2022
Paano Ko Muling Madarama ang Espiritu?
Oktubre 2022


“Paano Ko Muling Madarama ang Espiritu?,” Liahona, Okt. 2022.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Paano Ko Muling Madarama ang Espiritu?

Nang awitin ng koro ang “Jesus, Hamak nang Isilang,” ang mga muog ng kadiliman na nakapalibot sa akin ay nagsimulang gumuho.

Larawan
Tabernacle Choir

Kahit sa pinakamadidilim na panahon sa buhay ko, palagi kong nadarama ang kapayapaan sa kabila ng mga pagsubok sa aking buhay sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ngunit nagbago iyan nang ginamot ako sa malubhang pananakit na naging dahilan ng pagkakaratay ko sa loob ng dalawang buwan.

Nabawasan ang sakit matapos ang aking pagpapagamot, ngunit nagsimula akong mahirapan sa depresyon. Kasabay nito, pakiramdam ko ay nawalan ako ng kakayahang madama ang Espiritu.

Sa loob ng anim na buwan, pakiramdam ko ay pinabayaan ako at desperado akong madamang muli ang Espiritu. Ang aking paggaling ay mahaba at masakit, na tila mas nakakapagod kung wala ang Espiritu.

Kinausap ko ang bishop ko, na nagpaliwanag na kung minsan ay ikinukubli ng depresyon ang Espiritu para hindi natin ito madama. Pinanatag ako ng kanyang payo, at ang basbas ng priesthood mula sa aking asawa ay nagbigay sa akin ng dagdag na lakas habang naghihintay ako nang may pag-asa na madamang muli ang Espiritu Santo.

Ang pangkalahatang kumperensya ay palaging pinagmumulan ng espirituwal na lakas para sa akin, ngunit sa pambungad na sesyon ng pangkalahatang kumperensya ng Abril 2019, wala akong nadama. Nagbago iyan nang sumunod na sesyon nang awitin ng pinagsamang koro mula Brigham Young University ang “Jesus, Hamak nang Isilang.”1

Ang mga titik at paglalarawan kay Jesucristo bilang kordero ay nagpalambot sa puso ko. Natanto ko na ang pader ng galit, depresyon, at mga maling damdamin ng pagtalikod ay nagkubli sa kakayahan kong madama ang Espiritu. Isang muog ng kadiliman ang nakapalibot sa akin, kaya naging imposibleng makapasok ang Espiritu sa aking puso. Nang awitin ng koro ang ikalawang taludtod, nagsimulang gumuho ang muog na iyon.

Binalangkas ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang himno sa kanyang mensaheng “Narito, ang Cordero ng Diyos.”2 Sa dagdag na kapangyarihan ng kanyang mga salita, napuspos ako ng pagmamahal sa Tagapagligtas at sa Ama sa Langit.

Maraming sagabal ang makahahadlang sa atin na madama ang Espiritu, ngunit maaari nating malampasan ang mga hadlang na ito sa tulong ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak. Lubos na nauunawaan ni Jesucristo ang aking mga paghihirap. Dahil sa pagmamahal sa atin at sa Kanyang Ama, “Siya ay dumaing sa dugo at mga luha.”3

Alam ng Ama sa Langit kung ano ang magdudulot sa atin ng kapanatagan, at alam Niya kung kailan tayo pagpapalain para sa ating pinakadakilang espirituwal na pag-unlad.

Mga Tala

  1. “Jesus, Hamak nang Isilang,” Mga Himno, blg. 118.

  2. Jeffrey R. Holland, “Narito, ang Cordero ng Dios,” Liahona, Mayo 2019, 44–46.

  3. Mga Himno, blg. 118.

Print