2022
Isang Napakagandang Araw para Magpasalamat
Oktubre 2022


“Isang Napakagandang Araw para Magpasalamat,” Liahona, Okt. 2022.

Digital Lamang: Mga Larawan ng Pananampalataya

Isang Napakagandang Araw para Magpasalamat

Nalaman namin na sa pagbabahagi ng pag-asa, nakahanap kami ng pag-asa. Ang naging mithiin namin ay tulungan ang iba, gayundin ang aming sarili, na maghanda para sa kawalang-hanggan.

placeholder altText

Mga larawan sa kagandahang-loob ng pamilya Koch

Cristi: Sinabi nila na mga dalawang taon na lang ang itatagal ng buhay ko. Sinabi ko kay James na mauunawaan ko kung hindi niya itutuloy ang kasal. “Ito na ang pagkakataon mo para umatras,” ang sabi ko. Pero sabi niya, “Mas gugustuhin ko na makasama ka. Magkasama nating lalabanan ang kanser at gagawin natin ang lahat ng ating makakaya. Gagamitin natin ang anumang oras sa buhay na ito na ibibigay sa atin ng Ama sa Langit. Tandaan mo lang, magkasama tayo hanggang sa kawalang-hanggan.” At tama siya. Ang walang hanggang kasal ay hindi natatapos dahil sa pagpanaw lamang ng isa sa inyo.

James: Alam ko na siya ang gusto kong mabuklod sa akin. Kami ay parehong ikinasal na noon, at nag-ayuno at nanalangin ako nang matagal para matagpuan siya. Naghanda ako na maging karapat-dapat sa kanya at maging asawa na mag-aalaga sa kanya. Hindi ko basta na lang tatalikuran iyon.

isang mag-asawang bagong kasal na palabas sa templo

Sina Cristi at James ay ibinuklod sa Draper Utah Temple.

Cristi: Nagpasiya kaming gawin ang lahat para maging masaya ngayon at masaya sa kawalang-hanggan.

James: Noon pa man ay aktibo na kami sa pisikal, at nagpasiya kami na patuloy na gawin ang mga bagay na gustung-gusto namin hangga’t kaya namin—tumakbo, mag-hiking, lumangoy, maglakbay, magbisikleta, at magmotorsiklo. At gustung-gusto naming makasama ang aming pamilya. Kahit pagkatapos ng mga operasyon para alisin ang mga tumor sa kanyang dibdib at likod, patuloy pa ring ginagawa ni Cristi ang lahat hangga’t makakaya niya. Kasabay nito, sinimulan niyang gawin ang iba pang mga bagay na sa palagay niya ay kailangan ding gawin.

mag-asawang nasisiyahan sa pamamasyal

Cristi: Sa una naming mga asawa, si James ay may limang anak at ako ay may apat na anak. Nagpasiya akong sumulat ng mga liham sa kanila. Kaya, naisulat ko ang kahong ito ng mga liham, at alam mo ba—ilang taon na ang nakalipas mula noon, at ngayon ay magang-maga na ang mga braso ko at puno ng tumor na hindi na ako makakasulat pa. Nitong nakaraang ilang araw, sinubukan kong sumulat ng liham sa aking anak na babae para sa kanyang kaarawan, at sobrang sakit ng braso ko na hindi na ako makahinga. Kaya, inspirasyon ang pagsulat ko ng mga liham na iyon. Masaya ako na nakinig ako sa pahiwatig na iyon dahil ngayon ay hindi ko na ito magagawa.

James: Si Cristi ay may kakayahang tulad ng kay Cristo na makita ang kabutihan sa iba. Malalim ang kanyang patotoo tungkol sa Tagapagligtas at may malaking hangaring gumawa ng gawaing misyonero.

Cristi: Naaalala ko na sinubukan kong makipagtawaran sa Panginoon. Ilang panahong kong sinabing, “Sige na po, pagalingin na po Ninyo ako. Gusto kong tipunin ang Israel!” Tinangka kong utusan ang Diyos, pero hindi ito epektibo. Pagkatapos ay naisip ko, “OK, Cristi ang pangalan ko na nangangahulugang ‘alagad ni Cristo.’ Habang buhay ako, gusto kong magdala ng maraming kaluluwa kay Cristo sa abot ng aking makakaya.

James: At humantong iyan sa isa pang pahiwatig.

babaeng nakaupo sa silya ng ospital

Ibinahagi ni Cristi ang kanyang mga paghihirap ngunit nagbahagi rin siya ng masasayang mensahe ng pananampalataya.

Cristi: Sinimulan kong gumawa ng mensahe sa social media araw-araw, isang maikling mensahe ng pag-asa at pagmamahal. Tinawag ko itong “Isang Napakagandang Araw para Mabuhay.” Nagsimulang marinig ng mga tao ang tungkol dito. Ang hipag ko ay isang ateista, pero sabi niya, “Pwede bang padalhan mo ako ng mga mensahe mo?” Makalipas ang ilang panahon naging mananampalataya siya, at ngayon ay miyembro na siya ng Simbahan. At nagsimulang basahin ng kapatid kong lalaki ang mga mensahe. Nakatulong ang mga ito upang muli siyang magkaroon ng pananampalataya. Ngayon ay aktibo na siya sa Simbahan.

James: Madalas akong magbiyahe dahil sa trabaho, nagpupunta sa maliliit na bayan sa Texas at Georgia. Madalas sumama sa akin si Cristi. May nakikilala kaming mga tao na gusto naming patuloy na makaugnayan, at sasabihin niyang, “Puwede ba akong magpadala sa iyo ng isa sa mga mensahe ko? Pagkatapos ay maaari kang magpasya kung gusto mo pang patuloy na makatanggap ng mga ito.”

Cristi: Patuloy na nadagdagan ang bilang ng mga tao na may gusto ng mga mensahe ko. Ngayon ay 200 na sila. Ang ilan ay mga miyembro ng Simbahan; ang ilan ay hindi. Sa loob ng mahabang panahon, nagpadala ako ng isang mensahe araw-araw, pero mas mahirap nang gawin ito ngayon. Palagay ko ang mga mensahe ko ay magiging parang maikling kasaysayan. Kapag pumanaw na ako, mananatili pa rin ang aking patotoo sa aking pamilya at mga kaibigan tungkol sa alam kong totoo.

mag-asawa

Napagkasunduan nina James at Cristi, “Magkasama tayo hanggang sa kawalang-hanggan.”

James: Ang isinulat niya ay tutulong sa atin na magkaroon ng walang hanggang pananaw. Lagi niyang sinasabi sa akin na babantayan niya ako, at babantayan niya kami. Gusto naming maging walang hanggang pamilya. Iyan ang tunay na mithiin.

Cristi: Pitong taon na mula nang masuri ako. Kapag mas nahihirapan akong isulat ang mensahe ko, tinatawag ko ito kung minsan na, “Isang Napakagandang Araw para Magpasalamat.” Lubos akong nagpapasalamat kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Iniisip ko ang mga titik ng himnong “Mga Pagpapala ay Bilangin.”1 Kung mawawala sa atin ang lahat ng bagay sa buhay na ito, may pangako pa rin tayo na ang mga pamilya ay maaaring maging walang hanggan. Palagi nating mabibilang ang pagpapalang iyon, at pasisiglahin tayo nito.

anino ng babae sa dalampasigan

Pinuspos ni Cristi ng pag-asa ang kanyang buhay at tinulungan ang iba na gawin din iyon.