2022
Ang Aking Pagsisikap na Mapaglabanan ang Pagkabalisa sa Simbahan
Oktubre 2022


“Ang Aking Pagsisikap na Mapaglabanan ang Pagkabalisa sa Simbahan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2022.

Mga Saligang Kaytibay

Ang Aking Pagsisikap na Mapaglabanan ang Pagkabalisa sa Simbahan

dalagita sa simbahan

Larawang-guhit ni Melissa Manwill

Palagi akong nababalisa. Noong 17 taong gulang ako, napansin ko na madalas akong atakihin ng pagkabalisa sa simbahan.

Palaging sinasabi sa akin na kung ako ay magbabasa ng mga banal na kasulatan, magdarasal, at magsisimba, magiging masaya ako. Ngunit hindi iyon ang nangyayari sa akin. Maayos ang pakiramdam ko sa unang ilang minuto ko sa simbahan, ngunit maya-maya ay bigla na lamang akong aatakihin ng pagkabalisa.

Tinulungan ako ng aking bishop na mapagtanto na ang mga espirituwal na inaasahan ko sa aking sarili ang maaaring sanhi nito. Akala ko kailangan ko ring magkaroon ng mga mahimalang espirituwal na karanasan tulad ng narinig ko noon. Sang-ayon ako na maaaring ang bagay na ito ang dahilan kaya paulit-ulit akong inaatake ng pagkabalisa.

Isang araw, may nagtanong sa akin, “Bakit nagsisimba ka pa rin?” Nagulat ako. Bakit nga ba nagsisimba pa rin ako? Hindi ako pinilit na magsimba. Wala akong natanggap na anumang mahimalang pagpapala. Ngunit napagtanto ko na nagsisimba pa rin ako dahil alam kong totoo ang Simbahan at nais ng Ama sa Langit na magsimba ako. Nadaig ng aking pagmamahal para sa Kanya ang aking hangaring hindi na makaramdam ng pagkabalisa.

Kung minsan, gusto kong makatanggap kaagad ng mga pagpapala mula sa Ama sa Langit. Akala ko pagpapalain Niya ako na hindi na gaanong atakihin ng pagkabalisa dahil nagsisimba ako. Ngunit natutuhan ko na hindi ganoon iyon. Kadalasan, kailangan kong tiisin ang pagkabalisa at magsimba muna bago ko makita ang Kanyang mga pagpapala.

Ngayon, napagtanto ko na maaari rin akong humingi ng tulong mula sa aking mga magulang at sa mga propesyonal sa medisina. Nakararanas pa rin ako ng masasamang araw, ngunit hindi ako nakokontrol ng mga ito. Sa halip, tinutulungan ako ng mga ito na patunayan sa aking Ama sa Langit na mahal ko Siya at na mapaglalabanan ko ang hamong ito sa tulong Niya.

Sa Halamanan ng Getsemani, itinanong ni Jesucristo kung maaaring alisin ang mga pagsubok sa Kanya, ngunit sa lubos na pagsunod sa ating Ama sa Langit, tiniis Niya ang pinakamatinding pagsubok sa lahat. Dahil dito, alam kong bibigyan Niya rin ako ng lakas upang matiis ang aking mga pagsubok.

Heidi L., Hawaii, USA