2022
Paano pa ako aasa kung hindi ko natatanggap ang mga pagpapalang inaasam ko?
Oktubre 2022


“Paano pa ako aasa kung hindi ko natatanggap ang mga pagpapalang inaasam ko?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2022.

Mga Tanong at mga Sagot

“Paano pa ako aasa kung hindi ko natatanggap ang mga pagpapalang inaasam ko?”

Manampalataya at Magtiwala

“Patuloy tayong makaaasa sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiwala natin sa Diyos. Kahit hindi tayo napagpapala ngayon, matatanggap natin ang mga pagpapalang iyon balang araw.”

Poerani S., 15, Tahiti

Magdasal para sa Kapanatagan

“Patuloy pa rin akong aasa sa pamamagitan ng taimtim na pagdarasal sa Ama sa Langit para sa kapanatagan. Maaari rin akong magbasa ng mga mensahe sa kumperensya o mga patotoo mula sa ibang tao na nakaranas ng gayon ding sitwasyon, upang makita ko kung paano nila nagawang patuloy na umasa.”

Heinarii S., 16, Tahiti

Magtuon kay Jesucristo

binatilyo

“Mahalagang magkaroon ng pag-asa, lalo na kapag nakatuon ang pag-asang iyon kay Jesucristo. Kung minsan, ang mga pagpapalang inaasam natin ay hindi dumarating ayon sa gusto natin. Kapag umaasa tayo sa Panginoon—at hindi lamang sa mga pagpapalang nais nating matanggap mula sa Kanya—tatanggap tayo ng higit pa sa inaasahan natin.”

Nilton R., 19, Argentina

Magkaroon ng Walang-Hanggang Pananaw

dalagita

“Kung minsan, malungkot ang buhay ngunit ayos lamang iyon. Magpatuloy at magkaroon ng walang-hanggang pananaw. Nakatutulong ang pagkakaroon ng positibong saloobin. May pagkakataon na hindi ako nakasali sa basketball team ng paaralan at masakit ito para sa akin. Ngunit sa paglipas ng taon, napagtanto ko na mas nahirapan siguro ako kung nakasali ako sa basketball team. Unawaing mabuti at tingnan ang maliliit na pagpapalang nagmumula rito.”

Candice N., 16, Utah, USA

Dapat Mong Malaman na May Plano Siya

binatilyo

“Patuloy akong umaasa dahil alam kong mahal pa rin ako ng Ama sa Langit at pinagpapala Niya ako sa iba pang mga paraan. Bago pumanaw ang aking kapatid, ipinagdasal ko na mabuhay siya, ngunit alam ko na may ibang plano ang Ama sa Langit para sa kanya at sa akin. Biniyayaan ako ng Ama sa Langit ng kapayapaan, at alam kong makikita kong muli ang aking kapatid.”

Aaron P., 12, Utah, USA

Ibinibigay sa Atin ng Diyos ang Kailangan Natin

“Nakatutulong sa akin ang pag-alaala na ibibigay ng Diyos ang kailangan natin, hindi palaging ang gusto natin. Makikita natin ang mga halimbawa ng mga tao sa mga banal na kasulatan na hindi natanggap ang mga pagpapalang gusto nila ngunit kalaunan ay natanggap ang mga pagpapalang talagang kailangan nila—mga pagpapalang tamang-tama para sa kanila.”

Maria B., 18, Uruguay