“Gawaing Misyonero sa mga Huling Araw,” Liahona, Oktubre 2022.
Para sa mga Magulang
Gawaing Misyonero sa mga Huling Araw
Minamahal na mga Magulang,
Sa kabila ng kaguluhan ng mundo, patuloy na sumusulong ang gawain ng Panginoon. Nasasaksihan natin ang gawain ng Panginoon habang ibinabalita at itinatayo ang mga templo, habang masigasig na naglilingkod ang mga miyembro sa buong mundo, at habang nagboboluntaryo ang mga missionary na ibigay ang kanilang oras upang maibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo. Hiniling din sa atin ng Panginoon na maglingkod sa isang tao. Miyembro man siya ng Simbahan o bagong kaibigan na nagpakita ng interes sa ating mga paniniwala, kilala siya ng Panginoon, at kilala Niya kayo.
Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo
Mga Tipan at ang Pagtitipon ng Israel
Ibahagi sa inyong pamilya ang ilang sipi mula sa nagbibigay-inspirasyong artikulo ni Pangulong Russell M. Nelson sa pahina 4 at talakayin kung paano tayo tinutulungan ng pagtupad sa ating mga tipan na “[magkaroon] ng lakas na labanan ang palagiang impluwensya ng mundo.” Kung may mga anak kayo na naghahandang magmisyon, ibahagi ang kanyang mga turo tungkol sa mga missionary na gumagawa ng “pinakamahalagang gawain sa mundo ngayon.”
Kilala ng Diyos ang Bawat Isa sa Atin
Tayong lahat ay mga anak ng Ama sa Langit, at mahal Niya tayo. Dahil dito, nagmamalasakit din Siya sa ating personal na pagbabalik-loob. Basahin ang mensahe ni Elder Jorge T. Becerra sa pahina 40 tungkol sa karanasan ng kanyang lolo sa personal na pagbabalik-loob at talakayin kung paano ninyo nalalaman na kilala at mahal kayo ng Panginoon.
Pagkakaroon ng Tamang Pokus sa Pagsasabuhay ng Ebanghelyo
Upang matulungan ang inyong mga anak na mas maunawaan kung ano ang pagtutuunan ng pansin habang sinisikap nilang isabuhay ang ebanghelyo, basahin ang artikulo sa pahina 30 upang malaman kung paano binago ng isang young adult ang kanyang pag-iisip upang makita ang layunin ng bawat kautusan at alituntunin ng ebanghelyo.
Katuwaan ng Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Kawing ng Pagmamahal
Sa Isaias 52:7, sinabi sa atin ng propeta na bibigyan tayo ni Cristo ng kapayapaan, ebanghelyo, at kaligtasan.
-
Talakayin ang mga paraan na maibabahagi ninyo ang mga dakilang pagpapalang ito sa pamamagitan ng gawaing misyonero. Ilista ang lahat ng maiisip ng inyong pamilya. (Mga halimbawa: ibahagi ang ebanghelyo sa inyong mga kaibigan, dalhin ang pangalan ng inyong mga ninuno sa templo upang maisagawa ang kanilang mga ordenansa.)
-
Maglagay ng Aklat ni Mormon sa isang panig ng silid. Patayuin ang isang tao sa kabilang panig at, nang hindi iginagalaw ang kanyang mga paa, ipaabot ang aklat. (Tiyaking hindi maaabot ang aklat.)
-
Papilahin ang bawat miyembro ng inyong pamilya sa pagitan ng taong nasa kabilang panig ng silid at ng Aklat ni Mormon. Magkapit-bisig, lumilikha ng isang tanikala ng mga tao, at ipasa ang Aklat ni Mormon sa unang tao. (Sa pag-alam kung gaano karami ang tao sa inyong grupo, matatantiya ninyo kung gaano kalayo dapat magsimula ang unang tao.)
Talakayan: Anong uri ng mga kilos sa ating mga buhay ang maaaring lumikha ng “mga kawing” na makatutulong sa iba na makilala ang mga pagpapala ng ebanghelyo?