2022
Bakit Tayo Nag-aayuno
Oktubre 2022


“Bakit Tayo Nag-aayuno,” Liahona, Okt. 2022.

Mga Pangunahing Aral ng Ebanghelyo

Bakit Tayo Nag-aayuno

babaeng bumibisita sa isa pang babae sa ospital

Larawang kuha ni Scott Law

Ang ibig sabihin ng pag-aayuno ay hindi pagkain at pag-inom upang mas mapalapit sa Diyos. Kung pahihintulutan ito ng kanilang kalusugan, ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nag-aayuno sa unang Linggo ng bawat buwan. Ngunit maaari din tayong mag-ayuno sa ibang pagkakataon, tulad ng kapag ang isang kapamilya o miyembro ng ward o branch ay may malubhang sakit.

Mga Turo ni Cristo

Sa panahon ng Lumang Tipan, nag-ayuno sina Moises at Elijah (tingnan sa Exodo 34:28; 1 Mga Hari 19:8). Sa panahon ng Bagong Tipan, nag-ayuno at nagdasal si Jesucristo upang makapaghanda para sa Kanyang ministeryo (tingnan sa Mateo 4:1–4). Itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa kapangyarihan at kahalagahan ng pag-aayuno. Ang utos na mag-ayuno ay patuloy pa rin hanggang ngayon.

tinuturuan ni Jesus ang isang grupo ng mga tao

Layunin

Ang pag-aayuno ay isang paraan para mas mapalapit tayo sa Diyos. Maaari tayong mag-ayuno kapag naghahangad tayo ng paghahayag o isang partikular na pagpapala. Maaari tayong mag-ayuno para magpasalamat sa Diyos. Ang pag-aayuno ay nagbibigay rin ng paraan para mapaglingkuran natin ang iba sa pamamagitan ng mga handog-ayuno.

pamilyang nakaluhod at nagdarasal

Pag-aayuno at Panalangin

Itinuro ng mga propeta na ang pag-aayuno nang walang panalangin ay pagpapakagutom lamang. Maaari nating simulan at tapusin ang ating pag-aayuno sa panalangin, at maaari tayong manalangin sa ating puso habang nag-aayuno tayo. Maaari tayong manalangin para sa lakas at inspirasyon at maunawaan ang kalooban ng Diyos. Maaari din tayong humingi ng mga pagpapala sa Diyos para sa ating sarili o sa ating mga mahal sa buhay.

Linggo ng Pag-aayuno

Ang unang Sabbath ng buwan ay karaniwang araw ng ayuno. Sa araw na iyon, nag-aayuno tayo nang 24 na oras kung kaya natin. Nagdarasal din tayo, dumadalo sa mga miting natin sa Simbahan, at nagbibigay ng handog-ayuno sa Simbahan.

batang nag-aabot ng ikapu sa bishop

Larawang kuha ni Shirlene Stoddard

Mga Handog-Ayuno

Ang handog-ayuno ay isang donasyon para matulungan ang mga nangangailangan. Ito ay bahagi ng batas ng ayuno. Kapag nag-aayuno tayo sa Linggo ng Pag-aayuno, inaanyayahan tayong magbigay ng handog na katumbas man lang ng halaga ng dalawang kainan na hindi natin kinain. Ibinibigay natin ang donasyon, tulad ng ikapu, sa isang miyembro ng ating bishopric o branch presidency o isinusumite ito sa website ng Simbahan.

Fast andt Testimony Meeting

Sa Linggo ng Pag-aayuno, ang sacrament meeting ay isang fast and testimony meeting. Sa pulong na ito, umaawit, nagdarasal, at nakikibahagi tayo ng sakramento tulad ng ginagawa natin tuwing Linggo. Pagkatapos ay inaanyayahan ang mga miyembro ng kongregasyon na magpatotoo tungkol kay Jesucristo at sa kanyang ebanghelyo.

pamilyang nananalangin

Mga Pagpapala ng Pag-aayuno at Panalangin

Kapag nag-aayuno at nagdarasal tayo, mas napapalapit tayo sa Panginoon at nadaragdagan ang ating espirituwal na lakas. Pinalalakas din natin ang ating pag-asa sa sarili, nagkakaroon tayo ng higit na habag, at nagiging mas mapagpakumbaba.