Digital Lamang: Mga Young Adult
May mga Tanong? Narito ang 5 Katotohanan na Dapat Isaisip
Marami akong tanong nang sumapi ako sa Simbahan, pero natutuhan ko kung ano ang dapat gawin para mahanap ang mga sagot.
Sa Japan, lumaki ako na natututuhan ang mga bagay na walang katuturan sa akin. Kaya, bago ako sumapi sa Simbahan, may mga tanong ako tungkol sa sansinukob at sa layunin ng buhay.
Nang nagsimulang magturo sa akin ng mga lesson ang mga missionary, marami akong tanong. Ipinaliwanag ko na naghanap ako ng mga sagot mula sa napakaraming iba’t ibang source pero hindi ako kuntento sa mga sagot na nahanap ko. Itinuro nila sa akin na lagi akong makakaasa sa Panginoon para magabayan ako patungo sa katotohanan.
Mula noon, lagi akong naghahanap ng mga sagot mula sa Kanya at sinusunod ko ang Espiritu para patuloy na mapalalim ang aking patotoo.
Narito ang limang katotohanan na natutuhan ko tungkol sa pagkakaroon ng mga tanong:
1. OK Lang na Magkaroon ng mga Tanong
Tila nakakapagod ang mga tanong, ngunit nais ng Ama sa Langit na magtanong tayo nang may pananampalataya upang mapalakas natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo. Maaari nating tingnan ang mga halimbawa ng mga propeta na nagtanong ng mabubuting bagay tulad ni Nephi (tingnan sa 1 Nephi 17–18), ng kapatid ni Jared (tingnan sa Eter 2–3), at lalo na si Joseph Smith, na ang simpleng tanong ay humantong sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–13).
2. Alam ng Diyos ang Lahat ng Bagay
Noong binabasa ko ang 2 Nephi sa unang pagkakataon, natanto ko na kahit si Nephi ay may mga tanong. Ngunit nagtiwala siya sa Panginoon sa halip na sa “bisig ng laman” (2 Nephi 4:34). Kaya, kapag may mga tanong ako, nagtitiwala rin ako sa Panginoon. Nanalangin ako nang taimtim, sinaliksik ko ang mga banal na kasulatan, at pinag-aralan ang mga salita ng mga propeta upang mapalapit sa Kanya at nagtiwala sa Kanyang panahon bago sa iba pang bagay.
Tila madaling mahanap ang mga sagot ng mundo, ngunit ang Diyos ang tunay na pinagmumulan ng katotohanan at kaalaman. At palagi natin Siyang makakausap para gabayan tayo tungo sa katotohanan—talagang kamangha-manghang pagpapala ito!
Itinuro ni Pangulong Russell M, Nelson, “Maaari tayong manalangin sa ating Ama sa Langit at tumanggap ng patnubay at direksyon, mabalaan sa panganib at ligalig, at mabigyan ng kakayahan na gumawa ng mga bagay na hindi natin kakayanin nang mag-isa.”1
3. Kailangan Natin ng Araw-araw na mga Karanasan Kasama ang Panginoon
Natutukso ako kung minsan na lumayo sa Ama sa Langit kapag nakikinig ako sa mga opinyon ng mundo, lalo na sa social media. Ginagawa ng kaaway ang lahat ng makakaya niya para ilayo tayo sa katotohanan. At madalas niya tayong bigyan ng mga bahagyang katotohanan at ideya na tila hindi nakakapinsala at nakakahikayat.
Ngunit itinuro din ni Pangulong Nelson na “ang panlunas sa mga pakana ni Satanas ay malinaw: kailangan natin ng araw-araw na mga karanasan ng pagsamba sa Panginoon at pag-aaral ng Kanyang ebanghelyo. … Bigyan Siya ng makatwirang bahagi ng inyong oras. Sa paggawa nito, pansinin ang mangyayari sa inyong positibong espirituwal na momentum.”2
Ang paglalaan ng oras para sa Kanya sa bawat araw ay tutulong sa atin na makilala ang tinig ng kaaway at ang tinig ng Panginoon.
4. Ang Pagtupad sa mga Tipan ay Nag-aanyaya sa Kapangyarihan ng Diyos
Maaaring nakatutuksong hayaang madaig ng ating mga tanong ang ating pananampalataya at pag-asa kay Jesucristo. Magagawa rin ng mundo na gawing kaakit-akit ang paglabag sa ating mga tipan. Ngunit pinatototohanan ko na sa pagsunod sa mga salita ng mga propeta at pagtupad sa aking mga tipan, nagkaroon ako ng walang hanggang pananaw na nakatulong sa akin na makadama ng higit na kapayapaan at kagalakan kaysa noon, kahit wala ang lahat ng sagot. Alam ko, tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, na “sa mga ordenansa at tipan ay natatanggap natin ang kapangyarihan ng Diyos,”3 at nadama ko ang kapangyarihang iyon na mahanap at maniwala sa katotohanan sa pamamagitan ng pagtupad sa aking mga tipan.
5. Maaari Nating Piliing Maniwala
Kapag may mga tanong kayo na hindi nasagot, isipin ang nalalaman na ninyo. Alalahanin na kasama ninyo ang Ama sa Langit kahit hindi ninyo mahanap kaagad ang mga sagot.
Alam ko kung ano ang pakiramdam na magkaroon ng mga tanong na hindi nasagot at maharap sa mga tukso sa mundo. Ngunit mayroon tayong mahalaga at nakahihikayat na kaloob na Espiritu Santo. Ang pagsunod sa Espiritu ay hindi palaging nangangahulugan na makakahanap tayo kaagad ng mga sagot, ngunit ibig sabihin nito ay palagi tayong magagabayan tungo sa katotohanan. Sa paghahanap ko sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, nakadarama ako ng kagalakan at lakas mula sa Espiritu araw-araw upang patuloy na sumulong nang may pananampalataya. Naaalala ko na sa kabila ng ating mga paghihirap, lagi tayong may kapangyarihan na “piliing maniwala.”4
Lubos akong nagpapasalamat para sa aking kaalaman tungkol sa ebanghelyo at sa mga tanong na nagbigay-daan para mapangalagaan at mapalakas ko ang aking patotoo tungkol kay Jesucristo.