Liahona
Ang Mensahe Ko mula sa Diyos
Hulyo 2024


“Ang Mensahe Ko mula sa Diyos,” Liahona, Hulyo 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Mensahe Ko mula sa Diyos

Wala akong patotoo noon tungkol sa Aklat ni Mormon hanggang sa mangusap sa akin ang Panginoon sa pamamagitan ng aklat ni Helaman.

lalaking nakangiti na nakahalukipkip

Larawang-kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Nang anyayahan ako ng isang kaibigan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong 2020, atubili akong pumayag. Noong una, hindi ko nadama na gusto ko sa lugar na iyon, pero patuloy akong dumalo sa sacrament meeting. Kalaunan, nabinyagan ako.

Gayunman, hindi ko naunawaan ang konsepto ng pagkakaroon ng patotoo na sinasabi ng iba pang mga miyembro ng Simbahan. Nabasa na namin ng mga sister missionary ang ilang talata sa banal na kasulatan, pero hindi ko pa nabuklat nang mag-isa ang Aklat ni Mormon kahit kailan. Sa kabila ng malalaking pagsisikap ng mga miyembro ng Simbahan na malugod akong tanggapin at panatilihin akong aktibo, hindi nagtagal ay nagsimula akong mahuli ng dating sa simbahan, lumiban sa mga miting, at bumalik sa makamundong kalagayan.

At dumating ang araw na biglang nagbago ang pakiramdam ko at nainis ako at nabalisa. Nadama ko na masyado akong mabuway, makamundo, at galit sa mga bagay ukol sa Diyos. Natanto ko na wala ako sa tamang landas. Habang ganito ang pakiramdam ko, nasulyapan ko ang mga banal na kasulatan na nasa kama ko.

Nanawagan ako sa Diyos na sabihan ako ng kahit ano. Umusal ako ng maikling panalangin at naghintay na makarinig ng kahit ano. Kinailangan ko ng kaunting kapanatagan at kalinawan.

Pagkatapos ay may narinig ako. Hindi ko alam kung nagmula iyon sa aking isipan o sa loob ng aking mga tainga, pero narinig ko ang mga salitang “Helaman 3:27.” Alam ko na ang aklat ni Helaman ay nasa Aklat ni Mormon, kaya kinuha ko ang mga banal na kasulatan at binuklat ko sa talaan ng mga nilalaman para hanapin ang aklat na iyon.

Ang sumunod kong nabasa ay isang mensahe mula sa Diyos sa akin para sa sandaling iyon ng buhay ko: “Sa gayon, maaari nating makita na ang Panginoon ay maawain sa lahat na, sa katapatan ng kanilang mga puso, ay nananawagan sa kanyang banal na pangalan.”

Binago ng talatang ito ang pagkaunawa ko tungkol sa aking mga ginawa at tungkol sa Aklat ni Mormon. Natanto ko na mali ang aking mga ginawa at kawalan ng katapatan sa Diyos at kailangan kong manawagan sa Kanya at magsisi. Alam ko na hindi ipagkakait sa akin ng Diyos ang Kanyang mga awa at pagpapala basta’t tapat ako sa pagtawag sa Kanya at pagsunod sa Kanya.

Sa ganoong paraan ako nagkaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon—isang aklat na wala akong interes na basahin. Alam ko na ang Diyos ay buhay, na nangungusap Siya sa atin ngayon, at na ang Aklat ni Mormon ay totoo.