“Paglilingkod sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2022.
Ang Tema at Ako
Paglilingkod sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon
“Sinisikap ko na … [maglingkod] sa iba sa Kanyang banal na pangalan.”
Noong bata pa ako, nagkaroon ako ng kaibigan na hindi miyembro ng Simbahan. Siya at ang kanyang pamilya ay naanyayahan na noon sa simbahan, ngunit hindi sila interesado. Ipinagdasal ko ito at naramdaman kong dapat akong pumunta sa kanilang bahay at magbigay sa kanila ng kopya ng Aklat ni Mormon.
Kinabukasan, nagbigay ako ng Aklat ni Mormon sa aking kaibigan at sa kanyang pamilya at itinanong ko kung handa silang magbasa ng kahit isang kabanata lamang. Umuwi ako at sinabi ko sa aking ina na hindi ako sigurado kung gagawin nila iyon. Kalaunan, itinanong ng aking kaibigan kung gusto kong magpalipas ng gabi sa kanyang bahay. Habang naroon, sinabi ng kanyang pamilya na nagbasa sila nang kaunti mula sa Aklat ni Mormon ngunit pakiramdam nila hindi pa ito ang tamang panahon upang malaman ang iba pa tungkol sa Simbahan.
Sa hapunan, itinanong ng ama ng aking kaibigan kung ano ang karaniwang ginagawa ng mga miyembro ng Simbahan bago kumain. Ipinaliwanag ko na nagdarasal tayo upang mabasbasan ang pagkain. Itinanong niya kung maaari akong magdasal. Nagulat ako! Ngunit nasabik din ako na ibahagi kung ano ang pinaniniwalaan ko. Pinasalamatan nila ako para sa aking pagdarasal, at sinabi ng aking kaibigan na habang nagdarasal ako, may naramdaman siya na nagpasaya sa kanya. Pinag-usapan namin sa hapunan ang tungkol sa pagdarasal at sa iba pang pinaniniwalaan ko.
Kinaumagahan sa almusal, nagdasal ang ama ng aking kaibigan upang mabasbasan ang pagkain. Pagkatapos ay binanggit niya na nagdasal din siya bago matulog noong nakaraang gabi.
Bagama’t hindi pa sila sumasapi sa Simbahan, nakikipag-ugnayan pa rin ako sa kanila at sinasagot ko ang kanilang mga tanong tungkol sa Simbahan at hinihikayat ko silang basahin ang Aklat ni Mormon.
Masaya ako na maaari akong maging misyonero at makatulong sa kanila na maramdaman ang Espiritu. Alam ko na sa pamamagitan ng paglilingkod at pagtulong sa kanila na maramdaman ang Espiritu, natulungan ko silang mas mapalapit kay Cristo.
Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.