“Ang Aking Kaluluwa ay Nag-asam na Maparoon,” Liahona, Hulyo 2024.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Aking Kaluluwa ay Nag-asam na Maparoon
Naging sagot ang isang paboritong kuwento sa banal na kasulatan sa pag-asam kong mapalapit sa aking Ama sa Langit at sa Kanyang Anak.
Nagpunta ako sa templo isang araw na may tanong sa puso ko: “Ama sa Langit, kumusta na po ang lagay ko sa ebanghelyo?”
Damang-dama ko ang mga pagkukulang ko lalo na noong linggong iyon. Tulad ni Nephi, nabigatan ako sa mga kasalanang napakadaling bumihag sa akin. Pero, tulad din ni Nephi, alam ko kung kanino ako nagtiwala. (Tingnan sa 2 Nephi 4:18–19.) Umasa akong makakatulong ang paggugol ng oras sa piling ng Panginoon sa Kanyang bahay nang umagang iyon para mas mapalapit ako sa Kanya.
Nakinig akong mabuti sa buong endowment session at nagpasalamat ako sa lakas at kaalamang ibinigay nito sa akin. Pero pagpasok ko sa silid-selestiyal, malungkot pa rin ako. Paano ko malalaman ang opinyon ng Panginoon tungkol sa akin?
Naupo ako at nagnilay nang ilang minuto at pagkatapos, nadaramang hindi masasagot ang aking tanong, tumayo na ako. Pero ipinasiya kong maupong muli at maging mas komportable sa sopa. “Ayaw kong umalis,” naisip ko.
Tumingin ako sa paligid ng silid at nakita ko ang isang pamilyar na painting ng larawan ni Jesucristo na napapalibutan ng mga anghel, na nakaunat ang Kanyang mga bisig sa akin. Naisip ko ang mga salita ng isang paboritong talata sa banal na kasulatan: “Ang aking kaluluwa ay nag-asam na maparoon” (tingnan sa Alma 36:22).
Madalas kong napagnilayan ang kahalagahan ng talatang iyon sa kuwento ni Alma. Dati-dati, dahil sa kanyang mga kasalanan, ang ideyang tumayo sa harap ng Diyos ay pumuspos kay Alma ng “hindi maipaliwanag na masidhing takot” (Alma 36:14). Pero matapos bumaling kay Cristo, nakita niya ang Diyos na napaliligiran ng mga anghel, at ang kanyang “kaluluwa ay nag-asam na maparoon.” Ang magkasalungat na saloobing ito sa banal na kasulatan ay laging napakaganda para sa akin. Ang maliit na pagsisikap ni Alma na umasa sa Panginoon ay nagkaroon ng malaking epekto sa kanyang puso.
Natanto ko na hindi ako handang lisanin ang silid-selestiyal dahil, tulad ni Alma, inasam ng aking kaluluwa na maparoon—kapwa sa templo noong araw na iyon at sa huli ay sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa aking tahanan sa langit. Ginamit ng Espiritu Santo ang paborito kong kuwento sa banal na kasulatan para sabihin sa akin na alam ng Diyos ang aking nadarama. Naalala ko na sa kabila ng aking mga pagkukulang, tinanggap ng Panginoon ang mga pagsisikap kong mapalapit sa Kanya. Alam niya na inasam kong maparoon.