“Paglikha ng Nakakatulong na Digital na Kultura sa Ating Pamilya,” Liahona, Okt. 2022.
Paglikha ng Magandang Digital na Kultura sa Ating mga Pamilya
Makatutulong tayong magpalaganap ng katotohanan at liwanag kung gagamit tayo ng mga digital na kasangkapan para sa kabutihan.
Nabubuhay tayo sa mundo kung saan madaling makagamit ng teknolohiya. Bago pa man ang pandemya ng coronavirus, ang teknolohiya ay nagtutulot na sa atin na manatiling konektado sa pamilya, matuto ng mga bagong kasanayan, at magbahagi ng ebanghelyo online.1
Nang mapilitan tayong maglayu-layo dahil sa pandemya, tinulungan tayo ng teknolohiya na ilipat ang ilan sa mahahalagang aktibidad sa buhay online. Ito ay nag-ugnay sa mga pamilya, nakatulong sa pag-aaral at pagtatrabaho, at tinulutan tayo nito na makibahagi maging sa mga virtual na pagdiriwang ng kaarawan! Gayunpaman, tulad ng alinmang mabisang kasangkapan, ang teknolohiya ay may mga kaakibat na hamon. Ang ating digital na mundo ay maaari ring pagmulan ng maling impormasyon, pagiging negatibo, at pag-aaksaya ng oras. Kahit ang mabubuting app, kung gagamitin nang labis-labis, ay maaaring kumain ng oras na para sana sa iba pang mabubuting aktibidad. Hinikayat tayo ni Elder Peter M. Johnson ng Pitumpu na “maging maingat tayo at hindi kaswal sa paggamit natin ng teknolohiya.”2
Maaaring mahirap ang pagtatatag ng magandang kultura ng teknolohiya sa ating mga pamilya. Sa kabutihang-palad, may mga simpleng estratehiya na makatutulong sa atin na ihanda ang ating mga anak na magtagumpay sa digital na mundo.
Pag-iwas sa mga Karaniwang Patibong
Mag-ingat sa dalawang patibong: pagiging negatibo at pagkakaroon ng makitid na pananaw.
1. Ang ibig sabihin ng pagiging negatibo ay labis na pagbibigay-diin sa mga bagay na hindi dapat gawin sa teknolohiya (ang mga “bawal”) habang kinakalimutang ipakita ang mga positibong paraan ng paggamit ng teknolohiya (ang mga “puwede”). Ang pag-aaral ng mga kasanayan sa magandang paggamit ng teknolohiya ay nangangailangan ng pagsasanay; hindi ka matututong tumugtog ng piyano sa pamamagitan lamang ng pag-alam kung anong mga nota ang hindi mo dapat tugtugin. Bilang mga magulang, maaari tayong mag-ukol ng mas maraming oras sa pagtalakay at pagpapakita ng mga uri ng aktibidad na gusto nating gawin ng mga kabataan sa mga digital na kasangkapan at ng mas kaunting oras sa pagtuturo ng mga bagay na dapat iwasan.
2. Ang pagiging sobrang makitid ang pananaw ay nangyayari kapag itinutuon natin ang ating mga pagsisikap sa iisang kasanayan sa teknolohiya, tulad ng online na kaligtasan, at kinakalimutan natin ang iba pang bahagi ng magandang paggamit ng teknolohiya. Tulad sa pagmamaneho ng sasakyan, kaligtasan ang dapat mauna. Nagsusuot tayo ng seat belt bago tayo pumunta kung saanman. Ngunit kailangan din nating gawin ang susunod na hakbang na pagpapasiya kung saan natin gustong pumunta at kung sino ang gusto nating makasama. Ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng magandang kultura ng teknolohiya sa ating mga pamilya ay pagkatutong maging maalam, balanse, bukas sa lahat, at makihalubilo sa ating pamilya at komunidad at pagiging ligtas din.
Pagtatakda ng mga Tuntunin para sa Tagumpay
Dahil sa trabaho ko ay nakakapaglakbay ako sa iba’t ibang panig ng mundo upang magbahagi ng mga estratehiya na makakatulong sa mga pamilya at indibiduwal na matuto ng mabubuting gawi sa teknolohiya. Narito ang limang tanong na iminumungkahi kong magkakasamang talakayin ng mga pamilya kapag nagpapasiya kung anong uri ng paggamit ng teknolohiya ang tama para sa pamilya.
1. Paano mas mapaglalapit ng teknolohiya ang ating pamilya?
May magagandang paraan ng paggamit ng teknolohiya upang mapatatag ang mga pamilya. Halimbawa, sa aming pamilya, nagpasiya kami na makakatulong ang aming mga anak sa pagkuha ng mga larawan at video ng mga kaganapan sa pamilya. Gamit ang isang notepad app, isinusulat nila ang mga nakakatawang bagay na sinasabi ng kanilang mga kapatid. Paminsan-minsan, binabalikan namin ang mga alaala at pinanonood namin ang mga video na kinuhanan nila. Ginagamit din namin ang mga family history app upang matuto tungkol sa aming mga ninuno at sa kanilang mga kuwento. At nakikibahagi kami sa mga virtual family council kasama ang mga miyembro ng aming pamilya na nakatira malayo sa amin.
2. Paano natin magagamit ang teknolohiya upang mas mapabuti ang ating mga komunidad?
Ang teknolohiya ay pinakamakapangyarihan kapag ginamit bilang kasangkapan upang mapabuti ang mundo. Ang palagiang pagtingin sa mga site tulad ng JustServe.org ay nakakatulong sa atin na makahanap ng mga pagkakataong maglingkod sa komunidad. Maaari nating gamitin ang ating mga digital na tinig upang maibahagi ang ebanghelyo at makapagpalaganap ng mga nakasisiglang mensahe, tulad ng pag-repost ng social media mula sa Simbahan o pagbabahagi ng mga kuwentong nagbigay-inspirasyon sa atin. Maaari ring kabilang dito ang pagsuporta at pagtatanggol sa iba online kapag nakikita natin na tinatrato sila nang walang paggalang. Karamihan sa mga pambu-bully online ay maaaring pigilan sa pamamagitan ng paninindigan para sa biktima. Gamitin ang iyong digital na tinig para sa kabutihan.
3. Paano nating mababalanse ang paggamit ng teknolohiya?
Ang ibig sabihin ng balanse ay pagtukoy kung ang isang digital na aktibidad ay kumakain na ng mas maraming oras natin kaysa sa nararapat. Upang malimitahan ang paggamit ng teknolohiya, maraming pamilya ang bumabaling sa orasan bilang pangunahing kasangkapan sa pagsukat. Bagama’t ang pagtatakda ng “screen time” upang malimitahan ang paggamit ng teknolohiya ay maaaring makatulong, kailangan din nating turuan ang mga kabataan na hindi lahat ng paggamit ng teknolohiya ay magkakapareho ng kapakinabangan. Ang pag-video chat sa lolo’t lola o pagbabasa ng mga banal na kasulatan online ay may higit na kapakinabangan kaysa sa paglalaro lamang, kahit pareho silang nangyayari sa screen.
Mahalaga ring magtakda ng mga oras na hindi gagamit ng teknolohiya. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang kapangyarihan ng paminsan-minsang pag-aayuno mula sa social media upang mapanatili ang balanse sa ating mga buhay.3 Kailangang matutuhan ng mga bata na hindi parusa ang pagpapahinga sa paggamit ng device. Sa aming pamilya, nagpasiya kami na hindi namin dapat kasama sa pagtulog ang mga device. Lumikha kami ng isang pangunahing lugar kung saan maaaring i-charge ang mga device magdamag nang hindi naaabala ang aming pagtulog.
4. Paano natin magagamit ang teknolohiya batay sa ating mga tuntunin?
Kahit ang mabubuting digital na aktibidad ay maaaring maging problema kung ang mga ito ay gagawing kahalili ng mas magagandang aktibidad o kung napipilitan tayong makibahagi rito. Ang isang simpleng tip ay patayin ang mga notification para sa lahat ng hindi mahahalagang app. Ang mga app developer ay gumagamit ng mga notification upang tawagin ang ating pansin at hikayatin tayong gamitin ang app. Ang pagpatay sa mga alert ay nakakatulong na maging mas madali para sa atin na piliin kung kailan natin gustong gamitin ang app at kung kailan hindi. Dapat mag-ingat tayo sa mga app na gumagamit ng gantimpala o point system na nagtatangkang pilitin tayong gamitin ang mga ito. Ang pagpatay sa auto-play sa lahat ng video platform ay humahadlang sa mga ito na magpalabas ng mga video kapag hindi natin pinipiling manood.
5. Paano makapagpapakita ang mga magulang ng epektibong paggamit ng teknolohiya?
Natututo ang mga bata sa panonood ng kanilang mga magulang na nagpapakita ng mabuting pag-uugali. Madaling makita ang isang magulang na nagdadala ng pagkain sa isang kapitbahay o tumutulong sa isang tao na magdala ng mabigat na bagay. Ngunit sa mga digital na aktibidad, mas mahirap para sa mga bata na makita ang mga ginagawa ng mga magulang. Mahalagang ibahagi ang mga paraan na ginagamit natin ang teknolohiya upang mapasigla at mapaglingkuran ang iba. Maaari tayong magbigay ng mga komento tulad ng, “Nagte-text ako sa mga miyembro ng ward upang makita kung sino ang maaaring magdala ng pagkain kay Sister Sanchez, na kalalabas lamang ng ospital” o “Ano ang iniisip ninyo tungkol sa post na ito na ginagawa ko upang mahikayat ang mga tao na mag-donate ng dugo sa susunod na linggo?”
Maaari rin nating ipakita ang pag-aaral ng ebanghelyo. Maaari tayong makinig ng mga banal na kasulatan o mensahe sa pangkalahatang kumperensya, at maaari nating turuan ang ating mga anak kung paano gamitin ang mga study plan at kasangkapan sa pagtatala sa Gospel Library app.
Sa pagtalakay natin sa limang tanong na ito, makakatulong tayong lumikha ng digital na kultura na gusto natin sa ating mga pamilya. Kung gagamit tayo ng mga digital na kasangkapan para sa kabutihan, mapabibilis natin ang pagpapalaganap ng katotohanan at liwanag. Inuulit ko ang paanyayang ito na ibinigay sa pangkalahatang kumperensya: “Patuloy na maghanap ng mga paraan kung paano tayong mas mailalapit ng teknolohiya sa Tagapagligtas at magtutulot sa atin na maisakatuparan ang Kanyang gawain.”4