Liahona
Paano Ako Magtitiwala sa Ama sa Langit Samantalang Nadarama Ko na Mag-isa Akong Naninindigan?
Hulyo 2024


“Paano Ako Magtitiwala sa Ama sa Langit Samantalang Nadarama Ko na Mag-isa Akong Naninindigan?,” Liahona, Hulyo 2024.

Mga Young Adult

Paano Ako Magtitiwala sa Ama sa Langit Samantalang Nadarama Ko na Mag-isa Akong Naninindigan?

Sinisikap kong manampalataya pero patuloy akong naharap sa napakaraming hamon. Paano ako patuloy na magtitiwala sa Panginoon?

dalagitang nakaupo at nag-iisip

Mga larawang-guhit ni Kathleen Peterson

Ipinakilala ako ng mga pinsan ko sa mga missionary noong siyam na taong gulang ako. Sumapi ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw pero isa ako sa mga tanging miyembro ng pamilya ko mismo na gumawa nito. Mula noon, mas lalo kong natutuhang mahalin ang ebanghelyo ni Jesucristo. Gayunman, sa loob ng ilang panahon, naging napakahirap para sa akin na magtiwala sa Ama sa Langit at sa Kanyang mga katotohanan, at talagang nahirapan akong magpatuloy nang may pananampalataya.

Ang pamumuhay na naiiba sa mundo bilang disipulo ni Jesucristo ay maaaring maging mahirap kahit saan, pero ang paglaki sa Hong Kong bilang isang miyembro ng Simbahan ay mas mahirap kaysa inaasahan ng ilan.

Una, maraming tao sa lugar na ito ang ayaw sa Simbahan at nag-iisip na may kaugnayan ito sa masasamang bagay. Ang dating ginamit na salitang Chinese para sa “Mormon,” sa pagtukoy sa Simbahan, ay may kasamang tunog na nag-uugnay dito sa salitang Chinese para sa “diyablo.” Para sa ilan, lumikha ito ng nakalulungkot na maling pagkaunawa sa mga pinahahalagahan ng Simbahan.

Gayundin, dahil napakaraming iba pang tradisyonal na relihiyon na itinatag at iilan ang miyembro ng Simbahan sa Hong Kong, madaling makadama ng lungkot o pag-iisa. Maraming tao ang nagdududa sa Simbahan, na hindi lubos na nauunawaan ang mga turo nito at ayaw makinig sa gustong ibahagi ng mga miyembro.

Nadama ko nang husto ang mga epekto ng mga sagabal na ito noong tinedyer ako, pero dahil sa mga karanasang iyon, marami akong natutuhan tungkol sa kahulugan ng magtiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Sulit bang Ipamuhay ang Ebanghelyo?

Sa high school, kaibigan ng mga magulang ko ang isa sa aking mga guro. Ang gurong ito ay isang aktibong Kristiyano sa ibang sekta. Sa panahong iyon, ako lang ang miyembro ng Simbahan sa klase ko, at marami akong kaklase at guro na may ilang haka-haka tungkol sa Simbahan ni Jesucristo at sa mga miyembro nito.

Napakalakas ng negatibong opinyon ng partikular na gurong ito tungkol sa aking relihiyon, kaya naging kumplikado ang mga bagay-bagay dahil kaibigan siya ng pamilya.

Una, madalas akong antukin sa klase niya dahil maaga akong gumising para magpunta sa early-morning seminary, kaya nag-alala siya na hindi ako makasabay sa iba sa pagkatuto sa klase. Pinahiya rin niya ako at pinagtatanong tungkol sa mga kumplikadong bagay tungkol sa doktrina na hindi ko alam kung paano sasagutin. Binigyan pa nga niya ako ng mga assignment sa paaralan na magbasa ng lathalain laban sa Simbahan! Sinikap niya nang husto na hikayatin akong huwag nang maniwala sa ebanghelyo.

Malaking pagsubok iyon sa aking pananampalataya. Nang sikapin kong manatiling malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, bakit naging sanhi ng mga hamon at hirap sa buhay ko ang pananatiling tapat? Hindi ba dapat ay mapagpala ako sa pagsunod sa mga kautusan at hindi pagtulog para makapunta sa seminary?

Sa halip, unti-unting bumaba ang aking mga marka, nanghina ang aking pananampalataya, at nagkaproblema ang relasyon ko sa aking mga guro, sa pamilya, at sa Ama sa Langit.

Sa ilang panahon, nagsimula akong mag-isip kung sulit bang ipamuhay ang ebanghelyo. Nagsimula akong pumalya sa seminary at hindi nagtagal ay nadama ko na unti-unting naglalaho ang aking pananampalataya. Tila mas madaling magpatangay sa pilit na ipinagagawa sa akin ng mundo sa aking paligid.

Pagpiling Magtiwala

Patuloy akong humingi ng patnubay at pang-unawa sa Ama sa Langit sa panalangin. Sa kabila ng matinding kalituhan at inis na nadama ko tungkol sa aking sitwasyon, may isang bagay sa puso ko na patuloy na kumakapit sa pananampalataya. Kinausap ko ang matatapat na kaibigan at ipinagtapat ko sa mga kabarkada ko sa simbahan kung ano ang nararanasan ko, at nahikayat akong kausapin ang seminary teacher ko tungkol sa aking mga pakikibaka.

Tumugon siya nang may habag at hinikayat akong patuloy na dumalo sa seminary nang may pusong puno ng pag-asa. Nangako siya sa akin na makikita ko ang pagdating ng mga pagpapala kung mananatili akong sumasampalataya at nagtitiwala na maraming nakalaan ang Panginoon para sa akin at gagawing sagrado ang aking mga hamon (tingnan sa 2 Nephi 2:1–2).

Kaya, sa kabila ng kinakaharap kong mga hamon, pinili kong magtiwala.

dalagang nakangiti

Hindi nagtagal, naramdaman ko na nagbabago ang ugali ko. Sa halip na magtuon sa mga hirap na dinaranas ko, nagtuon ako sa pasasalamat na nadama ko para sa ebanghelyo. Nagsimula akong magtuon sa pagpapala sa aking pamilya, sa aking banal na identidad, at sa mga walang-hanggang katotohanan ng ebanghelyo. At kalaunan, nalaman ko na alam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang aking sitwasyon at palagi nila akong sinusuportahan sa mga sandaling iyon na pakiramdam ko ay nag-iisa ako.

Binago nito ang lahat.

Nang patuloy akong magtiwala sa Kanila, sumunod sa mga kautusan, nagsisi araw-araw, at gumawa ng maliliit na bagay bawat araw para makaugnayan Sila, nadama ko na lumalalim at tumatatag ang pundasyon ng aking pananampalataya.

Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson kamakailan: “[Maging responsable sa] sarili ninyong patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Pagsikapan ito. Pagyamanin ito para lumago ito. Busugin ito ng katotohanan. Huwag itong dungisan ng mga maling pilosopiya ng mga lalaki at babaeng walang pananalig. Habang ginagawa ninyong pinakamataas na prayoridad ang patuloy na pagpapalakas ng inyong patotoo kay Jesucristo, hintaying mangyari ang mga [himala] sa inyong buhay.”

At nang gawin ko iyon, isang himala nga ang nangyari.

Ang Ibig Sabihin ng Magtiwala sa Panginoon

Matapos iwasan ang anumang pakikipag-usap sa aking guro tungkol sa pananampalataya, isang araw nang lapitan niya ako para tanungin, nadama ko na handa akong sagutin ang mga iyon nang may panibagong pananampalataya. Magalang ko siyang tinanong kung nabisita na niya kahit kailan ang isa sa mga miting natin sa simbahan o nabasa ang anumang bahagi ng Aklat ni Mormon. Nang sabihin niyang hindi, nabigyang-inspirasyon akong magpatotoo tungkol sa mga simpleng katotohanan.

Sinabi ko sa kanya na hindi mo malalaman kailanman kung totoo ang isang bagay nang hindi ito nararanasan o hindi hinahanap mismo ang mga sagot. Ipinaliwanag ko na alam ko na totoo ang ebanghelyo dahil sinikap kong mahanap ang mga sagot na iyon at taimtim kong nadama na totoo ang mga iyon. Inanyayahan ko siyang gawin din iyon, at mula noon, naging mas payapa ang aming relasyon.

Ang hamong ito sa aking pananampalataya noong tinedyer pa ako ay talagang inihanda ako para sa aking hinaharap bilang disipulo ni Cristo. Nakita ko na ang katuparan ng napakaraming pagpapala at pangako nang patuloy akong magtiwala sa Panginoon nang higit kaysa sa mga opinyon ng iba. Sabi nga ni Nephi, “O Panginoon, ako ay nagtiwala sa inyo, at ako ay magtitiwala sa inyo magpakailanman. Hindi ako magtitiwala sa bisig ng laman” (2 Nephi 4:34).

Kapag hindi nangyayari ang mga bagay-bagay ayon sa plano o nahaharap tayo sa mga hirap na hindi natin inasahan kailanman, madaling madama na nagkamali ng payo ang Ama sa Langit, pinabayaan Niya tayo, o sadyang wala Siyang pakialam sa atin.

Pero hindi totoo iyan.

Sa katunayan, sa mga panahong iyon ng nakalilito at nakalulungkot na mga hamon ko palaging naaalala kung ano ang ibig sabihin ng lubos akong magtiwala sa Panginoon. Kailangan kong hayaang maging makabuluhan at nagpapabago ng buhay ang aking pagkadisipulo at pananampalataya sa halip na hindi ito pag-isipan at maging paulit-ulit lang. Itinuro din ni Pangulong Nelson na, “Ang inyong lumalagong pananampalataya ay tutulong sa inyo na magawang walang kapantay na pag-unlad at oportunidad ang mga pagsubok.”

Nakikita ko kung paano ako napagpala ng pagpili kong sumampalataya kay Jesucristo sa mas maraming paraan kaysa sa inakala kong posible. Hindi ito nangangahulugan na lagi kong natatakasan ang kalungkutan, hirap, o pagkalito, kundi nangangahulugan ito na alam ko kung saan babaling para sa kapayapaan at katatagan.

Mapagmahal na ipinaaalala sa atin ni Pangulong Nelson na, “Mangyaring unawain ito: kung mabigo ang lahat ng bagay at ang sinuman sa mundong ito na pinagkakatiwalaan ninyo, hindi kayo kailanman bibiguin ni Jesucristo at ng Kanyang Simbahan.”

Anuman ang kinakaharap ninyo sa buhay, mga inaasahan man ito na hindi natugunan, mga pressure mula sa mga mensahe ng mga taong makamundo, mga isyu sa pamilya, mga problema sa kalusugan ng isipan, kawalan ng katatagang pinansyal, pighati, kawalang-katarungan, o anumang iba pang mga hamon, inaanyayahan ko kayo na patuloy na magtiwala sa Panginoon. Alam Niya ang inyong sitwasyon. Kilala Niya kayo. May nakalaan Siyang malalaking pagpapala para sa inyo. Kahit sa mga sandaling iyon na ayaw ninyong magtiwala sa Kanya, piliin pa ring gawin iyon. Ang Kanyang mga pangako ay tiyak. Aakayin Niya kayo sa kagalakan, pag-asa, at mga himala sa takdang panahon.

Ginagawa Niya iyan para sa akin habang patuloy akong nagtitiwala sa Kanya.