Digital Lamang
Ang Kagalakan at Kaloob na Pagsisisi—Mga Mensahe Kamakailan ng mga Propeta at Apostol
Tingnan ang itinuro kamakailan ng mga buhay na propeta sa social media tungkol sa pagsisisi.
Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2022, inanyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “tuklasin ang galak ng araw-araw na pagsisisi.”1 Idinagdag pa niya:
“Pagsisisi ang susi sa pag-unlad. Ang dalisay na pananampalataya ang nagtutulak sa atin na sumulong sa landas ng tipan.
“Sana huwag matakot o ipagpaliban ang pagsisisi. Natutuwa si Satanas sa inyong kasawian. Putulin ito agad. Alisin ang kanyang impluwensya sa inyong buhay! Simulan ngayon na maranasan ang galak ng paghuhubad sa likas na tao. Mahal tayo ng Tagapagligtas sa tuwina ngunit lalo na kapag nagsisisi tayo.”2
Ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagsalita sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa kagalakan na dulot ng pagsisisi. Nagbahagi rin sila ng mga mensahe tungkol sa paksang ito sa social media, kabilang ang mga sumusunod:
Pagsisisi at Kapanatagan sa pamamagitan ni Cristo
“Ang Diyos ay may damdamin. Pinangangalagaan Niya tayo nang may buong pagmamahal ng isang mapagmahal na magulang. Naiisip ko ang kagalakang nadama Niya sa pagkaalam na kalaunan ay magtatagumpay [ang Kanyang Pinakamamahal na Anak] laban sa kasalanan at kamatayan—na magbubukas ng mga pintuan para sa mga sagradong posibilidad upang makapiling natin ang ating mga mahal sa buhay balang-araw.
“Ngunit naniniwala rin ako na ang Kanyang kagalakan ay nahadlangan ng ganap na kaalaman ng tungkol sa mangyayari sa Kanyang Pinakamamahal na Anak. … Ang Anak na ito ay daranas ng pagdurusa na walang sinuman ang nakaranas o makakaranas.
“Ngunit dahil mahal na mahal tayo ng ating Ama sa Langit, tinulutan Niya na mangyari ang masaya at masasakit na pangyayaring ito. Dahil kinakailangang mailigtas ang mundo, at dahil kinakailangan nating mailigtas, isinugo Niya sa atin ang isang Tagapagligtas.
“… Tanggapin natin ang perpekto at mahalagang kaloob ng Diyos. Ilagay natin ang ating mga pasanin at kasalanan sa paanan ng Tagapagligtas at damhin ang kagalakang nagmumula sa pagsisisi at pagbabago. Sundin natin si Jesucristo at tularan ang Kanyang buhay.”
Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Dis, 24, 2021, facebook.com/russell.m.nelson.
Ano ang Nadarama ng Diyos Kapag Nagkakamali Tayo
“Minsan ay tinanong ako ng isang kabataan, ‘Pangulong Ballard, ano po ang nadarama ng Diyos para sa akin kapag nagkakamali ako?’ Marahil ay naisip mo rin ito.
“Mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak, at nauunawaan Niya na ang buhay ay isang karanasan para sa ating lahat. Hindi tayo perpekto. Magkakamali tayo. Ibinigay Niya sa atin ang Kanyang Anak na si Jesucristo upang tulungan tayong magbago at suportahan tayo sa paglalakbay sa buhay na ito.
“Sa huli, dapat tayong matutong mamuhay ayon sa nais Niya, ngunit mabilis man ang ating pagbabago at pag-unlad, ang Kanyang pagmamahal sa atin ay hindi nagbabago dahil tayo ay Kanyang mga anak.
“Matutulungan tayo ng Panginoong Jesucristo na ayusin ang anumang kailangang ayusin sa ating buhay sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.”
Pangulong M. Russell Ballard, Facebook, Set. 16, 2021, facebook.com/mrussell.ballard.
Mga Himala ng Pagsisisi at Pagpapatawad
“Dapat nating sikaping matuto mula sa pananaw ng nakaraan. Nakikiusap ako sa inyo na tandaan na dapat matuto mula sa nakaraan at huwag nang buhayin pa ang nakaraan. Lumilingon tayo upang matuto mula sa magagandang karanasan at [hindi upang] buhayin pa ang mga nakaraan.
“At kapag natutuhan na natin kung ano ang dapat nating matutuhan at napulot na natin ang pinakamaganda sa ating naranasan, magpatuloy tayo at tandaan na ang pananampalataya ay laging nakaturo tungo sa hinaharap. Ang pananampalataya ay palaging nauugnay sa mga pagpapala at katotohanan at pangyayari na magbubunga pa lamang sa ating buhay.
“Maaaring iniisip ng ilan sa inyo—lalo na’t nararanasan natin sa araw-araw ang kaguluhan sa ating paligid ngayon— ‘May bukas bang naghihintay sa akin?” Ano ba ang naghihintay sa akin sa bagong taon? Magiging ligtas kaya ako? Magiging matatag ba ako? Maaari ba akong magtiwala sa Diyos at sa hinaharap?
“Mangyaring alalahanin ito: Nagtitiwala ang pananampalataya na maraming bagay ang inilalaan sa atin ng Diyos at si Cristo ang tunay na “dakilang saserdote ng mabubuting bagay na darating” (Mga Hebreo 9:11).
“Manatiling nakatuon sa inyong mga pangarap, gaano man ito kalayo. Mabuhay upang mamalas ang mga himala ng pagsisisi at pagpapatawad, ng pagtitiwala at pagmamahal ng Diyos na magpapabago sa inyong buhay ngayon, bukas, at magpakailanman. Iyan ang isang resolusyon sa Bagong Taon na hinihiling kong gawin ninyo.”
Elder Jeffrey R. Holland, Facebook, Ene. 9, 2022, facebook.com/jeffreyr.holland.
Naglilinis na Kaloob
“Lubusang binabago ng walang-hanggang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang ating pananaw sa ating mga paglabag at pagkakamali. Sa halip na lagi itong isipin at madamang hindi tayo matutubos o wala na tayong pag-asa, may matututuhan tayo mula sa mga ito at makadarama tayo ng pag-asa. Ang naglilinis na kaloob na pagsisisi ay nagtutulot na talikuran natin ang ating mga kasalanan at maging isang bagong nilalang.”
Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Hunyo 5, 2021, facebook.com/dieterf.uchtdorf.
Pagbabago ng Puso
“Ang ating puso ay binabago ng mga katotohanan na natututuhan natin sa templo tungkol sa Diyos at kay Jesucristo—at ng mga pangakong ginagawa natin para magmahal at maglingkod. Hindi na tayo gaanong nakatuon sa gusto natin at mas nakatuon tayo na maiayon ang ating kalooban sa kalooban ng Diyos. … Ang pangunahing gawain ng bahay ng Panginoon ay baguhin tayo at maging mga bagong nilalang kay Cristo.
“Kadalasan sa mundo, ang pagbabago ay ginagawa mula sa labas paloob. Maraming naniniwala na ang pagbabago ng kalagayan ng isang tao ang pinakamainam na paraan para baguhin ang isang tao.
“Gayunman, ang Diyos ay karaniwang gumagawa mula sa loob palabas. Kung hahayaan natin Siya, mababago ng Diyos ang ating puso— at pagkatapos ay bibiyayaan tayo ng kakayahan at lakas na baguhin ang ating kalagayan.
“Sa mga banal na templo, ang natutuhan at ipinangako nating gawin ay nagpapabago sa atin mula sa loob palabas, na magtutulot sa atin na maging mas matatapat na disipulo ni Jesucristo.”
Elder David A. Bednar, Facebook, Abr. 19, 2022, facebook.com/davida.bednar.
Makilala ang Panginoon
“Ang ilan sa inyo ay maaaring naniniwala na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at nagbigay Siya ng walang katapusan at walang hanggang nagbabayad-salang sakripisyo. Ngunit maaaring naniniwala rin kayo na ang Kanyang Pagbabayad-sala ay mabisa sa sinuman—ngunit hindi sa inyo. Sumasampalataya kayo sa Tagapagligtas ngunit maaaring hindi kayo naniniwala na lahat ng Kanyang ipinangakong pagpapala ay matatamo ninyo o makakaimpluwensya sa inyong buhay. Inaanyayahan ko kayo na huwag lang alamin ang tungkol sa Panginoon kundi kilalanin din Siya.
“Ipinayo ng Tagapagligtas na tularan natin Siya. Makikilala natin ang Panginoon kapag sinisikap nating maging Katulad Niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Makikilala natin ang Panginoon kapag pinaglilingkuran natin Siya at gumagawa tayo sa Kanyang kaharian. Mas lubos nating makikilala ang Panginoon kapag hindi lang tayo naniniwala sa Kanya kundi naniniwala rin sa Kanyang mga pangako.
“Ang maniwala sa Kanya—ang tanggapin ang Kanyang kapangyarihan at mga pangako—ay nagbibigay ng pananaw, kapayapaan, at kagalakan sa ating buhay. Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay para sa bawat indibiduwal; ito ay personal. At ito ay para sa bawat isa sa atin.”
Elder David A. Bednar, Facebook, Mar. 14, 2021, facebook.com/davida.bednar.
Personal na Pananagutan
“Ang Tagapagligtas, sa pagbabayad para sa kaparusahan ng ating mga kasalanan, ay hindi inalis ang pananagutan natin kung paano tayo mamumuhay. Ang kahalagahan ng trabaho, kasipagan, paggawa sa abot ng ating makakaya, pagpapahusay ng ating mga talento, at pagtustos sa pangangailangan ng ating mga pamilya ay nasa mga banal na kasulatan noon pa man.
“Ang hamon ko sa inyo ngayon ay suriin ang mga mithiin ninyo at alamin kung alin ang magtutulot sa inyo na magampanan ang inyong mga responsibilidad sa pamilya, magpapanatili sa inyo sa landas ng tipan, at magbibigay-daan para matanggap ninyo ang kagalakang nais ng Panginoon para sa inyo. Tandaan, kapag may mithiin, makakatipid kayo ng oras at lakas sa pamamagitan ng pagpaplano nang maaga at hindi makakaligtaan ang mahahalagang bagay na kailangang gawin at tapusin.
“Hindi kayo dapat matakot, kahit may mga panganib at hamon kayong kakaharapin. Kayo ay pagpapalain at poprotektahan kapag naghangad kayo ng mabubuti at makabuluhang mga mithiin; nagplano at kumilos nang may katapangan at determinasyon; at nagtiwala at nagtuon sa pananampalataya, pagsisisi, nakapagliligtas na mga ordenansa, at nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas habang nagtitiis kayo hanggang wakas. Ang pagtutuon sa templo ay tutulong sa inyo na makamit ang mga mithiing ito.
“Taimtim kong pinatototohanan ang pagiging Diyos ni Jesucristo. Dahil sa Kanya hindi tayo dapat matakot, sapagkat lubos ang ating kagalakan sa Kanya.”
Elder Quentin L. Cook, Facebook, Dis. 8, 2021, facebook.com/quentin.lcook.
Tapat at Taos-puso na mga Personal na Panalangin
“Nalaman ko sa sarili kong buhay, kapag pinapayuhan ako ng isang mahal sa buhay o kaibigan ukol sa mga bagay na kailangan kong baguhin, bagama’t totoo ang mga ito, nangingibabaw kung minsan ang pagiging likas na tao ko at nagsasabing, ‘Hindi mo ito nauunawaan tulad ng pagkaunawa ko rito,” o kaya’y “Sino ka para husgahan ako?’ O maaaring isipin ko pa, ‘Mabuti pa siguro sarili mo na lang ang intindihin mo.’ Gayunman, kapag mapagpakumbaba akong lumuluhod sa harapan ng aking Ama sa Langit at nananalangin nang buong katapatan, ‘Ama, ano po ang kailangan kong baguhin?’ ‘Ano ang mga kinakailangan kong pagsisihan?’ ‘Saan ako nagkulang?’ Nakadarama ako ng kapanatagan, at sa tamang pagkakataon, naririnig ko Siya. At ang Kanyang katotohanan, ang Kanyang walang hanggang katotohanan, ay tumitimo sa aking puso.
“Ang tapat, taos-puso, at personal na panalangin sa mga tahimik na sandaling iyon ay nagbibigay ng pagkakataon upang makatanggap ng paghahayag mula sa ating Ama sa Langit. Naririnig natin Siya. Nangungusap Siya sa atin. Ang pagsisikap na makinig sa tahimik na mga impresyon ng Espiritu at pangangako sa aking Ama sa Langit na mas magtutuon ako sa mga bagay na iyon na magpapaunlad sa akin ay tila nagbigay sa akin ng higit na kakayahan na pakinggan Siya.
“Bihirang nangyayari ang tunay na pagbabago sa isang araw. Alam ko na hindi ito nangyayari sa akin. Ngunit sa paglipas ng panahon, mas lalo tayong nagbabago kaysa noon. Kapag pinakikinggan natin Siya at kumikilos ayon sa espirituwal na patnubay na natatanggap natin mula sa Kanya, ipinapadala Niya ang Kanyang Espiritu at ang Kanyang pagsang-ayon sa atin. Wala nang mas mabuti pa kaysa sa madama ang Kanyang pagsang-ayon at ang Kanyang Espiritu. Pinagtitibay ng Espiritu Santo ang pagmamahal sa atin ng ating Ama sa Langit. At alam ko sa sitwasyon ko, tinitiyak Niya sa akin na maging ang maliliit na hakbang na ito ay tumutulong sa akin na mas mapalapit sa Kanya.”
Elder Neil L. Andersen, “Paano Ko Nagagawang Pakinggan Siya,” Dis. 27, 2021, facebook.com/neill.andersen.
Nang May Tunay na Layunin
“Kamakailan ay tinanong ako ng isang missionary, ‘Hipokrito ba tayo kung hindi natin sinusunod ang lahat ng kautusang itinuturo natin sa mga tao?’ Napakagandang tanong ito! Naisip ko na ibabahagi ko ang sagot ko rito. Alam ko na hindi ko kailangang maging perpekto para matawag na maging miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Nalalaman ko nang higit sa sinuman na hindi ako perpekto. Kaya kailangan ba nating maging perpekto para mapaglingkuran ang Panginoon? Siyempre hindi. Hindi iyon tungkol dito.
“Malaki ang pagkakaiba ng paghihimagsik at kahinaan. Kaya pagkukunwari ang ituro ang isang kautusan na hindi ninyo intensyong sundin. Iyan ay pagiging hipokrito. Ngunit ang pagtuturo ng mga kautusan at pagkatapos ay magkamali at magsisi—hindi iyan pagiging hipokrito, dahil intensyon ninyong sundin ang kautusan. Kapag gumagawa tayo ng mga bagay nang may tunay na layunin, ang ibig sabihin nito ay nais nating sundin ang mga kautusan. Kaya’t walang anumang pagkukunwari hinggil sa pagtuturo ng tungkol sa landas ng tipan o ng tungkol sa mga kautusan ng Diyos kapag talagang intensyon ninyong sundin ang lahat ng ito. Alam ninyo at makapagpapatotoo kayo na ang pagsunod sa mga kautusang iyon ay magdudulot ng mga pagpapala.
“Sa Aklat ni Mormon, sinabi sa Moroni 6:8, ‘Ngunit kasindalas na sila ay magsisi at humingi ng kapatawaran, nang may tunay na layunin, sila ay pinatatawad.’ Ang pagiging hipokrito o pagkukunwari ay nangyayari kung nagkakamali tayo at hindi nagsisisi at walang intensyong magsisi. Ang ibig sabihin ng integridad ay ganap na nagtutugma ang ating mga ginagawa at paniniwala—ito ay ang pagsisikap natin na mamuhay nang matwid. Ngunit pagiging hipokrito o pagkukunwari ba kung hindi natin palaging nagagawa iyan? Hindi, kaya nga may pagsisisi, ‘di ba? Maaari nationg pagsisihan ang mga bagay na iyon na sa kabila ng ating mabubuting pagsisikap ay nabibigo tayo. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, totoong mapapatawad tayo.”
Elder Dale G. Renlund, Facebook, Peb. 15, 2022, facebook.com/DaleGRenlund.
Ang Kabaitan at Walang Kapantay na Kapangyarihan ng Diyos
“Mga minamahal kong kaibigan, pinatototohanan ko na kapag tunay nating pinagsisisihan ang ating mga kasalanan, pinahihintulutan natin ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Cristo na maging lubos na mabisa sa ating buhay. Ang kaloob na pagsisisi ay pagpapahayag ng kabaitan ng Diyos sa Kanyang mga anak, at pagpapakita ng Kanyang walang kapantay na kapangyarihan upang tulungan tayong matalikuran ang mga kasalanang nagagawa natin.”
Elder Ulisses Soares, Facebook, Hunyo 2, 2021, facebook.com/soares.u.