2022
Mga Dapat at Di-dapat Gawin sa Pag-anyaya ng mga Kaibigan sa Simbahan
Oktubre 2022


Mga Dapat at Di-dapat Gawin sa Pag-anyaya ng mga Kaibigan sa Simbahan

Narito ang ilang paraan para matulungan ang mga kaibigan na maging mas komportable sa pagpunta sa simbahan.

Larawan
dalawang lalaking nag-uusap

Ang pag-anyaya sa iba na sumamba kasama natin sa sacrament meeting ay isang magandang paraan para maibahagi ang liwanag at pagmamahal ng Tagapagligtas sa pamilya at mga kaibigan. Ngunit kung minsa’y mas pinahihirap natin ito kaysa sa kinakailangan.

Narito ang pitong paraan para matulungan natin ang mga kaibigan na maging mas komportableng tanggapin ang paanyayang magsimba:

1. Gawin Ito Dahil sa Pagmamahal

Bakit mo sila inaanyayahan? Para ba ito sa iyo o para sa kanila? Kung ang nasa isip mo ay ang pinakamabuti nilang kapakanan, madarama nila ang iyong katapatan. Kung makikita nila na mahalaga ito sa iyo, maaaring mas handa silang malaman kung ano pa ang mahalaga sa iyo.

2. Anyayahan Silang Sumamba na Kasama Mo

Itanong sa iyong mga kaibigan kung may lugar kung saan ay sumasamba sila sa Tagapagligtas at anyayahan silang sumamba na kasama mo, lalo na tuwing Pasko at Pasko ng Pagkabuhay. Kung hindi sila mga Kristiyano, itanong sa kanila kung gusto nilang malaman pa ang tungkol kay Jesucristo at anyayahan silang maranasan ang isang pagtitipon ng pagsamba na pang-Kristiyano na kasama mo. Alalahaning igalang din ang kanilang mga paniniwala na inaasam mong ibigay nila sa iyo.

3. Huwag Personalin ang Kanilang Pagtanggi

Kung tumanggi ang kaibigan mo, tanggapin ang “hindi” nang may paggalang. Ngunit huwag isipin na ang ibig sabihin ng “hindi” sa pagsisimba ay “pag-hindi” sa iyo. Maraming dahilan kung bakit hindi ang sagot nila na walang kinalaman sa nadarama nila tungkol sa iyo. Kung hindi mo hahayaang baguhin ng “hindi” ang inyong relasyon, maaari kang magkaroon ng pagkakataon kalaunan na mas maunawaan ang kanilang damdamin.

4. Tulungan ang Inyong mga Kaibigan na Malaman Kung Ano ang Aasahan

Kung tatanggapin ng mga kaibigan mo ang paanyayang magsimba, tulungan silang maunawaan kung ano ang aasahan: paano sila maaaring manamit, ang layunin at haba ng bawat miting, at ano ang mangyayari sa mga miting—o hindi mangyayari (halimbawa, ang mga donasyon ay hindi kinokolekta sa oras ng ating mga miting). Dapat mo ring ipaliwanag sa kanila kung ano ang sakramento at kung ano ang ibig sabihin nito. Maaaring makatulong ito sa kanila na maging mas palagay kapag nagsimba sila.

Narito ang ilang video na maibabahagi mo na maaaring makatulong sa kanila na malaman kung ano ang aasahan:

5. Palitan ang mga Impormasyon ng Pagpapakilala

Ang mga tao ay karaniwang hindi gaanong interesado sa ating doktrina (kung minsan sa una) kaysa sa ating komunidad at mabubuting gawa. Tulungan silang makipag-ugnayan sa mga tao, at ibahagi kung paano tayo nakikibahagi sa komunidad, naglilingkod nang magkakasama, at nagmamalasakit sa isa’t isa.

Ang isang magandang paraan para maipakilala sa isang tao ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay magsimula sa pagbabahagi ng mga pagpapalang maibibigay ng ebanghelyo. Halimbawa, maaari mong sikaping ipakita sa kanila kung paano sila matutulungan ng Simbahan na mahanap ang mga pinagmulan ng kanilang pamilya, mapalakas ang kanilang pamilya, maging mas self-reliant, magbigay ng makabuluhang paglilingkod, at bigyan ang kanilang mga anak ng maipapamuhay na mabubuting pamantayan. Ang pagtalakay sa partikular na mga doktrina at paniniwala ay maaaring mangyari kalaunan kapag handa na sila.

Ang ilang tao na maaaring gusto mong ipakilala sa kanila ay kinabibilangan ng bishop, Relief Society president, temple and family history consultant, o Primary teacher para sa sinumang bata sa pamilya.

6. Malugod na Tanggapin ang Lahat

Kung dumadalo ang mga kaibigan mo, gawin ang makakaya mo para maipadama sa kanila na malugod silang tinatanggap at tugunan ang kanilang mga pangangailangan. Gayundin, kung may nakikita kang isang tao sa simbahan na hindi mo kilala, maging mabait at malugod silang tanggapin. Ipaalam sa kanila kung gaano kasayang makasama sila rito. Sikaping tumingin sa kanilang mga mata, hikayatin ang pagtatanong, at tulungan silang maunawaan ang kanilang karanasan.

7. Huwag Mamilit; Mag-follow Up

Ang ilan na maaaring interesadong dumalo ay natatakot na mapilitan sila sa isang bagay. Sa pagsisikap mong magbigay ng magandang karanasan kung saan madarama ng mga kaibigan mo ang Espiritu Santo, magbahagi ng mga ideya at damdamin, ngunit huwag mong isipin na kailangan mong ipilit ang isang espirituwal na karanasan. Magtiwala sa Diyos at hayaang gawin ng Espiritu ang Kanyang gawain. At kung walang oras ang mga kaibigan mo na manatili sa buong iskedyul ng miting o manatili pagkatapos ng simbahan para makipag-usap, pasalamatan sila sa pagdating at magtakda ng pagkakataong mag-follow up.

Ang Pinakamahalagang Paanyaya

Ang pag-anyaya sa iba na sambahin ang Tagapagligtas kasama natin ay hindi kailangang maging mahirap para sa atin o para sa kanila. Kapag inaanyayahan natin ang mga kaibigan, kumikilos tayo ayon sa paanyaya ni Pangulong Russell M. Nelson na maglingkod sa iba sa “bago at mas banal na paraan”1 at “tumulong na tipunin ang Israel.”2 Kagalakan ang susunod kapag ibinahagi natin ang liwanag at pagmamahal ng Tagapagligtas sa mga nakapaligid sa atin.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Magpatuloy Tayo,” Liahona, Mayo 2018, 118.

  2. Tingnan sa Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org.

Print