at ginhawa sa panalangin, pero hindi ko iyon nadama. Humiga ako pero hindi ako makatulog. Dalawang beses pa akong bumangon, nagbasa, lumuhod, at nagdasal, pero walang nangyari.
“Hay,” naisip ko, “hindi palaging sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin sa paraan at sa panahong gusto natin.” Tinanggap ko na lang na hindi ako makakatulog.
Pero nang mahiga akong muli, naisip ko, “May isa pa akong magagawa.” Sinimulan kong ulitin ang mga salita ng mga ordenansa sa templo sa aking isipan. Nang gawin ko ito, isang nakamamanghang himala ang nangyari. Naglahong lahat ang kalungkutan at kadiliman, at nadama ko ang pinakamagandang kapayapaan at kagalakan at pinuspos nito ang aking buong pagkatao.
Bumangon ako at nagdasal, at lumuluhang nagpasalamat sa Ama sa Langit. Pagkatapos ay muli akong nahiga at natulog. Kinabukasan, na dapat sana ay puno ng takot at kalungkutan, iyon ang pinakamasayang araw na nagugol ko sa klase ng mga bata.
Natanto ko na nais ng Panginoon na pagnilayan ko ang mga ordenansa sa templo. Sa mga Banal na tumatawid ng kapatagan matapos tanggapin ang kanilang mga pagpapala sa Nauvoo Temple, sinabi ni Pangulong Brigham Young (1801–1877), “Hayaang mag-alab ang apoy ng tipan na inyong ginawa sa Bahay ng Panginoon, sa inyong puso, gaya ng apoy na hindi maapula.” Kapag nag-alab ang ating mga tipan sa templo sa ating puso’t isipan, makasusumpong din tayo ng lakas, kapayapaan, at kapanatagan.