2022
Paghahanap ng Katotohanan sa Panahong Ito na Laganap ang Maling Impormasyon
Oktubre 2022


Paghahanap ng Katotohanan sa Panahong Ito na Laganap ang Maling Impormasyon

Ang limang ideyang ito ay makatutulong sa atin na magkaroon ng mahusay na kaalaman sa paggamit ng media [media literacy] at lakipan ito ng patnubay ng Diyos.

placeholder altText

Maging maingat sa paghahanap ng impormasyon. Maaaring makita ninyo ang hindi ninyo hinahanap.

Nabubuhay tayo sa di-pangkaraniwang panahon. Ang kakayahan nating ma-access ang napakaraming impormasyon sa loob ng ilang segundo ay kasiya-siya. Ngunit paano natin masasabi kung mapagkakatiwalaan ang impormasyong nakuha natin, lalo na kapag gumagawa ng mahahalagang desisyon? Ang isang paraan para makakuha ng tamang impormasyon ay maging mas “marunong sa paggamit ng media.”

Ano ang ibig nating sabihin kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa media literacy o pagiging marunong sa paggamit ng media, at paano ito makatutulong para hindi tayo malinlang sa mga huling araw na ito? Ang media literacy ay “ang kakayahang mag-access, sumuri at gumawa ng mga mensahe sa iba’t ibang uri.”1 Lahat ng ito ay kapaki-pakinabang na mga kasanayan na mapaghuhusay, lalo na sa panahong ito na laganap ang maling impormasyon.

Narito ang ilang bagay na isasaalang-alang kapag sinimulan ninyong linangin ang inyong kaalaman sa paggamit ng media.

1. Gawin ang Inyong Homework

Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na “dapat pagtibayin ng dalawa o tatlong saksi [ang bawat salita]” (2 Corinto 13:1). Ang alituntunin ding ito ay magagamit sa mga pagsisikap natin na maghanap ng totoo at tamang impormasyon. Bagama’t madali tayong makakahanap ng mga sagot sa mahahalagang tanong sa pamamagitan lamang ng isang simpleng web search, ang pagtiyak na tama ang impormasyong iyon ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap. Bukod pa rito, mapanganib din ang umasa lang sa iisang source, lalo na sa panahong tila mas laganap ang pagkakaroon ng media ng kinikilingan at dumarami ang mga indibiduwal na sumusuporta sa mga partikular na agenda. Mas matututo tayo kung maghahanap tayo sa maraming source mula sa iba’t ibang channel, kabilang ang mga aklat, artikulo sa pahayagan, academic study, at iba pang pinagkakatiwalaang eksperto.

2. Suriin ang Inyong Source, Pagkatapos ay Suriing Muli

Nakagawian na nating kumuha ng maraming impormasyon mula sa sinasabi ng isang tao, lalo na kung sa palagay natin ay mapagkakatiwalaan natin ang source ng impormasyon. Gayunman, kahit ang mabubuting source ay maaaring mali kung minsan. Kaya nga, mahalagang mag-ukol tayo ng oras na tiyakin kung tama ang impormasyong ibinahagi sa atin, lalo na kung ito ay isang bagay na balak nating gawin o ibahagi sa iba.

3. Mag-ingat sa Social Media “Echo Chamber”

Inihayag ng isang survey kamakailan na ini-release ng Pew Research Center na halos kalahati (48 porsiyento) ng mga adult sa US ang nakakakuha ng balita at impormasyon mula sa social media.2 Bagama’t ang social media ay maaaring maging magandang kasangkapan para sa impormasyon, ang nilalaman na makikita natin sa ating mga feed ay nakabatay sa mga estratehiya na ang layunin ay makuha ang ating atensyon sa halip na bigyan tayo ng mahalaga at tamang impormasyon. Sa pagitan ng mga personalization algorithm na ito at ng kakayahan nating kontrolin ang bilang ng mga taong regular nating nakakaugnayan online sa mga platform na ito, lumilikha tayo ng isang echo chamber, kung saan ang sarili nating mga paniniwala at opinyon ay lalong napapalakas, at nabibigyan tayo ng impormasyon na nakatuon lamang sa sarili nating mga interes.

Ang social media ay nagiging lugar din sa pagdami ng mali at mapanlinlang na impormasyon, dahil madaling lumikha at mag-share ng content dito. Mahalagang suriin natin nang husto ang anumang impormasyong nakikita natin sa social media at tiyakin na totoo ito bago natin ito tanggapin o piliing ibahagi. Nagbabala si Pangulong Russell M. Nelson, “Kung ang karamihan sa impormasyong nakukuha ninyo ay mula sa social media o sa iba pang media, ang inyong kakayahang marinig ang mga bulong ng Espiritu ay mababawasan.”3

4. Makinig sa Espiritu

Ang mundo ay puno ng magkakasalungat na mga mensahe na nagsasabi sa atin ng dapat isipin at gawin. Itinuro ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na ang pinakamainam na paraan para madaig ang “garalgal na tunog” sa mundo ay ang makinig at sumunod sa tinig ng Espiritu. “Kailangan ang pagtitiyaga sa mundong ang gusto’y madaliang katuparan ng mga hangarin. Ang solusyong ito ay tahimik, payapa, at mabisa sa mundong maibigin sa bagay na maingay, mapamilit, mabilis magbago, marangya, at walang pitagan,” ang sabi niya.4

Ang Espiritu ay isang makapangyarihang kasangkapan na makatutulong sa atin na masuri at matukoy ang tama at mahalagang impormasyon. Mapapanatag tayo sa pangako ni Moroni na “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5). Kaya, paano natin malalaman kapag nangungusap sa atin ang Espiritu? Tulad ng tagubilin ng Panginoon kay Oliver Cowdery, “Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso” (Doktrina at mga Tipan 8:2).

Maaaring mangailangan ito ng ating pinakamatalinong pag-iisip upang matukoy natin ang katotohanan mula sa kamalian, gayundin ng ating lubos na pagsisikap na mamuhay sa paraang mapapasaatin ang Espiritu. Mag-ingat na huwag makibahagi sa media o kaugnay na content nito na magpapalayo sa Espiritu Santo.

Isang lalaki na nangingisda sa tabi ng parola.

Tulad ng isang parola, ang payo ng mga propeta at apostol ay maaaring tumanglaw sa daan at tumulong sa atin na makakilala sa pagitan ng katotohanan at kamalian.

5. Sundin ang Propeta

Sa gitna ng kanilang mahaba at mahirap na paglalakbay palabas ng Egipto, ang mga anak ni Israel ay nagsimulang bumulung-bulong laban sa Panginoon. Itinanong nila kay Moises, “Bakit ninyo kami iniahon mula sa Ehipto, upang mamatay sa ilang?” (Mga Bilang 21:5). Dahil bumulong-bulong sila, ipinadala ang mga makamandag na ahas sa mga tao. Marami sa kanila ang natuklaw at namatay. Nang manalangin si Moises sa Panginoon para sa kapakanan nila, iniutos sa kanya ng Panginoon na gumawa ng ahas na tanso at ilagay ito sa isang tikin. Ang mga natuklaw ay kailangan lang tumingin sa ahas na tanso at sila ay mabubuhay—isang madaling solusyon sa isang problemang mapanganib sa buhay. Ang mga Israelitang tumingin dito ay nabuhay. (Tingnan sa Mga Bilang 21:6–9.) Ngunit para sa iba, napakasimple ng lunas, kaya pinili nilang huwag maniwala. Hindi sila tumingin sa ahas at nasawi sila kalaunan. (Tingnan sa 1 Nephi 17:41; Alma 33:19–20.)

Sa ating panahon, nahaharap tayo sa gayunding salot na “mga makamandag na ahas” sa anyo ng mali, mapangwasak, o maging ng malisyosong impormasyon na ang layunin ay pinsalain tayo at ang iba. Kung makakakuha tayo nito, ang gayong impormasyon ay maaaring makamatay—sa espirituwal, mental, at emosyonal—tulad ng mga makamandag na ahas sa mga anak ni Israel.

Ang pinakamahusay na pananggalang natin sa mga huling araw laban sa maling impormasyon na “ililigaw … pati ang mga hinirang” (Mateo 24:24) ay ang magtiwala at sumunod sa ating buhay na propeta. Bagama’t maaaring hindi pahalagahan ng mundo ang payo ng propeta, alam natin na siya ang tagapagsalita ng Panginoon. Sinabi sa atin ng Panginoon na “maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (Doktrina at mga Tipan 1:38). Mahalagang balansehin natin ang mga balita at impormasyon sa salita ng Panginoon, na kinabibilangan ng mga payo na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at apostol. Kapag nagtiwala tayo sa kanilang mga payo at kapag sinuri natin ang naririnig natin mula sa mundo kumpara sa naririnig natin mula sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta, mas madali nating makikilala ang katotohanan at kamalian.

Paghahanap ng Karunungan

Sa lahat ng maling impormasyon na maaaring makuha natin, hindi nakapagtataka na sinabi ni Pablo na sa mga huling araw, ang mga tao ay “laging nag-aaral at kailanman ay hindi nakakarating sa pagkakilala ng katotohanan” (2 Timoteo 3:7).

Ang kadaliang makakuha ng impormasyon ay isang kaloob mula sa ating Ama sa Langit. Gayunman, sa kabila ng lahat ng impormasyon na makukuha natin, “ang pasimula ng karunungan ay ito: kunin mo ang karunungan, [at] sa lahat mong kukunin ay kunin mo ang unawa” (Mga Kawikaan 4:7). Iyan ay isang bagay na hindi natin maiaasa sa search engine.

Sa halip, kapag naghahanap tayo ng karunungan, dapat tayong “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118). Kapag nilakipan natin ang mahusay na kaalaman sa paggamit ng media [media literacy] at ang ating intelektuwal na kakayahan ng pamumuhay sa ebanghelyo at ng ating pinakamatinding espirituwal na pagsisikap, mag-aanyaya ito ng espirituwal na patnubay na kailangan natin para makilala ang katotohanan sa kamalian at hindi malinlang ng napakaraming maling impormasyon sa paligid natin.

Mga Tala

  1. “Media Literacy: A Definition and More,” Center for Media Literacy, medialit.org.

  2. Tingnan sa Mason Walker and Katerina Eva Matsa, “News Consumption across Social Media in 2021,” Set. 20, 2021, pewresearch.org.

  3. Russell M. Nelson, “Maglaan ng Oras para sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2021, 120.

  4. James E. Faust, “Tinig ng Espiritu,” Liahona, Hunyo 2006, 6.