2022
Paano Iiwasan ang Maiiwasang Kalungkutan
Oktubre 2022


“Paano Iiwasan ang Maiiwasang Kalungkutan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2022.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Jeremias; Mga Panaghoy

Paano Iiwasan ang Maiiwasang Kalungkutan

Itinuro sa atin ng sinauna at makabagong propeta na ang pagbaling sa Diyos ang pinakamainam na gawin sa tuwina.

babaeng nakapayong sa gitna ng ulan

Mga larawang-guhit ni Michael Mullan

“Parating na ang pagkawasak!”

Isang mensaheng napakahirap sabihin! Gayunpaman, kailangan itong sabihin. Ang mga tao ng Jerusalem ay tumalikod na sa Diyos, tumanggi sa Kanyang mga propeta, at namuhay sa kasalanan at pagsuway. Nais ng Diyos na malaman nila na sinubukan Niya na tulungan sila, ngunit ngayon ay parating na ang mga kakila-kilabot na bunga ng mga ginawa nila.

Tinawag ng Diyos si Jeremias upang balaan ang mga tao. Mahirap ang gawaing ito dahil walang nakinig. Sa huli, humantong ang laganap na kasamaan sa pagkawasak ng Jerusalem at ang mga tao ay dinalang bihag sa Babilonia.

Ang Kapangyarihan ng mga Pagpili

karatula sa kalsada

Kung minsan, ang kalungkutan ay nagmumula sa mga pangyayaring hindi natin kayang kontrolin o sa mga pagpili ng iba. Ngunit maraming kalungkutan ang maiiwasan sa pamamagitan ng mga pagpiling ginagawa natin.

Nagbabala si Jeremias sa mga tao na hahantong sa kalungkutan ang pagpili nilang talikuran ang Diyos at balewalain ang Kanyang mga turo. Sa kabutihang-palad tinutulungan tayo ng mga banal na kasulatan at ng mga salita ng mga makabagong propeta na malaman kung anong mga pagpili ang hahantong sa kagalakan at makatutulong sa atin na iwasan ang maiiwasang kalungkutan. Narito ang ilang halimbawa:

Sundin ang Salita ng Diyos

mga bakas ng paa

Sa pamamagitan ni Jeremias, sinabi ng Diyos sa mga tao ng Jerusalem na “tinalikuran nila ako, ang bukal ng mga tubig na buhay” (Jeremias 2:13). Ang tubig ay mahalaga upang maipagpatuloy ang pisikal na buhay. Sa mga banal na kasulatan, ang tubig ay simbolo ni Jesucristo at ng Kanyang mga turo, na mahalaga para sa buhay na walang hanggan.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na kapag sinusunod natin ang salita ng Diyos, “binibigyan tayo ng Diyos ng huwaran para sa tagumpay, kaligayahan, at kagalakan sa buhay na ito. …

“… Ipinapangako ko na pagpapalain kayong magkaroon ng ibayong kapangyarihan na harapin ang mga tukso, paghihirap, at kahinaan. Ipinapangako ko na magkakaroon ng himala sa relasyon ninyo … bilang pamilya, at sa gawain sa araw-araw. At ipinapangako ko na ang inyong kakayahang magalak ay madaragdagan kahit tumindi ang mga ligalig sa inyong buhay.”1

Ang Pagpapala ng Regular na Pagsisisi

batang lalaking nagdarasal

Ang malaking problema sa mga tao noong panahon ni Jeremias ay nagkukunwari silang tapat sa Diyos, kahit na hindi naman talaga (tingnan sa Jeremias 3:10; 7:8–11). Tinitingnan ng Diyos ang mga hangarin ng ating mga puso. Paano natin matitiyak na tapat tayo sa pagsunod sa Kanya?

Sinabi ng Panginoon kay Jeremias na maaari nating “baguhin [ang ating] mga lakad at ang [ating] mga gawa” (Jeremias 7:3). Sa madaling salita, maaari tayong magsisi. Hinikayat tayo ni Pangulong Nelson na magkaroon ng “regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi.” Sinabi niya: “Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. … [Ito ay] paggawa at pagiging mas mabuti sa bawat araw. …

“Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating magbago! Tinutulutan natin ang Tagapagligtas na baguhin tayo at gawin tayong pinakamabuting bersyon ng ating sarili. Pinipili nating umunlad sa espirituwal at magkaroon ng … kagalakan na matubos Niya. Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating maging higit na katulad ni Jesucristo!”2

Sundin ang Propeta

Russell M. Nelson

Ang mga turo ni Jeremias ay madalas na hindi tinatanggap. Ganoon din ang nangyari sa mga propeta sa buong kasaysayan. Nagbababala sila sa atin tungkol sa mga espirituwal na panganib ng hindi pagtanggap o pagbaluktot sa mga katotohanan ng ebanghelyo upang maging mas kaakit-akit o katanggap-tanggap ang mga ito.

“Ang katotohanan ay katotohanan,” sabi ni Pangulong Nelson. “Ang katotohanan ay batay sa mga batas na itinakda ng Diyos.” Sinabi rin niya: “Dahil sa malalim naming minamahal ang lahat ng anak ng Diyos kung kaya’t ipinapahayag namin ang Kanyang katotohanan. Maaaring hindi namin palaging sinasabi sa mga tao kung ano ang gusto nilang marinig. Ang mga propeta ay bihirang maging popular. Ngunit palagi naming ituturo ang katotohanan!”3

Tulong sa Buhay

batang babae sa arawan

Kung minsan, ang mga bagay na kinakaharap natin ay mahirap. Tiyak na ganoon ang naramdaman ni Jeremias. Nang tawagin siya ng Diyos na maging propeta, hindi sigurado si Jeremias sa kanyang mga kakayahan. Ipinaliwanag ng Diyos na kilala na Niya si Jeremias bago pa man ito isinilang at ito ay Kanyang inorden noon pa man, o pinili, at tinulungan na maghanda para sa misyon nito (tingnan sa Jeremias 1:5).

Kilala ka rin ng Diyos. Kapag bumaling ka sa Kanya, tutulungan ka Niya na iwasan ang kalungkutang nagmumula sa kasalanan at pagsuway. Bibigyan ka Niya ng lakas na maisakatuparan ang kailangan Niyang ipagawa sa iyo, anumang karanasan o pagsubok ang dumating sa iyong buhay.