2022
Nilinis Niya ang Aming mga Sapatos
Oktubre 2022


“Nilinis Niya ang Aming mga Sapatos,” Liahona, Okt. 2022.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Nilinis Niya ang Aming mga Sapatos

Itinuro sa akin ng paglilingkod ni Paulo na katulad ng kay Cristo ang tungkol sa kaloob na Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa paraang nag-iwan ng permanenteng tatak sa aking kaluluwa.

isang pares ng itim na sapatos

Habang naglilingkod ako noon bilang missionary sa Brazil Salvador South Mission, ang walong missionary sa aming zone ay karaniwang magkakasamang kumakain sa tahanan ni Paulo, isang miyembro ng Itapua Ward. Kumakain kami kasama ang pamilyang ito sa isang partikular na araw linggu-linggo.

Isang partikular na araw, kumakain kami sa tahanan ni Paulo at ng kanyang asawa at anak na babae. Buong linggo nang umuulan, at ang mga lansangan ay puno ng baha. Ang tahanan ni Paulo ay disente, na may kongkretong sahig na kuminis na sa paglipas ng panahon. Walang sapat na kasangkapan ang kanyang pamilya para sa lahat ng walong missionary, kaya karamihan sa amin ay nakaupo sa sahig.

Si Paulo ay isang convert sa Simbahan na hindi nagkaroon ng pagkakataong magmisyon. Nang matapos kaming kumain, itinanong niya kung saan kami mapapadpad sa aming pagtuturo noong hapong iyon. Sinabi namin sa kanya na papunta kami sa mission office para sa regular na interbyu namin sa mission president.

“Mga elder,” sabi niya, na nakatingin sa aming sapatos na putik-putik, “hindi kayo pwedeng makipagkita sa mission president ninyo na ganyan ang mga sapatos ninyo!”

Pumasok siya sa kanyang kuwarto at bumalik na may halos walang laman na lata ng biton o shoe polish. Pagkatapos ay lumuhod siya sa sahig at nagsimulang linisin ang mga sapatos namin.

Paano nagagawang linisin ang aming mga sapatos ng lalaking ito na nagsakripisyo na nang husto para pakainin ang walong gutom na missionary bawat linggo? Isa ako sa nasa huli sa linya, at nagpasiya akong magalang na tumanggi kapag lilinisin na niya ang sapatos ko. Ngunit pagdating niya sa sapatos ko, alam ko na kung hindi ko tatanggapin ang kanyang alok, matatanggihan ko ang isang sagradong regalo mula sa isang tunay na mapagpakumbabang tao.

Dahil sa paglilingkod ni Paulo na katulad ng kay Cristo, nag-aalab nang husto ang puso ko sa kagalakan tuwing naiisip ko siya. Itinuro niya sa akin ang tungkol sa kaloob na Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa paraang nag-iwan ng permanenteng tatak sa aking kaluluwa.

Si Jesucristo ay dumanas ng matinding pagdurusa para sa bawat indibiduwal. Kapag handa tayong tanggapin ang Kanyang handog para sa atin, nagsisisi sa ating mga kasalanan at sumusunod sa Kanya, lumalago ang ating pagmamahal sa Kanya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:33). Ang Kanyang pagmamahal sa atin ay lubos na natatanto kapag tinatanggap natin ang kusang-loob Niyang ibinibigay sa lahat ng may bagbag na puso at nagsisisi.