2022
Maging Mas Masaya Tayo, Maaari Ba?
Oktubre 2022


“Maging Mas Masaya Tayo, Maaari Ba?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2022.

Maging Mas Masaya Tayo, Maaari Ba?

Kung minsan, ang mabuting katatawanan ay makatutulong sa iyo na harapin ang mahihirap na pangyayari sa buhay at sabihing, “Hindi mo ako mapapasuko—at teka, may tinga ka sa iyong ngipin.”

aso

Mahilig tumawa ang mga tao. At maganda iyon, dahil kadalasan ay nakakatawa ang buhay. Narito ang isang halimbawa:

Ang autocorrect ay isang software feature sa mga ponetikong wika na nakatutukoy ng mga maling pagbabaybay ng mga salita at pinapalitan ang mga ito ng tamang pagbabaybay habang nagta-type ka. Maaaring kapaki-pakinabang ito, ngunit nagdudulot din ito ng maraming katatawanan.

Isang dalagita na nagngangalang Megan ang nagnais na magpadala ng larawan ng kanyang aso sa isang kaibigan at sabihing gustong mangumusta ng kanyang aso. (Ganoon talaga si Megan—mahilig magpatawa.) Nakialam ang autocorrect. Kaya, sa halip na “Kumusta,” ang sinabi ng kanyang aso ay, “Juice.” Maaaring nagtaka ang kaibigan ni Megan kung bakit sasabihin ng aso iyon, kaya nagpadala si Megan ng ilang nakatawang emoji at ipinaliwanag niya ang nangyari.

Isang binatilyo na nagngangalang Kyle ang may swipe-to-type feature na palaging pinapalitan ang “tungkol” ng “pumukol.” “Siyempre, maaaring iba ang maging dating niyon,” sabi ni Kyle. “Ang ‘Ano ang tingin mo tungkol kay Joey?’ ay biglang naging ‘Ano ang tingin mo [na] pumukol kay Joey?’” Naku! Kailangang maging maingat si Kyle na walang “mapukol” na sinuman. Ngunit tinawanan na lamang niya ito.

Isa pang binatilyo na nagngangalang Ben ang nag-text sa kanyang mga kaibigan at sinubukang isulat ang, “Kahit ako,” ngunit ang naipadala ay “Burger ako.” Kakaiba talaga. Ngunit ginawa na lamang nila itong katatawanan. “Lahat kami ay nagpadala sa isa’t isa ng mga larawan ng cheeseburger,” sabi ni Ben.

hamburger

Bakit Kailangan ang Katatawanan?

Ang pagharap sa buhay nang may mabuting katatawanan ay maaaring magdulot ng mga positibong epekto. Halimbawa, ang mga kamalian na ito dahil sa autocorrect ay maaaring makatulong sa mga tao na maging mas mapagpakumbaba at mapagpatawad at hindi agad manghusga.

Ang mabuting katatawanan ay maaaring maging therapeutic. Maaari nitong mapagaan ang buhay. Sinabi minsan ng isang Apostol: “Sa susunod na matukso kayong maghinagpis, subukan na lang ninyong tumawa. Pahahabain nito ang buhay ninyo at mas mapapasaya ninyo ang buhay ng lahat ng nasa paligid ninyo.”1

Ang Magagawa ng Mabuting Katatawanan

Nakasaad sa mga banal na kasulatan na “sa bawat bagay ay may kapanahunan,” kabilang ang “panahon ng pagtawa” (Eclesiastes 3:1, 4). Kapag isa ito sa mga panahong iyon, may mga positibong bagay na magagawa ang mabuting katatawanan na makatutulong sa iyo. Narito ang tatlo lamang.

lobo
  1. Inaalis ang tensyon. Kapag ang mga tao ay stressed o balisa, ang kaunting mabuting katatawanan ay maaaring maging parang labasan ng tensyon sa buhay. Hindi ito ang lunas sa lahat, ngunit isa itong kilalang paraan upang matulungan ang mga tao na pakalmahin ang kanilang mga emosyon.

  2. Nagbibigay ng mas magandang pananaw. Kung minsan, kailangan nating sundin ang payo na “maging mas masaya.” Sa mabuting katatawanan, maaalala natin kung ano ang tunay na mahalaga sa buhay. May mga bagay lamang talaga na hindi na dapat ikasama ng loob.

  3. Pinatitibay ang ugnayan ng mga tao. Ang pagbabahagi ng mabuting katatawanan ay karanasang nag-uugnay sa mga tao. Mapatitibay nito ang mga ugnayan. Makatutulong ito sa mga tao na maramdamang kabilang sila.

Paano Magkaroon ng Mabuting Katatawanan

Ang mabuting katatawanan ay hindi lamang tungkol sa pagbibiro. Ito ay tungkol sa pagpapanatag sa iyong sarili at sa iba. Narito ang ilang ideya sa pagkakaroon ng mabuting katatawanan (habang sinusunod ang mga alituntunin sa talahanayan sa ibaba).

  • Alalahanin ang isang bagay na nagpatawa sa iyo. Pagkatapos ay sabihin ito sa isang tao.

  • Kapag napahiya ang isang tao, magkuwento sa kanya ng isang pagkakataon na gayon din ang naramdaman mo—at kung paano mo ito nalagpasan. Kung masasabi mo ito sa nakakatawang paraan, gawin ito.

  • Masdan ang mga sanggol at maliliit na bata, lalo na kapag tumatawa sila. Seryoso. Talagang nakakatawa sila. Sikaping makahanap ng gayon ding dalisay na kagalakan sa buhay.

batang babae at batang lalaki na nagtatawanan