“Ang Teknolohiya, ang Pagtitipon, at Ikaw,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2022.
Tulong sa Buhay
Ang Teknolohiya, ang Pagtitipon, at Ikaw
Bahagi ka ng batalyon ng mga kabataan ng Panginoon. At maaaring makatulong ang teknolohiya!
Alam mo kapag nakakita ka ng dalawang bagay na talagang akmang-akma sa isa’t isa, tulad ng perpektong timpla ng peanut butter at tsokolate, o chips at salsa? Ang kumbinasyon ay nagdudulot ng matinding kagalakan!
Inanyayahan tayo ng ating propeta na tipunin ang Israel, na makiisa sa “pinakamalaking hamon, pinakamagiting na layunin, at pinakadakilang gawain sa mundo.”1 Ano ang mangyayari kapag pinagsama ang gawain ng pagtitipon ng Israel at ang teknolohiya?
Nang anyayahan ka ni Pangulong Russell M. Nelson na tumulong na tipunin ang Israel, nagbigay siya ng ilang paanyaya. Tingnan natin ang limang alituntuning batay sa mga paanyayang ito, habang isinasaisip ang teknolohiya.
1 Magdiskonekta upang Makakonekta
Ang unang paanyaya ng ating propeta ay mag-ayuno nang pitong araw mula sa social media. Nagustuhan ko ang paggawa nito! Kung minsan, kailangan nating alisin ang lahat ng gambala at ingay upang makarinig tayo nang mabuti.
Kapag nag-uukol ako ng oras na tumahimik, nararamdaman ko ang kapayapaan ng Espiritu Santo. At kadalasan, may dumarating na pahiwatig tungkol sa isang tao na kailangan ng Ama sa Langit na paglingkuran ko. Ang pagdiskonekta sa social media upang makakonekta sa Espiritu ay makapagbibigay sa iyo ng mga bagong ideya at direksyon.
2 Magsakripisyo nang Kaunti upang Makapagbigay nang Marami
Ang pangalawang paanyaya ni Pangulong Nelson ay “magsakripisyo ng oras linggu-linggo para sa Panginoon,” at “tigilan ang paggawa ng isang bagay na gusto ninyong gawin at gamitin ang oras na ito upang tumulong na tipunin ang Israel.”2
Habang iniisip mo kung ano ang maaari mong itigil, ituring mo rin itong pagtulong sa Panginoon at sa Kanyang gawain. Maaari mo bang itigil ang panonood ng pinakabagong dance video at ibigay ang oras na iyon sa teknolohiya para sa indexing, family history, pag-aaral ng ebanghelyo, o pagbabahagi sa iba ng natutuhan mo?
Ipinapangako ko na ang inaakala mong isinasakripisyo mo ay hindi maikukumpara sa mga pagpapalang matatanggap mo.
3 Manatiling Matatag
Ang kasunod na paanyaya ni Pangulong Nelson ay gumawa ng “masinsinang pagtatasa ng inyong buhay sa Panginoon”3 upang matiyak na ikaw ay nasa landas ng tipan. Bahagi ng pagtitipon ng Israel ang pagsisikap mong mas mailapit ang iyong sarili sa Tagapagligtas!
Maraming mabubuting bagay sa internet. Ngunit alam din natin na marami itong nakapipinsalang nilalaman. Ang ibig sabihin ng manatiling matatag ay maging maingat at mapagbantay. Kapag pinakikinggan mo ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo, malalaman mo kung ang isang bagay ay hindi angkop, nakapipinsala, o pagsasayang lamang ng oras. Hilingin sa Ama sa Langit na dagdagan ang iyong kakayahang makahiwatig at bigyan ka ng lakas na talikuran o iwaksi ang mga iyon.
4 Magmasid at Tumulong
Ang kasunod na paanyaya sa atin ng ating propeta ay “ipagdasal ninyo araw-araw na matanggap ng lahat ng mga anak ng Diyos ang mga biyaya ng ebanghelyo ni Jesucristo.”4 Oo, inanyayahan ka niya dahil bahagi ka ng dakilang gawaing ito, at nakagagawa ng kaibhan ang iyong mga panalangin.
Alisin ang tingin sa iyong telepono at masdan ang mga nasa paligid mo. Bumaling sa langit upang humingi ng direksyon kung paano ka makatutulong. Pagkatapos ay tumulong—sa pamamagitan man ng video, text, post, tawag, o pakikipag-usap—at gawin ang iyong mga ipinagdasal at ang mga ipinahiwatig ng Panginoon sa iyo.
5 Maging Liwanag
Panghuli, inanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na “mamukod-tangi. Maging kaiba. Maging liwanag.”5 At kabilang doon kung paano mo ginagamit ang teknolohiya! Tandaan, ikaw ay anak ng mga magulang sa langit, na may banal na katangian at walang hanggang tadhana. Paliwanagin mo ang iyong ilaw sa bawat sitwasyon at kalagayan.
Tinapos ni Pangulong Nelson ang kanyang mga paanyaya sa paalala na “kayo ay kabilang sa mga pinakamahusay na ipinadala ng Panginoon sa mundong ito. Mayroon kayong kapasidad na maging mas matalino at mahusay at magkaroon ng [mas malaking] epekto sa mundo kaysa [sa] naunang mga henerasyon!”6
Kapag ginagamit mo ang teknolohiya para sa kabutihan, magiging mahalagang bahagi ka ng batalyon ng Panginoon na nagsusumikap na tipunin ang Israel. Kailangan ng mundo ang iyong kabutihan at ang liwanag ng Panginoon! Ngayon, iyon ang pinakamalakas na kumbinasyon!