2022
Mga Luha ng Kalungkutan, Mga Luha ng Kagalakan
Oktubre 2022


“Mga Luha ng Kalungkutan, Mga Luha ng Kagalakan,” Liahona, Okt. 2022.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Mga Luha ng Kalungkutan, Mga Luha ng Kagalakan

Masakit ang pagkamatay ng aking ina, ngunit ang aking pasakit ay “[n]alulon sa kagalakan dahil kay Cristo.”

Larawan
pinapanatag ni Jesus sina Maria at Marta

Isang Linggo ng hapon, sinimulan kong isipin ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang mga isiping iyon ay nakatulong sa akin na madama na ligtas ako.

Gayunman, bigla kong naalala ang dumaraming kaso ng COVID-19 sa aking bansa. Agad akong nalungkot para sa mga tao sa buong mundo na nagdurusa. Sabi ko sa sarili ko, “Hindi nila nadarama ang kaparehong seguridad at kapayapaang nadarama ko.” Dahil sa mga nadama kong iyon ay lumuhod ako, at nagsimula akong magdasal.

Ipinagdasal ko ang mga namatay na, gayundin ang mga nawalan ng mahal sa buhay. Napaiyak ako para sa kanila dahil alam ko ang sakit na nadarama dahil sa pagkawala ng isang taong mahal mo. Sa pandaigdigang pandemyang COVID-19, marami ang nagdala nang mag-isa ng pasanin ng pagkawala ng isang mahal sa buhay.

Pagkatapos ay naisip ko ang aking ina, na pumanaw noong limang taong gulang ako. Habang tuluy-tuloy na dumadaloy ang mga luha sa aking mga pisngi, nagdasal ako sa Ama sa Langit kung gaano ako nangungulila sa kanya. Pagkatapos ay naalala ko na nanangis si Jesus kasama nina Maria at Marta matapos mamatay si Lazaro na kanilang kapatid at kanyang kaibigan (tingnan sa Juan 11:19–35). Napanatag ako ng kanyang pagkahabag, ngunit patuloy pa rin sa pagdaloy ang mga luha nang maisip ko kung gaano ako nangungulila sa aking ina.

Habang patuloy akong nagdarasal, isinama ko ang nanay ko sa aking panalangin. Naisip ko siya at naisip ko na nasa harapan ko siya. Sinabi ko sa Ama sa Langit kung gaano ko siya kamahal at nangulila sa kanya. Pinasalamatan ko Siya sa panahong nakasama ko ang nanay ko sa mundong ito. Nangungulila ako sa kanya, pero naniniwala ako na balang-araw ay magkikita kaming muli at magkakasama-sama bilang pamilya magpakailanman.

Tumigil ako, at napuno ng pag-asa ang puso ko. Nagdasal ako sa Ama sa Langit na pagpalain kami ng aking ama na manatili kaming tapat hanggang sa makita naming muli ang nanay ko. Pagkatapos ay napaluha ako sa kagalakan at pag-asa para sa maluwalhating pagtitipong iyon na ginawang posible ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas.

Nakadarama ako ng napakalaking pasasalamat sa Ama sa Langit para sa plano ng kaligtasan. Masakit ang pagkamatay ng aking ina, ngunit ang aking pasakit ay “[n]alulon sa kagalakan dahil kay Cristo” (Alma 31:38). Nagpapasalamat ako sa Kanya. Pinaninibago Niya ang aking pag-asa sa buhay na darating. Ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ay mas makahulugan na sa akin ngayon kaysa rati. Makikita kong muli ang aking ina dahil sa aking Tagapagligtas.