“Tinipon sa Kanyang Liwanag: Pag-iwas sa Pagkaalipin,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2022.
Tinipon sa Kanyang Liwanag: Pag-iwas sa Pagkaalipin
Kapag namuhay ka nang matwid, hindi ka lamang makatatakas sa pagkaalipin ng kaaway, kundi magiging halimbawa ka rin ng pag-asa at liwanag sa iba.
Lahat tayo ay nakaramdam na ng pag-iisa minsan sa ating buhay. Sa katunayan, maaaring nakaramdam ka ng pag-iisa kamakailan. Ngunit ang kahanga-hanga sa ebanghelyo ay na, saan ka man naroon sa iyong espirituwal na paglalakbay, mararamdaman mo pa rin na kabilang ka. Maaaring totoo ito kahit kakaunti lamang ang mga miyembro ng Simbahan na malapit sa lugar mo.
Sa sarili naming pamilya, nanirahan kami nang 33 taon sa San Francisco Peninsula sa Estados Unidos. Sa palagay ko, kailanman ay hindi nagkaroon ng mahigit sa isang miyembro ng Simbahan sa mga klase sa high school ng aming mga anak.
Gayunpaman, sa mga taon na iyon, alam namin na tinipon kami ng Panginoon bilang bahagi ng sambahayan ni Israel. Naramdaman namin na kabilang kami habang ipinamumuhay namin ang ebanghelyo. Tulad ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, ang pagtitipon “ay hindi nakabatay sa kinaroroonan ninyo; ito’y batay sa katapatan ng tao. Ang mga tao ay maaaring ‘[dalhin] sa kaalaman ng Panginoon’ [3 Nephi 20:13] nang hindi nililisan ang kanilang sariling bayan.”1
Kapag ipinamumuhay mo ang ebanghelyo, tinitipon mo ang iyong sarili sa Panginoon. Kapag ginagawa mo ang iyong bahagi na tipunin ang iba sa ebanghelyo, isinasakatupran mo ang mahalagang gawain ng pagtulong sa Panginoon na tipunin ang Israel.
Pagtakas sa Pagkaalipin at Kasamaan
Kapag tinitipon natin ang ating mga sarili kay Cristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga turo, nararanasan natin ang kalayaan na tanging ang ebanghelyo lamang ang makapagbibigay—kalayaang makatanggap ng personal na paghahayag at maging kung ano ang nais ng Ama sa Langit na kahinatnan natin. Ang masamang pamumuhay ay maaaring humantong sa pagkaalipin at mga limitasyon, kapwa sa pisikal at sa espirituwal.2 Kapag tumutulong tayo na tipunin ang ating mga kaibigan at mahal sa buhay sa ebanghelyo, kabilang ang pagtulong sa kanila na gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa Diyos, matutulungan natin silang makahanap ng kalayaan mula sa maraming uri ng pagkaalipin.
Ang isang opera na nagustuhan ko ay naglalarawan ng alituntunin ng espirituwal at pisikal na pagkaalipin. Sa kanyang kabataan, naging interesado si Giuseppe Verdi sa propetang si Jeremias mula sa Lumang Tipan. Noong 1842, sa edad na 28, isinulat niya ang opera na Nabucco, na tumutukoy kay Nabucodonosor, ang hari ng Babilonia, na nabuhay noong panahon ni Jeremias.
Ang opera na ito ay tumatalakay sa pagkalupig ng Jerusalem at sa pagkabihag at pagkaalipin ng mga Judio, na bunga ng masamang pamumuhay (tingnan sa Jeremias 13:9–19). Ang Mga Awit 137 ang inspirasyon sa nakaaantig at nakapupukaw na “Chorus of the Hebrew Slaves” ni Verdi. Ang heading ng awit na ito sa ating mga banal na kasulatan ay labis na nakaaantig: “Habang bihag, ang mga Judio ay lumuha sa mga ilog ng Babilonia—Dahil sa lungkot, hindi nila makanta ang mga awitin ng Sion.”
Nilayon ng Diyos na maging malaya sa pagpili ng mabuti o masama ang kalalakihan at kababaihan. Kapag masasamang pagpili ang nangingibabaw na katangian ng isang kultura o bansa, ito ay may mabibigat na ibubunga kapwa sa buhay na ito at sa kabilang-buhay. Ang mga tao ay maaaring maalipin o mailagay ang sarili nila sa pagkabihag hindi lamang sa nakasisira, nakalululong na mga sangkap kundi maging sa nakasisira, nakalululong na mga pilosopiya na lihis sa matwid na pamumuhay. Makikita natin na nangyayari iyon sa ating panahon.
Dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya upang maiwasan ang kasalanan at paghihimagsik na humahantong sa pagkaalipin.3 Kapag ginagawa natin ito, nagiging karapat-dapat tayo sa inspirasyon habang tinutulungan natin ang Panginoon sa pagtitipon ng Kanyang mga hinirang at sa literal na pagtitipon ng Israel.
Kapag namuhay ka nang matwid, hindi ka lamang makatatakas sa pagkaalipin ng kaaway, kundi magiging halimbawa ka rin ng pag-asa at liwanag sa iba.
Paliwanagin ang Iyong Ilaw
Ikaw ba ay may mga kaibigan o mahal sa buhay na puno ng kalungkutan kaya hindi nila makanta ang mga awitin ng Sion, o maramdaman ang kagalakang hatid ng ebanghelyo?
Sa sarili mo mang tahanan o sa mga estranghero, pagdating sa pagbabahagi ng ebanghelyo, maaari kang maging mabuting impluwensya kapag tinatanggap at ipinamumuhay mo ang liwanag ng ebanghelyo.4 Subalit kung hindi alam ng mga tao na mahal mo sila, hindi ka magkakaroon ng gaanong epekto. Kaya nga kailangan nating hangarin na palaging mapuspos ng pagmamahal para sa iba. Kapag puspos ka ng pagmamahal para sa lahat ng anak ng Ama sa Langit, makikita ng lahat ang iyong liwanag. Ang liwanag na ito ay maaaring magkaroon ng malawakang epekto na higit pa sa maaari mong mapansin.
Sa pamamagitan lamang ng pagiging kung sino ka talaga at pamumuhay nang matwid, makaaakit ka ng iba na makapapansin sa iyo at sa paraan ng iyong pamumuhay. Magtatanim ito ng napakaraming binhi na maaaring magbunga nang marami sa paglipas ng panahon.5 Bago ka pa man umabot sa hustong gulang ng pagmimisyon, makatutulong ka na sa pagtatanim ng mga binhi, paghahanap ng mga hinirang, at pagtitipon sa kanila kay Cristo.
Maaari kang magsimula sa pagkakaroon ng pagmamahal at liwanag na ito sa sarili mong tahanan. Maaaring mahabang proseso ito, kaya huwag kang panghinaan ng loob dahil sa mga pagtatalo o argumento ng mga miyembro ng iyong pamilya. Ang pangmatagalang paggalang ay nangangailangan ng pangmatagalang pagsisikap. Mag-ukol ng oras na patibayin ang mga ugnayan ng pamilya. Maaari kang magsimula sa pagpapakita ng paggalang at pagkatutong umiwas sa pamimintas.
Sa tahanan, ang pamimintas ay isang uri ng lason na makasisira sa pagkakaisa. Kung may nagawang mali ang isang tao, tulad ng pagtabig ng pinggan mula sa mesa, hindi ito nangangailangan ng pagsisisi o pamimintas. Sa halip, ang kailangan lamang ay mahinahong pagtuturo. Dapat tayong matuto na maging mapagpasensya sa isa’t isa, lalo na sa ating mga pamilya. Sa palagay ko, kung ang tahanan ay magiging isang lugar kung saan walang pamimintas, mananagana ang pagmamahalan.
Matipon sa Kaligtasan
Muli, kapag tayo ay nasa pagkaalipin, nagiging limitado ang ating mga kilos. Ang solusyon ay maghanap ng kalayaan at liwanag at pagmamahal sa kaligtasan ng ebanghelyo. Ang pagkaalipin sa kasalanan ay magpaparamdam sa iyo na tila hindi mo makanta ang mga awitin ng Sion. Ngunit ang pagsisisi ay palaging nariyan. Maaari tayong matipon sa sambahayan ni Israel at makatulong sa iba na matipon sa kaligtasan kasama natin.
Kapag nananatili kang nakatuon sa ebanghelyo, sa Tagapagligtas, at sa templo, ginagawa mo mismo ang kinakailangan mong gawin. Maaari kang manirahan saanman sa mundo, maging sa lugar kung saan maliit lamang ang bilang ng mga miyembro ng Simbahan, at maging lubos na bahagi pa rin ng Simbahan at ng kaharian at ng pagtitipon. Hindi ka nag-iisa kailanman kapag ikaw ay nasa sambahayan ni Israel.