2022
Ang Mapagmahal na Kabutihan ng Walang Hanggang Tipan ng Diyos
Oktubre 2022


“Ang Mapagmahal na Kabutihan ng Walang Hanggang Tipan ng Diyos,” Liahona, Okt. 2022.

Welcome sa Isyung Ito

Ang Mapagmahal na Kabutihan ng Walang Hanggang Tipan ng Diyos

mga taong nakatipon para sa binyag

Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2020, ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson ang kanyang pambihirang mensaheng “Hayaang Manaig ang Diyos.” Binanggit niya na sa loob ng mahigit 36 na taon, pinag-aralan niya ang pagtitipon ng Israel, kabilang na ang mga ministeryo nina Abraham, Isaac, at Jacob at “ang tipan na ginawa ng Diyos sa kanila at sa kanilang mga inapo” (Liahona, Nob. 2020, 92).

Noong Marso 31, 2022, marami pa siyang ibinahagi mula sa kanyang pag-aaral sa isang pulong sa pangkalahatang pamunuan ng Simbahan. Nahikayat siyang ibahagi ang mensahe ring iyon sa lahat ng miyembro ng Simbahan sa isyu ng Liahona sa buwang ito. Sa kanyang artikulong “Ang Walang Hanggang Tipan” (tingnan sa pahina 4), itinuro ni Pangulong Nelson ang iba pang natutuhan niya tungkol sa iniaalok ng Diyos sa Kanyang mga anak na ugnayan sa tipan.

Ang pagkaalam na ang ibig sabihin ng Israel ay “hayaang manaig ang Diyos” ay nagbukas sa aking isipan para makita ang pagtitipon ng Israel sa mga bagong paraan. Ngayon ay nalaman ko na binuksan ni Pangulong Nelson ang puso ko nang ipaliwanag niya ang kahulugan ng hesed, isang salitang Hebreo na madalas isalin bilang “mapagmahal na kabutihan.” Ang pag-unawa kung paano pinag-iibayo ng mga tipan ang mapagmahal na ugnayang ito na nais ng Diyos sa Kanyang mga anak ay nagpabago sa pananaw ko sa kaugnayan ko sa Kanya.

Habang pinag-aaralan natin ang mga turo ni Jeremias tungkol sa pagtitipon ng Israel sa buwang ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, tinutulungan tayo ni Pangulong Nelson na makita kung paanong ang pagpili ng mga pinagtipanang tao ay hindi pagpapakita ng pagbubukod kundi ng landas patungo sa pagtanggap sa lahat. Hindi lamang matatanggap ng sinuman ang mga pagpapala ng walang hanggang tipan, kundi ang mga pumapasok sa tipang ito ay iginagalang ito sa pamamagitan ng pagdadala nito sa buong mundo.

Napakalaking pagpapala ang magkaroon ng mga propeta ng Diyos, kapwa noon at ngayon, upang tulungan tayong maunawaan kung paano tayo makakaugnay sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang tipan!

Tapat na sumasainyo,

Elder Michael T. Ringwood

Ng Pitumpu

Tagapayo sa mga Magasin ng Simbahan