2022
Tumingin sa Langit
Oktubre 2022


“Tumingin sa Langit,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2022.

Tumingin sa Langit

Ang paghahanap ng mga asteroid at exoplanet ay isang paraan lamang na naitutuon ni Laysa P. ng Brazil ang kanyang paningin sa langit.

dalagita

Mga larawang-guhit ni Peter Bollinger; mga larawang kuha ni Barbara Leite

Ang pagtingin sa langit sa gabi ay kadalasang nagpapamangha sa mga tao—ang lahat ng bituing iyon, ang buong kalawakang iyon. Noon pa man ay mahilig nang tumingin sa langit si Laysa P., 18, ng Minas Gerais, Brazil.

Simula bata pa, “Nais ko nang malaman ang tungkol sa sansinukob at kung paano gumagana ang mga bagay-bagay,” sabi niya. Gustung-gusto niya ang astronomiya, Star Wars [Digmaan sa Kalawakan], at Star Trek [Paglalakbay sa Kalawakan]. Pinanood niya ang Cosmos [Sansinukob] ni Carl Sagan at binasa niya ang mga aklat ni Stephen Hawking.

Humantong ang pag-uusisa na iyon sa isang kapana-panabik na paglalakbay patungo sa mga bituin—bagama’t hindi siya pumunta sa kalawakan.

Mga Paggalaw sa Kalawakan

Si Laysa ay kabilang sa isang grupo ng mga mahilig sa astronomiya sa Brazil. Isang araw, may isang miyembro ng grupo na nagbahagi ng isang link tungkol sa isang oportunidad na magsuri ng mga imaheng kuha ng teleskopyo upang maghanap ng mga asteroid para sa NASA. Nag-sign up si Laysa.

“Nagpadala sila ng mga imahe mula sa Pan-STARRS telescope sa University of Hawaii,” paliwanag niya. “Ginamit ko ang astrometric software upang suriin ang mga imaheng ito, at naghanap ako ng mga paggalaw na mayroong mga katangian ng asteroid.”

Pagkatapos magsiyasat ng mga imahe at magpadala ng mga ulat para sa pagsusuri, isang araw ay nakatanggap siya ng kumpirmasyon. Nakahanap siya ng asteroid. Sa ngayon, tinatawag itong LPS0003. Ngunit kalaunan ay magkakaroon siya ng pagkakataong pumili ng permanenteng pangalan para rito.

dalagita

Dahil dito, nais niyang magkaroon ng iba pang karanasan na tulad nito. “Gusto kong makahanap ng ilang exoplanet,” sabi niya. “Isa ito sa pinakamalaking pangarap ko.”

Napatindi rin nito ang kanyang hangaring ipagpatuloy ang pag-aaral niya ng siyensya. Kasalukuyan siyang kumukuha ng bachelor’s degree sa physics sa isang federal university.

Ngunit hindi lamang ang astrophysics ang tumutulong kay Laysa na ibaling ang kanyang paningin sa langit.

Malikhaing Kalawakan

Bagama’t ipinagmamalaki ni Laysa na isa siyang science geek, sinabi niya na ang salitang pinakamainam na naglalarawan sa kanya ay malikhain.

“Ang musika ay malaking bahagi ng pagkatao ko,” sabi niya. Tumutugtog na siya ng musika mula pa noong bata siya—una ang piyano at pagkatapos ay biyolin, na tinutugtog niya ngayon sa isang state orchestra. At gustung-gusto niya ang buwanang assignment na ibinibigay ng tagakumpas na magsulat ng isang maikling piyesa ng musika.

dalagitang tumutugtog ng piyano
dalagitang tumutugtog ng biyolin

Ang literatura ay nakapupukaw rin ng kanyang pagkamalikhain. “Mahilig akong magbasa ng mga klasikong aklat mula sa iba’t ibang panig ng mundo,” sabi niya. “At mahilig akong magsulat ng mga kuwento at tula. Palagi akong may isinusulat.”

Ang pagnanais na ito na lumikha ay bahagi ng kanyang pananaw sa buhay. “Talagang naniniwala ako sa kapangyarihan ng pagkamalikhain at imahinasyon,” sabi niya. “Gustung-gusto kong maging malikhain sa lahat ng aspeto ng buhay ko, maging sa physics.”

At ang pagkamalikhaing ito ay tumutulong sa kanya na tumingin sa langit. “Kapag lumilikha ako ng mga bagay-bagay, mas napapalapit ako sa aking Tagapagligtas at sa aking Tagapaglikha. Naaalala ko ang aking Ama sa Langit at ang kaalamang ibinigay Niya sa akin, ang mga pagkakataong ito na matuto, at lubos akong nagpapasalamat.”

Pagtingin sa Langit para sa Tulong at Patnubay

Para kay Laysa, ang pinakamahalagang paraan na naibabaling niya ang kanyang paningin sa langit ay sa pamamagitan ng regular na pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Halimbawa, habang naghahanda siya para sa university entrance exam, “ang unang ginawa ko ay magdasal at magbasa muna ng mga banal na kasulatan,” sabi niya. “Nakita ko na tinutulungan ako ng Panginoon na matuto, na maging mas nakatuon.”

Nabigyang-inspirasyon siya ng halimbawa ni Nephi. Nang hindi manalangin ang kanyang mga kapatid dahil hindi sila naniniwalang makatatanggap sila ng mga sagot, ipinaalala sa kanila ni Nephi ang pangako ng Panginoon: “Kung hindi ninyo patitigasin ang inyong mga puso, at magtatanong sa akin nang may pananampalataya, naniniwalang makatatanggap kayo, nang may pagsusumigasig sa pagsunod sa aking mga kautusan, tiyak na ipaaalam sa inyo ang mga bagay na ito” (1 Nephi 15:11).

“Nang mabasa ko ito, nabigyang-inspirasyon akong itanong sa aking Ama sa Langit kung ano ang gusto kong malaman, kung ano ang kailangan kong malaman para sa aking buhay at sa sandaling iyon,” sabi ni Laysa.

Sinabi niya na ang pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay “tumutulong sa akin na maging matatag at magkaroon ng magandang pananaw sa hinaharap.” Alam niya na nariyan ang Diyos upang gabayan at tulungan siya.

dalagita

Pagtulong sa Iba na Tumingin sa Langit

Habang lalo siyang pinagpapala sa pagtingin sa langit, mas ninanais ni Laysa na tulungan ang iba na gawin din iyon—simula sa sarili niyang tahanan.

“Gusto kong tulungan ang aking pamilya, lalo na ang nakababata kong kapatid na lalaki, na sundin si Jesucristo,” sabi niya. Si Laysa, ang kanyang kapatid na lalaki, at ang kanilang lola lamang ang aktibo sa Simbahan. Kaya ang pagpapakita ng mabuting halimbawa at pagtulong sa kanyang pamilya “ay isa sa pinakamalaking mithiin ko sa buong buhay ko,” sabi niya.

Gustung-gusto rin niyang ibinabahagi ang ebanghelyo sa kanyang mga kaibigan. Isa sa kanyang mga kaibigan ang nabinyagan matapos siyang anyayahan ni Laysa na magpaturo sa mga misyonero. “Gusto ko itong gawin sa buong buhay ko,” sabi niya, “ang ibahagi sa ibang tao ang inspirasyon at kaalaman na mayroon tayo. Kailangan nila ang kaligayahan, kapanatagan, at mga sagot na ito na mayroon tayo.”

Kaya hindi na nakakagulat na plano niyang magmisyon kapag 19 na taong gulang na siya upang maibahagi niya ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mas marami pang tao.

At nais niyang gawin ang kanyang family history upang makatulong din siya na tipunin ang Israel sa kabilang panig ng tabing. Nakapunta na siya sa Campinas Brazil Temple at nasasabik na siya para sa ibinalitang templo na mas malapit sa kanilang tahanan sa Bela Horizonte.

si Jesucristo na nakasakay sa bangka, habang nakatingin sa mga bituin

Calm and Stars [Kapayapaan at mga Bituin], ni Yongsung Kim, Havenlight.com

Patuloy na Tumingin sa Langit

Kung makapagbabahagi si Laysa ng isang mensahe sa lahat, ang sasabihin niya ay: “Huwag sumuko.”

“Huwag sukuan ang mga bagay na mahal ninyo, ang mabubuting bagay na gusto ninyo,” sabi niya. “Kapag patuloy tayong nagsikap, kapag patuloy tayong nanampalataya at nag-aral, makaaasa tayo sa tulong ng Panginoon.”

Nakita na niya ito sa kanyang pamilya. Noong siya ay 10 taong gulang, hinilingan siyang magbigay ng patotoo tungkol sa binyag sa pagtatanghal ng Primary sa sacrament meeting. Ang problema lamang ay hindi pa siya nabibinyagan noon. Hindi pa siya pinapayagan ng kanyang ina. Kaya hindi sigurado si Laysa kung ano ang sasabihin niya sa kanyang patotoo, ngunit nagpatuloy siya. Pagkatapos ay nangyari ang isang himala. “Ang aking ina ay nasa simbahan noong araw na iyon,” sabi ni Laysa. “Hindi ko inasahan na pupunta siya. Noong araw na iyon, pinayagan niya akong magpabinyag.”

“Malaki na ang naging pag-unlad ng aming pamilya pagdating sa ebanghelyo,” sabi niya. Nabinyagan na ang kanyang kapatid na lalaki. Nagbabasa pa nga sila ng mga banal na kasulatan kasama ang kanilang ina, at kung minsan ay nagsisimba rin ito.

Dahil sa mga karanasang tulad nito, alam ni Laysa na “ang Diyos ay makagagawa ng mga himala sa ating mga buhay.”

“Naniniwala ako na gayon lamang ito kasimple—huwag sumuko, at magtiwala sa Panginoon,” sabi niya. “Dadalhin Niya tayo sa isang lugar na hindi natin sukat-akalain.”