2022
Ang Panaginip ng Aking Lolo
Oktubre 2022


“Ang Panaginip ng Aking Lolo,” Liahona, Okt. 2022.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Daniel 1–6

Ang Panaginip ng Aking Lolo

Ang nakita ng lolo ko ay nakatulong sa kanya na maunawaan ang kapangyarihan at katotohanan ng ebanghelyo.

Larawan
lalaking pumuputol ng tuyong damo

Paglalarawan ni Sija Hong

Nang magpakita siya sa Propetang si Joseph Smith, binanggit ni Moroni ang mahahalagang banal na kasulatan at mga turo mula kina Malakias at Isaias. Ang nakakatuwa, binanggit din niya mula sa ikalawang kabanata ng Joel ang sumusunod na propesiya:

“At mangyayari pagkatapos, na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman; at ang inyong mga anak na lalake at babae ay manganghuhula, ang inyong mga binata ay mangakakakita ng mga pangitain” (Joel 2:28; tingnan din sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:41).

Ang mga panaginip ay isang paraan na inihahayag ng Panginoon ang katotohanan sa Kanyang mga anak. Ang mga ito ay maaaring maging bahagi ng banal na prosesong ginagamit Niya upang palalimin ang espirituwal na pag-unawa.

Sa Job ay mababasa natin:

“Sapagkat ang Diyos ay nagsasalita sa isang paraan, at sa dalawa, bagaman sa tao’y hindi ito nauunawaan.

“Sa isang panaginip, sa isang pangitain sa gabi, kapag ang mahimbing na pagkakaidlip ay dumating sa mga tao, habang sila’y natutulog sa kanilang mga higaan,

“Kung magkagayo’y ang mga tainga ng mga tao’y binubuksan niya, at sa mga babala’y tinatakot sila” (Job 33:14–16).

Isang Pamana ng Pamilya

Sa gayong panaginip, nabuksan ang mga tainga ng lolo ko at isang tagubilin ang ibinigay, o isinara, na magpapabago sa aming pamilya sa kawalang-hanggan.

Lumaki si Brígido Becerra sa Puebla, Mexico. Nakalulungkot na lumaki siya na walang ama, at sa edad na 11, namatay ang ina ni Brígido sa kanyang mga bisig. Naiwan siyang mag-isa upang mamuhay sa abot ng kanyang makakaya. Noong panahong iyon, walang mga programa o oportunidad na tumulong sa isang ulila na tulad ni Brígido. Nang walang anumang patnubay o isang taong nag-aalaga sa kanya, nalulong si Brígido sa alak. Ang adiksyong iyon ay negatibong nakaapekto sa halos lahat ng aspeto ng kanyang buhay.

Sa isang pagkakataon, naging napakatindi ng kanyang adiksyon kaya nadama niya na mawawala sa kanya ang kanyang asawa at mga anak. Sa kawalan ng pag-asa, nagpasiya siyang manalangin. Hindi siya lumaki sa anumang relihiyon kaya nag-alay siya ng panalangin sa sarili niyang paraan. Nagmakaawa siya na tulungan siyang madaig ang kanyang adiksiyon at taos-pusong hinangad na makatakas mula sa kanyang mga problema.

Isang Sagot sa Panalangin

Hindi nagtagal matapos niyang sabihin ang taimtim na panalanging iyon, bumisita ang mga sister missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa kanyang tahanan. Nakilala nila ang kanyang asawang si Julia, at sinabi nila sa mga bata ang tungkol sa Primary sa lokal na ward. Ngayon ay humingi sila ng pahintulot kay Brígido na dumalo ang mga bata.

Nagsimulang magturo ang mga sister kay Brígido at sa kanyang pamilya tungkol sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Noon, nagtuturo ang mga missionary gamit ang mga flannel board para magpakita ng mga larawan habang nagtuturo sila. Sa lesson na ito ipinakita nila ang larawan ng Propetang Joseph Smith. Agad na nakilala ni Brígido ang lalaki sa larawan. Sinabi niya sa mga sister missionary na kilala niya ang lalaking ito. Nagtaka sila sa sinabi ni Brígido. Siya ay mula sa Mexico at si Joseph Smith ay nanirahan at namatay sa Estados Unidos maraming taon bago pa man isinilang si Brígido. Walang paraan para makilala ni Brígido si Joseph Smith.

Larawan
lalaking nililingkis ng isang malaking ahas

Ang Panaginip

Pagkatapos ay ibinahagi ng lolo ko ang kanyang panaginip sa mga missionary. Sinabi niya sa kanila na nanaginip siya na nagtatrabaho siya sa kanyang maliit na rantso na gumugapas ng alfalfa gamit ang kanyang machete at nagtitipon ng iba pang pagkain para ipakain sa kanyang mga sisiw at baboy. Habang abala siya sa pagtatrabaho, sinalakay siya ng isang malaking ahas. Nilabanan ng lolo ko ang ahas sa abot ng kanyang makakaya, ngunit nilingkis siya, binuksan ang bibig nito, at malapit na siyang lulunin nang buo.

Sa sandaling iyon mismo ng panganib, isang lalaking nakadamit ng puti, na may hawak na espada, ang pumutol sa ulo ng ahas. Nang bumagsak ito sa paanan ni Brígido, tumingala siya upang makita kung sino ang nagligtas ng kanyang buhay. Hindi niya nakilala ang lalaki ngunit napansin niya na puti ang kanyang damit. Pagkatapos ay ipinaliwanag niya na ang lalaki sa larawang ibinabahagi ng mga sister ay ang lalaki sa kanyang panaginip. Agad na natanto ni Brígido na ito ang lalaki sa kanyang panaginip, ang lalaking nagligtas sa kanya. Ngayon ay alam na niya na ang pangalan ng lalaki ay Joseph Smith.

Ang panaginip na ito ay isang malinaw na karanasan sa pagkatuto para sa lolo ko. Nadama niya na ito ay tuwirang sagot sa kanyang mga dalangin at pagsamo. Sinabi niya na nadama niya na ang ahas ay kumakatawan sa kanyang adiksyon sa alak. At naunawaan niya, sa pamamagitan ng mga makapangyarihang turo ni Propetang Joseph Smith at sa doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, na madaraig niya ang kanyang adiksiyon. Alam niya na makasusumpong siya ng ginhawa at matatanggap ang buong pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Larawan
mag-asawa

Lolo ni Elder Becerra na si Brígido Becerra at ang asawa nito, lawarang kuha sa iisang beses na pagbisita nila sa Estados Unidos.

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Isang Pagpapala sa Maraming Henerasyon

Hindi nagtagal matapos ibahagi ang karanasang ito sa mga sister missionary, nabinyagan ang lolo kong si Brígido Becerra bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Minahal niya ang ebanghelyo ni Cristo. Nagkaroon siya ng espesyal na pagmamahal para sa Aklat ni Mormon at sa lahat ng propeta, lalo na kay Joseph Smith.

Ang panaginip ng lolo ko ay umakay sa kanya sa tunay na ebanghelyo ni Cristo at hindi lamang siya iniligtas mula sa buhay na may adiksiyon at kalungkutan kundi pinagpala rin nito ang mga henerasyon ng matatapat na miyembro ng Simbahan. Nang pumanaw ang lolo ko sa edad na 98, nag-iwan siya ng humigit-kumulang 120 inapo—mga anak, apo, apo-sa-tuhod, at mga apo-sa-talampakan. Bawat isa ay naapektuhan ng kanyang panaginip at ng kanyang pamana ng patotoo at katapatan sa Simbahan at sa Tagapagligtas na si Jesucristo.

Tulad ni Daniel sa Lumang Tipan, naunawaan ng lolo ko na “may Diyos sa langit na naghahayag ng mga lihim” (Daniel 2:28).

Bakit Dumarating ang mga Panaginip?

Maaaring itanong ng ilan kung bakit may mga panaginip ang ilan sa atin paminsan-minsan na may espirituwal na layunin. Sa pangkalahatang kumperensya, ibinahagi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang karanasan sa mga panaginip. Nagsalita siya tungkol sa isang inspiradong priesthood leader na naudyukan na malaman ang mga pangalan ng lahat ng kabataan sa kanyang stake. Hindi nagtagal matapos malaman ng lider ang lahat ng kanilang pangalan, inihayag ng Panginoon ang katotohanan sa pamamagitan ng panaginip.

“Isang gabi ay napanaginipan ng lider ng priesthood ang isang binatilyo na kilala lang niya sa retrato,” sabi ni Elder Bednar. “Sa panaginip nakita niya ang binatilyo na nakasuot ng puting polo at may name tag ng missionary. Katabi ang kanyang kompanyon, tinuturuan ng binatilyong ito ang isang pamilya. Hawak ng binatilyo ang Aklat ni Mormon, at parang nagpapatotoo siya tungkol sa katotohanan ng aklat. Noon nagising ang lider ng priesthood mula sa kanyang panaginip.

“Sa isang pagtitipon ng mga may priesthood, nilapitan ng lider ang binatilyo na nakita niya sa kanyang panaginip at tinanong kung maaari siyang makausap sandali. Matapos ang maikling pagpapakilala, tinawag ng lider ang binatilyo sa pangalan at sinabing: ‘Hindi ako taong mapanaginip. Wala pa akong napanaginipang miyembro ng stake na ito, maliban sa iyo. Sasabihin ko sa iyo kung ano ang napanaginipan ko, at pagkatapos gusto kong tulungan mo akong unawain ang ibig sabihin nito.’

“Ikinuwento ng lider ng priesthood ang kanyang napanaginipan at tinanong ang binatilyo kung ano ang ibig sabihin nito. Halos hindi makapagsalitang sinabi ng binatilyo na, ‘Ibig sabihin ay [kilala ako] ng Diyos.’”1

Marahil iyon ang dahilan kaya natanggap ng lolo ko ang kanyang patotoo sa isang panaginip. Ito ay katiyakan na alam ng Diyos kung sino siya at ang pamanang maiiwan niya. Ang kanyang panaginip ay isang saksi sa katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo, at magkakaroon ito ng malaking epekto sa marami sa kanyang mga inapo sa kawalang-hanggan.

Inihahayag talaga ng Panginoon ang Kanyang mga lihim sa atin. Magkakaiba ang paraan ng pagtanggap natin ng personal na paghahayag dahil magkakaiba tayong lahat at dahil Siya ay Diyos na personal na nakikipag-usap sa bawat isa. Ito man ay sa isang pangitain, kaisipan, tinig sa ating isipan, damdamin, o panaginip, tunay na nangungusap Siya sa inyo at sa akin.

Tala

  1. David A. Bednar, “Ang Magigiliw na Awa ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2005, 100; idinagdag ang diin.

Print