“Gawing Mas Makalangit ang Tahanan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2022.
Ang Tema at Ako
Ibinahagi ng mga kabataan kung paano nila ipinamumuhay ang mga salita sa Mga Tema ng Young Women at Korum ng Aaronic Priesthood
Gawing Mas Makalangit ang Tahanan
“Maghahanda ako na maging … tapat na asawa, at mapagmahal na ama sa pamamagitan ng pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo.”
Sa pagpapamuhay ng ebanghelyo, natututo akong maglingkod sa iba—lalo na sa pamilya. Kapag tinutulungan ko ang aking ina, hindi na siya gaanong nahihirapan, at mas gumagaan ang gawain niya.
Palaging sinasabi sa amin ng aking ina na panatilihing maayos ang bahay. Maaaring mahirap ito kung pito kayo sa pamilya, ngunit kapag maayos at malinis ang ating bahay, mararamdaman nating mas malapit tayo sa Diyos.
Itinuturo ng mga propeta na ang pinakamainam na lugar upang matutuhan natin ang tungkol sa ebanghelyo ay sa ating tahanan. Karaniwan, pinag-aaralan namin ang mga banal na kasulatan bilang isang pamilya. Kung minsan, mahirap ito, ngunit sa aming pagsisikap ay nagagawa naming mag-aral. Nakatutulong ito na mas makasama namin ang Espiritu sa aming tahanan at mapaglabanan namin ang mga pag-atake ng mundo sa mga pamilya.
Ang isa pang bagay na talagang nagpapalakas sa aming pamilya ay paggawa ng mga aktibidad nang magkakasama. Maaaring simpleng bagay lamang ito tulad ng pag-upo sa harap ng aming bahay upang mag-usap o lumabas upang kumain. Kapag ginagawa namin ito, maganda ang pakiramdam ng lahat, at nagiging mas matibay ang aming mga ugnayan.
Nalaman ko na malaki ang responsibilidad ng isang priesthood holder. Marami akong magagawa upang mapaglingkuran at mapagpala ang aking mga kapitbahay at lalo na ang aking pamilya sa pamamagitan ng priesthood. Mahalaga ring maging responsable ako sa aking tungkulin. Sa tuwing tatanggap ako ng tawag na maglingkod, sinisikap kong magampanan ito sa abot ng aking makakaya. Alam ko na ganito rin ang gagawin ko kapag natanggap ko ang malaking responsibilidad ng pagiging ama.
Sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito at pagtulad sa halimbawa ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, inihahanda ko ang aking sarili na maging mabuting asawa at ama sa hinaharap. Ang pagtulong sa aking ina at pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo ang nagturo sa akin nito. Batid ko ang pagmamahal ng Diyos para sa akin at ang Kanyang hangarin na balang-araw ay magabayan ko ang aking pamilya sa kabutihan.
Ang may-akda ay naninirahan sa Rio Grande do Sul, Brazil.